"Darkness will fool you.."
----
Pakiramdam ko naubusan ako ng hininga at tumindig lahat ng balahibo ko sa katawan kasabay ng napakalamig na hangin na yumayakap sa amin.
Napaluhod ako sa lupa. Nauubusan na ng lakas at pag-asa. Nagsisismula na rin mag-unahan sa pagtulo ang mga luha ko habang hindi ko na napigilan ang paghikbi. Hindi ako masyadong naniwala sa sinabi nang matandang nagpatuloy sa amin kanina pero ngayon ay nararanasan na rin namin ang pinagdaanan niya noon.
Bumalik kami sa bayan ng Sarmiento. Bumalik kami...
Ang gubat na nilusutan namin ay tinurro kami rito, hindi kami bumalik pero bakit nandito kami?
Napakatahimik ng paligid. Walang huni ng mga ibon o kahit anong hayop, walang ingay mula sa mga kasama ko at walang buwan na nakatanaw. Sandali, guni-guni ko lang ba o may bumubulong sa tabi ng kaliwang tenga ko? Ayokong lumingon pabalik, ayoko. Natatakot ako na baka may makita na naman ako, na baka mag-ilusyon na naman ako.
"Alas tres," narinig kong nanginginig na sambit ni Klem. Nanigas ang katawan ko at tanging mata lang ang pinagalaw upang masulyapan siyang nakatingin sa isang lumang relong suot. Galing 'yon sa kanila ni Aling Rosa. "A-Alam niyo ba kung ano 'yon?"
"Ano ba?! Klem wag ka ng manakot! Tingnan mo si Shan oh!" biglang sigaw ni Kier na tila bumulabog sa gubat. Nag- echo 'yon sa buong paligid at tila may sumasabay na hagikgik mula sa itaas ng mga puno.
"Gago ka, Kier." Si Zik.
Tinakpan ko ang tenga ko. Yumuko at tinuon ang mata sa mga dahon. Pakiramdam ko may naririnig na namang akong pamilyar na boses at tila bumubulong yon malapit lang sa tenga ko.
"Anak? Sumama ka sa akin..."
Mabilis akong umiling habang pumapatak na ang luha. "Tama na, please..."
"Anak ko..."
Ayoko na!
"Jean, mahal kong anak," boses na ni mama ang naririnig ko. Malinaw at malambing. Napahagulgol ako lalo dahil parang ako nalang mag-isa, inangat ko ang ulo ko at nakita ang mga kasama kong nakaharap sa akin at nanlilisik ang mga mata, sa likod nila ay ang mga tila kalansay na na nilalang na nangungulubot ang mukha at may malalaking mata at ngipin. Nakayakap iyon sa likod nila. Sa gilid ko ay naroon ang anino ni mama. Napayuko ulit ako sa lupa.
"Anak ko..."
Hindi! Patay ka na!
Hindi ako dumilat. Pinatong ko ang ulo ko sa dalawa kong tuhod habang patuloy pa rin sa pagtulo ang aking mga luha. Nanghihina ako, parang bumalik lahat ng sakit na naramdaman ko ng mamatay si mama. Sunod ay ang pagkalulong ni papa sa trabaho niya na halos makalimutan niya na ako. Ang pagrerebelde ko na nauwi sa ganito.
Ayoko na...
Gusto ko nang sumuko. Takot na takot na ako.
Wala na akong naririnig dahil bigla na namang tumahimik ang lahat. Kahit ang mga kasama ko ay hindi ko alam kung nariyan pa ba dahil maliban sa dahong hinahangin at huni ng mga insekto ay wala ng ibang ingay. Nasan na sila? Gusto kong iangat ang ulo ko at dumilat pero baka kung ano na naman ang makita ko. Nakaramdam na rin ako ng pangangalay at pananakit ng likod.
Iniwan na ba nila ako? Hindi ba nila napansin na hindi ako nakasunod?
Ilang minuto ang lumipas at hindi ko na namalayan na nilamon na ako ng antok. Tuluyan na akong nakatulog sa gubat.
BINABASA MO ANG
Along the woods (On-going)
Mystère / Thriller"There is something strange here." An eighteen year old girl named Jean Roxas, went to a village called " Barrio Sarmiento", a questionable village that is excluded in the government's map; at the middle of wondering about the strange gloomy atmosph...