"K"
ni CorrectionFluid
"MAGHAHANDA ka ba mamayang Noche Buena? Ano'ng mga ihahanda mo?" naantala ang paglalakbay ng diwa mo nang maunlinigan mo ang baritono at mabining tinig nito.
Buong pagtataka mo itong tinitigan. 'Nandito na naman ang isang ito? Kailan ba titigil ito sa panggugulo?' Ito sana ang gusto mong isagot dito. Mukhang nahulaan naman nito ang gusto mong sabihin sa naging sagot nito sa'yo.
"Pasensiya na kung kinakausap kitang muli. Alam ko, gusto mong mapag-isa ngayon. Gusto ko lang talagang samahan ka. Alam mo na, Pasko eh." Bakas sa tinig nito ang pilit na ikinukubling kalungkutan.
Hindi mo maiwasang makaramdam ng bahagyang lungkot. Nginangatngat ng awa ang puso mo para rito.
Nagtanggal ka ng bara sa lalamunan bago magsalita, "A-ang kaso, taun-taon na lang, ginugulo mo 'ko. Kung kailan gusto ko ng katahimikan, saka ka naman papasok sa eksena." matapat na saad mo rito.
"Masisisi mo ba 'ko kung na-miss kita?" isang pilyong ngisi ang pinakawalan nito.
May kung ano sa kaibuturan mo ang gustong magpadala sa naging reaksyon nitong kaharap mo. Sa huli, mas pinili mong manahimik na lang at tapunan ng tingin ang Doha Skyline sa di-kalayuan.
Ah, lubhang kaakit-akit para sa iyo ang tanawing ito. Ilang libong metro mula sa puwestong kinaroroonan mo, magkakasamang nagkukumpulan ang mga makukulay na gusali. Mistulang nasa patimpalak ang mga ito at nagpapaligsahan ayon sa ganda, tikas at porma. Batid mo na mas kaakit-akit ang mga ito tuwing gabi, dala ng makukulay nitong mga adorno't palamuti.
'Na-miss din naman kita,' ito sana ang gusto mong itugon dito. Tila nagtatalo ang kalooban mo kung ibubulalas ba ito o itatago na lamang sa puso mo.
"Kailan nga ba tayo huling nag-usap?" inosenteng tanong mo.
Tila nag-isip pa muna ito bago sumagot, "No'ng kakasimula pa lang ng Simbang Gabi. Naghahanap ka ng kasama para mag-simba. Inalok ko ang sarili ko na samahan ka pero tumanggi ka. Gustung-gusto kong makasama ka, pero mukhang ayaw mo." malungkot na dagdag pa nito.
Hindi naman sa ayaw mo itong kasama. Ang kaso, sa tuwing madidikit ito sa'yo, daig pa sa bilis ng bala ng baril kung magbago ang nararamdaman mo.
"Nakapag-simba ka ba? Kahit isang beses man lang?" inosenteng tanong nito.
Umiling ka, tanda ng tugon mo rito. Makailang ulit kang niyaya ng mga kasamahan mo sa bahay. Walang pagsidlan ang maaliwalas na ekspresyong mababanaag mo sa mga mukha ng mga ito. Isang ekspresyon na dulot ng isang pakiramdam na matagal mo nang hinahanap, matagal nang nawawala sa kaibuturan mo.
"Ikaw, nakasama ka ba sa mga kakilala mo no'ng Simbang Gabi?" pag-iiba mo ng paksa.
"Ah, medyo. Pero parang saling-pusa nga lang ako doon sa mga kasama ko sa bahay. Ni hindi nga ako kinakausap." Hindi nakaligtas sa paningin mo ang paglabi nito.
"Sige, dito ka na muna. Ayos lang naman kung tayo ulit ang magkasama." Isang tipid na ngiti ang pinakawalan mo, dahilan para bahagyang lumiwanag ang mukha nito.
Inanyayahan mo itong umupo sa tabi mo. Pumihit kayo patalikod sa Doha Skyline, dahilan upang maulinigan mo ang mga taong maingay na nagkakasiyahan. Ah, gaano karami kaya ang mga tao ngayon dito sa MIA Park? Hindi mo batid, ngunit isa lamang ang sigurado: ang karamihan dito ay mga kababaihan, ang iba naman ay magpapamilyang Pilipino.
Isa ang Museum of Islamic Art (MIA) Park sa mga pamosong atraksyon dito sa Doha. Tuwing mga espesyal na okasyon, hitik ito sa bisita. Halos mga Pilipino ang palaging nandito, palaging nagkakasiyahan kahit pa sa iisang araw lang ng pahinga.
BINABASA MO ANG
Usapang Lasing
Aktuelle LiteraturKwentu-kwento lang 'to na kung anu-ano. Kung interesado ka, eh di basahin mo. Tama na 'yan, inuman na. 'Oy pare ko, tumagay ka.