AGUA BENDITA

1K 30 7
                                    

A/n: Dahil eleksyon na bukas. Hoho.

Sana makabasa ako ng makabagbag - damdaming mga komento. Maraming salamat po!

***

AGUA BENDITA

Ni: CorrectionFluid

TANAW na tanaw ni Temy mula sa itaas ng entablado ang mga bagong dating mula pa sa kabilang ibayo, na talagang pinili pang dumayo dito sa kanila para masaksihan ang kaabang – abang na pangyayari dito sa liwasang bayan, malapit sa simbahan.

Sabay – sabay na dumarating ang mga ito habang nakasakay sa kani – kanilang sasakyan, bitbit ang kani – kanilang mga bagahe, kahong ipapasalubong na tingin niya’y naglalaman ng kung anu – anong mga pagkain, kagamitan at kung anu – ano pang maliliit na bagay na galing sa kung saan – saang lugar. Marahil, ito ang magsisilbing pambawi ng mga taong lubhang nagkulang sa kani – kanilang mga anak; ang tapalan ng kasiyahang dulot ng materyal na bagay ang kahungkagan na dulot ng kanilang kakulangan sa pag – aaruga.

Isa lamang siya sa mga ordinaryong mamamayan ng Santa Inez, ang baryong pinakatanyag kung mababanggit ang lugar na Quingua. Kilala ang kanilang lugar sa samut – saring mga pakulo tuwing may okasyon, partikular na ang mga pistang bayan, Flores de Mayo, Santacruzan, at pati na rin ang pangangampanya tuwing eleksyon. Di maipagkakaila na tunay na dinarayo ang piling mga atraksyon ng lugar na ito, na siyang nagdudulot sa mga mamamayan upang panandaliang magkaroon ng pakpak na ikakampay. Ito na lamang ang isa sa kakaunting ipinagmamalaki ng kanilang lugar, maliban na lamang sa isang lumang tradisyon na tanging ang mga matatanda lang sa baryo ang nakakaaalam kung kailan pa nagsimula.

Sentensyador. Ito ang espesyal na trabaho ni Temy sa tuwing sasapit ang panahon ng halalan. Anim na taon na buhat nang una niyang tanggapin ang trabahong kakatwang tanyag lamang sa mga isang espesyal na pagtitipon, ang Sentensyahan. Dalawang gabi bago pa man maganap ang eleksyon, titipunin ng lokal na pamahalaan ang lahat ng mga kandidato mula sa kani – kanilang partido, aanyayahan sa isang miting de abanse (o sa madaling salita’y pagtatalu – talo)  sa liwasang – bayan upang magpalaliman ng mga pananaw, magparamihan ng mga plataporma, magpalitan ng mga tsismis at kuru  kuro, o di kaya’y magpataasan ng ihi. Dalawampung taong gulang siya nang una niyang masaksihan ang nabanggit na pagtitipon. Noong una, lubha siyang nagulat sapagkat bago pa lamang sa sistema niya ang karimarimarim na alitan ng bawat kandidato sa mismong miting de abanse, kasehodang may mga kaharap itong mga kilalang personalidad at tinutugaygayan ng pipitsuging mga mamamahayag sa lokal na dyaryo. Dahil na rin sa paulit – ulit na panunuod ng mga debate sa telebisyon, pang-aamok ng mga ralyista sa harapan ng munisipyong pambayan, at sa paulit – ulit na pangungumbinsi ng Mayor sa tuwing may gulo, masasabi niyang sa loob ng anim na taon, maipagmamalaki niyang kahit paaano’y alam na niya ang takbo ng utak at likaw ng bituka ng bawat pulitiko.

Natatanaw na niya ang pagkagat ng dilim mula sa kanyang kinauupuan. Nakita niya pa mula sa entablado ang tahasang pagsira ng mga batang – kalye sa mga tanim na bulaklak sa paligid ng rebulto ni Santiago Apostol. Katabi ng naturang rebulto ay ang mga tinderang matiyagang naghihintay ng mga dayuhang papakyaw sa kanilang mga tindang Sampaguita. Ilang dipa lang mula sa kanilang pwesto ang mga taong lakas – loob na nagbabakasakali sa pagtitinda ng mga kinulayang sisiw, mga laruang lobo at tigpipisong palabunutan. Tahasan siyang napailing dahil sa nasaksihan. Nagpasya siyang umuwi na ng bahay upang maisagawa na ang dapat niyang isagawa, at maihanda na niya ang dapat na maihanda. Habang papalakad pabalik, natanaw niya ang isang batang pilit na tinatanggal ang pagkakadikit ng kumpol ng mga poster ng isang kandidatong kilala sa kanilang lugar hindi dahil sa pagiging makatao, kundi dahil sa panggugulang sa tao. Hindi man lang siya nag – aksaya ng panahon upang sawayin ito.

Usapang LasingTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon