-Myka-
Masaya kaming naglalaro ni Riku sa sala. Mga toy cars at yung mga teddy bear ko na nakatabi lang yung pinag lalaruan namin. Gumawa pa kami ng kunyaring kastilyo dito sa sala gamit yung mga unan na
pinagpatong-patong. Kaming dalawa lang ni Riku kasi masa trabaho pa si mama tapos si Tita naman may bago na ring trabaho. Wala naman na akong gagawin na assignment or project kasi tapos na yung school year namin. Kapag ganitong panahon nga dapat nasa classroom na ulit kami. Pero wala mahirap talaga sigurong maibalik sa dati kaagad.Narinig ko na tumunog yung pinto kaya napatingin ako sa pinto at nakita ko si mama na pawis na pawis. May hawak syang plastic bag na may laman na tinapay. Kaagad ko syang inisprayan ng alcohol na halos paliguan ko na tapos kinuha ko yung plastic tsaka nilapag sa mesa. Tamang tama nagugutom na kami kasi kanina pa kami kumakain. Lumapit sa'kin si Riku at kumuha ng isang tinapay. Ginulo ko ang buhok ni Riku dahil ang cute nyang kumain. Nagtimpla na rin ako ng gatas at kape para may sawsawan kami.
Tatlo na kami na kumakain sa lamesa. Pero natigilan ako sandali. Para kasing may mali. Hindi ko naman alam kung ano yun. Basta bigla na lang akong kinabahan. Napahawak ako sa dibdib ko na ang lakas ng kabog. Wala naman na kami ng recitation kasi tapos na nga yung school year. Wag naman sanang it's a prank lang na tapos na.
"Myka, may problema ba?" nag aalalang tanong ni mama.
Kaagad naman akong umiling saka ngumiti. "Wala po. Masaya lang ako. Ang aga nyo po kasing umuwi."
"Ahh oo inagahan ko ngayon kasi nakalimutan ko labahan yung mga damit ni Papa mo. Hindi ko na ihabilin sayo kanina,"
"Ako na po maglalaba–"Hindi ko na natapos ang sasabihin ko dahil muling nagsalita si mama.
"Wag na. Bantayan mo na muna si Riku." Napatango na lang ako at muling tumingin kay Riku.
Nagpatuloy kami sa paglalaro hanggang sa napansin namin na 4:30 na pala. Hapon na pala hindi ko napansin yung oras. Tinawag ako ni mama para isampay yung mga damit ni papa. Maingat na binuhat ko yung mabigat na tray papunta sa labas. Hindi mawala sa isip ko yung wierd na pakiramdam ko kanina. Pakiramdam ko kasi talaga may hindi magandang mangyayari.
Nagpatuloy lang ako sa pagsasampay. Inayos ko yung pagitan ng mga sinampay ko saka ako pumasok sa loob. Antagal ko rin nagsampay kasi ang dami palang mga damit. Naabutan ko si mama na nakaupo sa sala at may kausap sya sa phone. Nakaloud speaker kasi kaya naririnig ko yung pinaguusapan nila.
[ May nangyari sa nanay mo]
"Anong nangyari kay nanay?" Nag aalalang tanong ni mama habang mahigpit ang hawak sa cellphone.
[ W-wala na si nanay mo.]
Napatayo si mama at biglang sumigaw. "Kailan?! Anong nangyari?!"
[K-kanina lang. L-umala na kasi yung sakit ni nanay mo...K-kaya di na nya kinaya]
Halatang nagpipigil sa pag iyak ang nasa kabilang linya at dahil sa sinabi nya ay nabitawan ko yung hawak kong tray. Si mama naman ay napaluhod at humagulgol. Hindi ako makagalaw sa kinatatayuan ko. Yung mata ko ay nakatutok lang kay mama. Ito ang unang beses na makita ko na ganito si mama. Oo, nakita ko na syang umiyak pero hindi yung ganito. Ito yung unang beses na makita ko syang lumuluha na parang bata. Dahan-dahan akong lumapit kay mama tsaka sya niyakap ng mahigpit. Nanginginig ang mga kamay ko pero niyakap ko pa rin ng mahigpit si mama.
Hindi ko kaclose si lola dahil nga malayo sya saamin at bihira lang kaming umuwi dahil walang pera pero mahalaga sya para saamin. Mahal na mahal ko si lola. Last year umuwi kami ng cavite tapos niyakap ko si lola at hinalikan sa pisngi. Hindi ko yun madalas na gawin dahil nga di ko kaclose si lola. First time ko syang yakapin at halika sa pisngi. Ang sakit lang kasi hindi ko inaakala na yun na pala yung una at huli kong pagyakap at paghalik sa pisngi nya.
Lumapit saamin si Riku at niyakap namin pareho si mama. Pare-pareho na kaming lumuluha at walang nagsasalita saamin. Hinayaan ko lang na mailabas ni mama ang emosyon nya.
____
Malapit na maghapunan kaya pinaupo ko na muna si mama sa sofa habang si Riku ay nakayakap pa rin. Pinupunasan nya pa yung pisngi ni mama gamit ng bimpo. Nagpunta naman ako sa kusina tsaka nagsaing. Hindi mawala sa isip ko yung itsura ni mama.
Sinabi ni mama sa akin na mag text ako kay Tita Karen na bumili na lang ng ulam sa labas. Pero wag daw muna sasabihin yung nangyari. Kaya ginawa ko. Muli akong tumimgin kay mama habang inaantay ko na maluto yung sinalang ko. Nakayuko lang si mama habang nakalagay ang mga palad nya sa mukha. Napayuko ako at napakagat ng ibabang labi. Hindi ako sanay na ganito si mama. Nasasaktan ako kapag nakikita ko syang ganito.
Ilang sandali pa ay dumating na si Tita. May dala syang mga pagkain kinuha ko yung pagkain na dala tsaka muling nagsalita si mama. Napatulala si Tita ng malaman ang nangyari. Lumapit sya kay mama tsaka nagyakapan sila ng mahigpit.
Nagulat naman sina Kuya at Papa nang dumating sila. Hindi sila makapaniwala sa balita. Dahil malakas pa naman si lola noong umuwi kami last year. Nakakapag buhat pa nga sya ng isang galon na malaki. Tsaka nakakapunta pa sa mga party at sumasayaw pa.
Tahimik kaming naghapunan at ayoko naman na mag open ng topic dahil alam ko na masakit ang araw na ito. Malapit na pa naman yung birthday ni lola tapos nangyari pa 'to. Kaagad akong naghugas ng plato at dumiretso sa kwarto. Hindi pa rin ako makapaniwala sa nangyari.
Nakatulala lang ako sa kisame habang sumasagi sa alaala ko yung mga nangyari dati. Yung mga araw na sobrang saya ni lola kapag umuuwi kami. Sinasalubong nya kami na may malapad na ngiti. Tapos lulutuan kami ng mga gusto naming ulam. Sobrang nakakamiss. Pero ngayon wala na si lola tapos di pa kami makauwi para sa Burol. Mahirap kasing makauwi ngayon sa mga probinsya. Napakaraming mga kailangan na requirements. Tapos minsan hinaharangan pa sa daanan.
Pinangako ko pa naman sa sarili ko na sa susunod na umuwi kami gusto ko na makipag kwentuhan kay lola. Tungkol sa buhay nya o kaya naman sa mga hinanakit nya. Kasi mas gusto ko syang mas makilala. Pero mukhang hindi ko na talaga yun magagawa.
Hindi ako mapakali at papalit-palit ako ng pwesto sa pagtulog. Para na akong kiti-kiti. Napasabunot ako sa sarili tsaka naisipan na kumuha na muna ng tubig. Lumabas ako at bumungad sa'kin ang napakatahimik na paligid. Sobrang nakakabingi na pati yung bawat paghakbang ko naririnig. Binuksan ko yung ilaw sa kusina tsaka kumuha ng tubig. Babalik na sana ako sa kwarto pero natigilan ako ng makarinig ng mahihinang pag hagulgol.
Naririnig ko ang mahinang boses ni mama. Narinig ko rin ang boses ni papa na na kinocomfort si mama. Dahan-dahan akong humakbang at ng nakalagpas na ako sa pinto ay napayuko ako at tuluyang nanlabo ang paningin. Unti-unting umagos ang mga luha dahil nadudurog ang puso ko dahil sa mahinang boses ni mama pati na rin sa pag hagulgol nya. Alam ko na masakit yun dahil nga inalagaan sya ni lola. Inalagaan ni lola sina Mama at tita Karen. Kahit na nag iisa lang sya kinaya nya. Sobrang proud ako kay lola dahil nagawa nyang magpalaki ng dalawang anak ng mamatay ang asawa nya.
Bumalik ako sa kwarto at dumapa sa kama tsaka sumigaw sa unan ko. Parang may tinik na nakalagay sa dibdib ko. Warning na nga siguro yung naramdaman kong kaba kanina. Hindi na alam ang gagawin ko sa mga oras na 'to. Habang tumatakbo ang oras ay nagiging mas mahirap para saamin ang lahat. Lalong dumadagdag ang mga problema. Huminga ako ng malalim tsaka naupo. Dahan-dahan kong ipinikit ang aking mga mata at taimtim na nagdasal. Ipinagdarasal ko na sana ay matanggal ang sakit na kumakalat at sana ay mawala ang nararamdaman namin na hapdi. Sana tanggapin ng may kapal ang aking lola sa kanyang kaharian.
______
BINABASA MO ANG
Tumigil Ang Mundo
Fiksi Remaja[Completed ] May isang pangyayari na hindi inaasahan at dahil dito ay marami ang nagbago at maraming nawalan. Ano nga ba ang naidulot nito sa atin? Dahil magkakahalong emosyon ang nararamdaman ni Myka habang nakatulala sa harap ng mga module nya...