Malalim na ang gabi at napagdesisyunan kong magpahinga muna. Hindi ako sinagot ni Astrid kung kailan namin hahanapin ang katawan niya. Aniya ay kailangan niya munang paghandaan ang pagpunta namin sa gubat. Hindi ko alam kung anong kailangan niyang paghandaan pero hindi na ako nagtanong dahil siguradong hindi niya rin naman ako sasagutin at sasamaan niya lang ako ng tingin.
Kasalukuyan akong nakahiga sa kama ng kwarto niya. Oo, sa kaniya pala ang malaking silid na ito at hindi na rin naman nakapagtataka dahil puro larawan niya ang nandito.
Agad akong napalingon sa gawing pintuan nang may makita akong nakatayo doon. Pumasok si Astrid habang diretsong nakatingin sa bintana. Nagtungo siya roon at dinungaw ang kalsada. Malamang ay nandon pa rin ang mga sasakyan at mga taong nakahandusay. Tumayo ako at nilapitan siya upang makidungaw.
"Alam mo ba kung sino sila?" Pagbasag ko sa katahimikan. Nanatili siyang tahimik, hindi ko alam kung naghihintay ba siya sa susunod kong sasabihin o wala lang talaga siyang pakialam. "Iyang mga naka-itim ay gwardya ng taong bumili sa akin sa halagang limang bilyon," Pagturo ko sa mga naka-suit na lalaki. "At yun, yung sasakyan sa unahan, doon nakasakay yung lalaking bumili sa akin"Pagturo ko rito. Napansin ko na sinundan naman niya ng tingin ang mga tinuturo ko.
"Limang bilyon na ang halaga mo?" Hindi ko alam kung iniinsulto niya ba ako o curious lang siya.
"Magkano ba dapat ang halaga ng isang tao?"
Tumingin siya sa malayo at nag isip. "Sa US dollar ang legal na halaga ng isang tao ay sampung milyon, katumbas non ay 586,270,000 sa Pilipinas," Nilingon niya ako bago nagtuloy. "Bakit ang mahal mo?"
"Dahil hindi lang katawan ko ang binili niya, kasama sa limang bilyon ang buong pagkatao ko, ang buhay ko, ang mga pangarap ko, at ang kinabukasan ko." Nilingon ko siya at nagtama ang mga mata namin. "Kung tutuusin kulang pa ang limang bilyon para bilhin ang isang tao, hindi, sa tingin ko ay dapat walang presyo ang kahit sinoman. Hindi ako materyal o isang hayop, tao ako na may sariling buhay at walang kahit sinong may karapatan na bilhin ang buhay ko."
"Kung ganon anong ginagawa mo sa bahay na iyon? Bakit pumapayag kang ibenta ang katawan mo?"
"Hindi ako pumayag kahit kailan na ibenta ang katawan ko, sa napakaraming beses kong naghubad sa harap ng camera, ni isa sa mga yun ay wala akong ginawa ng sinsero. Namulat lamang ako na ganon ang buhay ko," Saglit akong natigilan dahil naramdaman ko ang pag init ng pisngi at mata ko. Parang sumisikip ang dibdib ko dahil ngayon ko lamang nasabi ang mga ito sa ibang tao...o kaluluwa. "Ilang beses kong tinangkang tumakas ngunit paulit-ulit lamang akong bumabalik sa bahay na iyon dahil wala akong ibang alam na lugar bukod doon. Kahit na ruming-rumi ako sa sarili ko, palagi kong tintatak sa isipan ko na balang araw tuluyan din akong makakaalis sa lugar na iyon at mamumuhay nang malayo sa sakit at takot." Agad kong pinunas ang luha na lumabas sa aking mata. Hindi ko alam na mas masakit palang bigkasin ang mga saloobin.
"At sa tingin mo ito ang tamang oras para tumakas?" Muli kong binalik ang aking tingin sa kaniya.
"Hindi," Ayokong magsinungaling at sabihing nakakakita ako ng pag asang makatakas sa tulong niya. "Pero naalala ko yung sinabi mo sa akin na ako lamang ang tanging nakakita at nakahanap sayo, pakiramdam ko ay pareho tayo, sa lahat ng taong nakilala ko, ikaw pa na isang kaluluwa ang nakahanap sa akin. Na kahit anong tago sa akin ni Tasha, nahanap mo pa rin ako." Pero kahit na sa tingin ko ay hindi ito ang tamang oras para tuparin ang pangarap kong makatakas, sa tingin ko ay ito naman ang oras para kahit papano ay makalayo sa malupit kong mundo.
Nag iwas siya ng tingin at muling bumaling sa kalsada. "Hiling ko lang na sana hindi natin nahanap ang isa't isa para lamang mas saktan ang ating mga sarili, na sana hindi natin pagsisihan na nagtiwala tayo sa isa't isa." Aniya.
YOU ARE READING
Lost Soul
Mystery / ThrillerA story that is not sure if will be finished by the author. -author [Jan 2021] I finished it :) -author [10:15 pm, Sep 25 2022]