Chapter 18

11 0 0
                                    


Naalala ko noong unang beses akong isalang ni Tasha sa trabaho ko, labing-apat na taong gulang lamang ako noon nang magsimula akong maghubad sa harap ng camera. Noong una ay hindi ko maintindihan kung bakit ko kailangan gawin ang bagay na iyon at kung bakit ito nagbibigay saya sa iba. Hanggang sa napagtanto ko na may mga taong gagawin ang lahat para sa kanilang kagustuhan at kasiyahan kahit pa na ang kapalit non ay ang buhay ng ibang tao.


Iyon ang reyalidad na aking kinamulatan, marumi, malupit, nakakagalit, at nakakalungkot. Kahit na anong lakas ng sigaw ko ay walang nakakarinig sa akin at kahit na anong iyak ko ay patuloy nila akong sinasaktan. Kahit na ilang beses kong sabihin na ayoko na ay hindi sila tumitigil. 


Sinubukan kong tumakas noon, maraming beses ngunit sa tuwing susubukan kong humingi ng tulong sa iba ay imbes na maawa sila sa akin ay pinandidirihan nila ako. Simula noon tinanggap ko na lamang ang buhay at kapalaran na ipinataw sa akin, minsan nga naiisip ko kung gaano kasama ba akong tao sa nakaraang buhay ko para danasin ko ang pinakamasasakit na bagay sa mundo. 


At simula rin nang matuklasan ko kung anong mundo ang mayroon sa labas ng bahay ni Tasha ay pinili ko na lamang na manatili sa loob at sumuko dahil tulad ng sitwasyon ko sa poder ni Tasha, para lamang din akong nakakulong sa mapanghusga at malupit na lipunan. 


Nawalan ako ng pakialam sa ibang bagay lalo na kung hindi naman ito makakaapekto sa aking sarili , isinara ko ang lahat ng posibleng pinto na makakasakit pa sa akin. 


Ngunit habang tinitignan ko ang mga bakas ng dugo at sugat kina Astrid at Raf ngayon ay para bang wala akong ibang gustong gawin kundi ang hanapin ang kung sino mang gumawa nito sa kanila at alamin kung bakit at paano sila humantong sa ganito. Nais kong magbayad ang taong naglagay sa kanila sa sitwasyon na ito. 


Alam ko na mas masasaktan ako sa kagustuhan kong iyon ngunit pakiramdam ko ay simula noong makita ko silang dalawa ay nagkaroon ako ng responsibilidad sa kanilang mga kaluluwa, na para bang may kailangan akong gawin upang matulungan sila. 


Kahit pa alam kong hindi lang ako masasaktan sa bagay na iyon dahil posibleng yun din ang magiging katapusan ng aking buhay. Ngunit hindi ko alam kung saan magsisimula at paano ko makakamit ang katarungan para sa kanilang dalawa kung pati nga ang daan palabas ng gubat na ito ay hindi ko alam. 


Napakatagal na naming naglalakad at para bang paikot-ikot lang kami, maswerte lang siguro kami dahil wala pa naman kaming nakakasalubong na kahit sino. 


Medyo nahihilo na rin ako ngayon marahil ay sa pagod, nararamdaman ko rin na sumasakit na ang buong katawan ko. 


"Eden!" Agad akong inalalayan ni Astrid nang matisod ako sa isang kahoy. "Ayos ka lang ba?" Agad niyang tanong sa akin. 


"Oo" Ani ko. 


"Ano to?" Inangat ni Raf ang kaliwang braso ko dahilan upang mapalingon kaming lahat doon. Napansin ko na may dugo ang suot kong jacket. 


Inangat ko ang kaliwang bahagi ng jacket  at tumambad sa akin ang nagdudugo kong braso. 


Lost SoulWhere stories live. Discover now