LABIMPITO
ᜎᜊᜒᜋ᜔ᜌᜒᜆᜓ
WAR OF STORMS AND SHADOWSSA PAGKAKATANDA ko ay tanghaling-tapat pa naman pero mabigat ang dagim ng mga ulap na tumatakip sa kalangitan. Nakatuon ang pansin ko sa pinakamaingay na parte ng tenement, sa may bandang kaliwa. Doon ko nakita ang pinagmumulan ng malalakas na hangin—si Lily, nakalutang at pinalilibutan ng malaking buhawi. Pikit ang mga mata niya ngunit mulat na mulat ang mga nagliliwanag niyang tattoo sa balat. Tumutulong ang malakas niyang hangin laban sa mga malignong umo-overpower na sa iilang mga batang Maharlika.
Napakaunti lamang ng kanilang bilang at hindi sapat ang kanilang mga sandata. Paanong hindi nila inaasahan ang atake ng mga kalaban? Sa pagkakaalala ko, ang ilan sa kanila'y lumuwas upang paghandaan ang sinasabi ni Ian na cluster meet. Kaya siguro, kakaunti lang ang mga tao ngayon dito. Si Ian? Nasaan ang lider ng mga Maharlika?
Kinabahan ako bigla nang maisip na baka nasa paligid lamang si Rabot.
Pinilit kong makalapit sa pwesto ni Lily kahit pa ilang beses akong madala ng hangin paurong. Mahigpit ang hawak ko sa bolo para sa sinumang kakalaban sa akin. Kahit sumigaw ako, walang makaririnig dahil sa ingay ng paligid.Sa kabilang side ni Lily ay nakita ko ang madilim na anino. Isang malaking halimaw na may itim na balat at napaliligiran ng mga pulang tattoo. Kasing pula rin ng dugo ang mata nito, matatalas ang ngipin at mga kuko sa daliri. Kamukha ng nga malignong nakagapos sa panaginip ko.
Nakilala ko ang sarimaw dahil sa malapad niyang mga pakpak—si Simm!
Sa tuwing may lalapit na ibang maligno kay Lily ay agad niyang sinusunggab. Ang ilan sa kanila ay hiwa-hiwalay na ang mga katawang nakakalat sa malalaking ugat ng Balete.
"Simm!" sigaw kong hindi naman nila maririnig. Pero pinilit ko pa ring maglakad palapit. May nakasalubong akong isang taong-kalabaw. Umungol ito sabay sugod sa akin. Sa taranta ko'y iwinawasiwas ko ang hawak kong bolo. May kabigatan pala itong gamitin. Hindi nakalapit sa akin ang maligno.
Ngunit nawala sa pansin ko ang pagsalakay ng isang engkanto. Sabay kaming natumba sa lupa at pumaibabaw siya sa akin. Inangil-angil niya ang nakadidiring bibig sa mukha ko. Hinablot ko ang nabitawan kong bolo at buong tapang na itinusok sa leeg niya. Sumirit ang itim na dugo. Nalasahan ko pa ang ilang patak na tumalsik.
Buong lakas ko siyang tinulak palayo para makatayo ako ngunit mabilis ring sumugod ang kalabaw na kanina pa 'ko gustong puntiryahin.
Ibinunggo niya ang matigas niyang ulo sa tiyan ko. Para akong tinamaan ng tumatakbong tren. Tumalsik ang hawak kong sandata at napahandusay muli sa lupa.
Parang may kung anong bumara sa lalaugan ko kaya hindi ako makahinga ng maayos. Nanlabo ang paningin ko. Bahagya ko lamang naaninagan ang pigura ng kalabaw na sumugod sa akin. Ngunit imbis na ako'y atakihin ay bigla na lamang itong napahiga sa tabi ko, nakatusok na ang bolo sa likuran.
"Gwen," rinig kong tawag ni Ian. Kinuha niyang muli ang sandata at tinulungan akong makatayo. "Anong nangyari rito? Saglit lang akong nawala."
Umubo-ubo ako para subukang ibalik ang hangin sa baga ko. Mabuti na lamang at hindi sumakto ang sungay ng taong-kalabaw sa katawan ko. Kung hindi, nagkagripo na ako ng dugo.
BINABASA MO ANG
Klab Maharlika at ang Sumpa ng Ibalóng
FantasiA serpent demigoddess. A maligno-slayer. And a young santelmo. If you're experiencing problematic encounters with mythical creatures, Klab Maharlika is at your service! A Balete Chronicles spin-off novel. Text Copyright © bernardcatam ™ 2020 Written...