"Gusto mo ng―"
"Hindi." Pagputol ko sa katanungan ni Kara.
Biernes. Kauuwi ko lang galing eskwelahan at nadatnan nga rito sa kusina ang wirdong batang nasa katawan ng isang dalaga, kasabay ng pagsalubong sa'kin ng aroma ng nakasalang na kape sa coffee maker.
Dumiretso ako sa kinaroroonan ng fridge para maghanap ng maiinom. Kinuha ang nakitang kahon ng gatas na sa gaan ay malapit ng mamaalam. Binuksan at tinungga direkta sa bunganga ng kahon pagkatapos ay itinapon na sa pedal bin.
"Wala pa yung kuya mo. Yung mama mo naman, kaalis lang pero babalik din daw agad. Yung papa mo 'di pa umuuwi." Informed sa'kin ni Kara na di ko naman na kailangang marinig dahil kabisado ko na ang routine ng mga tao rito sa bahay.
Every weekend, ide-deposit ni mama sa bangko yung isang-linggong kita ng drugstore. Si Kiel naman, mali-late ng uwi dahil hashtag TGIF at si papa ay talagang sa printing office na natutulog tuwing weekend dahil day-off ng mga tauhan at 24 hours na bukas ang computer shop con printing press nang sabado kaya siya ang magtatao do'n.
As usual, kaming dalawa lang ulit dito ni Kara sa bahay.
"Nag-bake pala ng muffin ang mama mo. Gusto mo?" Alok sa'kin ni Kara matapos ilabas sa oven ang isang tray ng mamon at inilapag sa kitchen counter. "Bukas daw, tuturuan niya 'kong gumawa ng cookies. Marunong pala siyang mag-bake 'no? Siguro ikaw din."
Tiningnan ko lang siya nang walang kaemo-emosyon samantalang siya ay parang batang nagkukwento ng kung anong meron sa araw niya.
"Merienda tayo." Alok niya matapos kumuha ng isang mamon saka kumagat.
Dahil sa pagkakahapo ay tinatamad pa 'kong umakyat kaya umupo na lang muna ako sa highchair hindi para samahan si Kara na magmeryenda.
Bakit pakiramdam ko, ako itong estranghero sa sariling bahay?
"Anong pagkakaiba ng muffin sa cupcake?" Tanong ko habang pinapanood siyang kumakain.
"Muffin is firm. Cupcake is soft?" Patanong niyang sagot. "Because inside it's empty like me." Di ko inaasahang dagdag niya.
Hindi na lang ako umimik. Humalumbaba ako sa counter para isipin ang pagkakaiba ng dalawa. Mas maiging ito na lang ang pagsakitan ko ng ulo kesa sa komprontasyon kanina sa pesteng Ytos na yun. Ipagpapalagay ko na lang na bakla siya at natipuhan yung gawa kong portrait ni Trent kaya ayaw niyang ibigay sa'kin. Punyeta.
Nawala ako sa iniisip nang mapansin kong saglit na umalis si Kara sa kinatatayuan. Napalingon ako kung nasaan ang nakasalang na kape. Naka-off na ang coffee maker at nakitang nagsasalin siya ngayon sa tasa.
"Ayaw mo ng kape?" Tanong na naman niya pagkabalik dala ang umuusok na inumin.
"Hindi ako nagkakape."
"Akala ko dati magkapareho tayo pero para namang kagaya rin kayo nila Leigh or Akiko."
Napatingin ulit ako sa kanya. Nakaupo na rin siya ngayon sa highchair. "Sinasabi mo?"
"Yung mama mo, marunong mag-bake. Akala ko kasi ito yung trabaho niya noon pero ang sabi never daw niya nasubukang magtrabaho maliban sa pag-handle ng macro-businesses dito ng kuya niya. Hobby lang daw talaga niya ang pagbi-bake."
Inaakala ba niyang kagaya ako ng mga dati niyang kaibigang ipinanganak na may gintong kutsara sa bibig? Ngayon ko lang alam na sukatan na rin pala ng social status ang hobby.
Oo, hindi pang-ordinaryo ang hilig ng nanay ko dahil nga sa nakalakihan nitong pamumuhay. At oo, sa isang gated community kami nakatira ngayon pero hindi naman namin pagmamay-ari itong bahay. May mga micro business na hina-handle ang parents ko pero hindi naman talaga kanila iyon. Nakapag-aral ako sa mga prestihiyosong eskwelahan dati pero dahil 'yon sa kagustuhan ng tatay ko maski hindi niya kaya. Anak ng mga maimpluwensya at alta sociedad ang mga kaibigan ng kuya ko pero, hindi naman siya kagaya nila. Kung 'yon ang mga basehan para ihanay kami sa gitna o itaas ng tatsulok, may problema sa paningin ng mga tao.