Weekend. Busy si mama sa inventory do'n sa botika nila, umalis naman ng bahay si papa para mamalengke. Si Keil naman kauuwi lang kanina, wala na atang pasok kasi nagbihis na siya ng pambahay at nakasalampak na ang sa sofa. Naka-ON yung TV pero di naman siya nanonood, nasa phone ang atensyon.
Nagtungo ako sa sala, dinampot ang remote sa centre table at umupo sa pang-isahang sofa. Inilipat sa ibang channel ang TV.
"Nanonood ako!" Iritang sabi ni Keil na napabangon nang wala sa oras para agawin sa'kin ang remote at ibalik sa dating channel.
"Hindi kaya." Saad ko naman at lumipat ng upo sa tabi niya bago pa ulit niya higaan ang buong sofa. "Nagse-cellphone ka."
"I'm watching a show." Asik niya at nilakasan ang volume ng TV.
Napatingin ako sa palabas. Project Runway. Muli akong bumaling sa kanya at naabutang sa phone ulit nakatuon ang atensyon. Kinuha ko ang remote na nilagay lang niya sa tabi.
Bigla siyang humarap sa'kin nang ilipat ko ang palabas. "Seriously! What's your problem?" Ayan na naman siya, nag-eenglish na naman. Ibig sabihin naiinis na.
Hindi ko siya pinansin at patuloy lang ako sa paglipat. Inihinto ko sa channel na mukhang documentary ang palabas. Inagaw niya sa kamay ko ang remote at ibinalik sa estasyong na pinapanood daw niya.
Tumingin ako sa kanya. "Hindi ka naman nanonood." Reklamo ko. "At kalalake mong tao, about fashion designing and modeling gusto mo?"
Hindi ko inaasahang ilipat niya sa chanel na pinaghintuan ko kanina saka siya bumaling sa'kin. "At ikaw, kababae mong tao about slaughter and torture documentaries gusto mong panoorin?"
Napatingin ako sa palabas at nasaktuhang tungkol sa pagputol sa katawan ang pinakita sa screen. Gamit ang matalim na panghiwa, pinuputol ng paisa-isa ang bawat parte ng katawan nang matagal hanggang sa tuluyang mamatay yung tao. Isang torture method noon sa China at maging sa Vietnam na kung tawagin ay Lingchi o 'Death by a thousand cuts'.
Dapat ba 'kong matuwa dahil naisakatuparan na ang Human Rights ngayon? Karapatang pantao na inaabuso ng iba.
"Di ka naman mahilig manood ng TV, umakyat ka na nga lang." Sabi ko kay Keil nang hindi inaalis ang tingin sa TV nang bigla ulit itong nag-iba ng channel at bumalik sa scripted reality show na tungkol sa pananahi at paglalakad.
Sinubukan kong agawin kay Keil ang remote pero nabigo ulit. "Interesting yung palabas tapos ililipat mo diyan?" Hindi niya 'ko pinansin.
Napasandal na lang ako sa kinauupuan at nakinood na lang din pero di ko talaga trip ang ganyang klase ng palabas na tungkol sa ka-ek-ekan.
"Lipat mo na lang sa Wrestling." Nababagot kong komento.
"Ba't ba di ka nalang umakyat dun at mag-paint or whatever you want." Iritableng sagot niya. "Wrestlingin kita diyan eh."
"Patayin kita diyan eh." Ganti ko. "Manood ng TV gusto kong gawin ngayon kaya pagbigyan mo 'ko. Ako yung mas bata." Sinubukan ko uling kunin sa kanya ang remote pero maagap niyang naiiwas ang kamay na may hawak nito.
"And I'm older, kaya ako dapat masunod Umalis ka nga dito."
Napabuntong hininga na lang ako at muling napasandal. "Pahiram na lang ng phone mo."
Napatingin siya sa'kin at mukhang hindi inaasahan ang sinabi ko. Hindi ko kasi ugali ang manghiram ng gamit niya, ngayon lang. Ang totoo talagang dahilan ng pangungulit ko ngayon sa kanya ay ang tungkol sa message na nai-sent sa kanya ni Erin.
"Can you please just let me watch?"
Natatawa ako sa kanya ka-OA-han ng pananalita niya. Nanirahan kasi si Keil sa Australia no'ng bata siya kaya dala-dala pa rin niya hanggang ngayon ang nakasanayang salita.