UMPISA

30 3 0
                                    

5 and 2 months AV (After the Virus)

Tila umuusok ang disyerto sa sobrang init. Isang babae ang nakahiga sa buhanginan. Nagkalat ang mga gamit nito – botelya ng tubig, swiss knife, .45 na baril at nakabukas na green na backpack.

Dahan-dahang dumilat ang mga mata ng babae. Sinalubong siya ng matingkad na liwanag hanggang sa ang kulay-tsokolate niyang balintataw ay naging ginto.

Muli siyang napapikit. Mariin hanggang sa magluha ang kanyang mga mata. Gumitaw ang mga alaala. Mga sigawan. Putok ng baril. At malakas na pagsabog. Sinundan yun ng paggitaw ng maamong mukha. Luhaan ito at malungkot na nakatingin sa kanya.

"Hannah." Agad siyang napadilat muli. Nagpilit siyang bumangon para hanapin ang kapatid, ngunit walang lakas ang kanyang katawan.

Naglandas ang luha sa mga mata ng babae na walang ibang kundi si Selena. Wala na si Hannah. Iniwan siya nito.

Nagkulang ba siya ng pagmamahal sa kapatid? Bakit siya nito tinalikuran?

Wala ng saysay ang lahat. Ang kahel na sikat ng araw at ang asul na kalangitan ay tila nawalan na ng kulay para sa kanya. Walang panama ang sakit ng kanyang sugat sa binti, sa tindi ng sakit na nararamdaman niya sa dibdib.

Itinaas niya ang kamay. Nagsayaw ang anino nito na tumatama sa kanyang mukha. Dapat na rin ba siyang mamatay?

"Live! Kailangan mong mabuhay!"

Natigilan siya. Kaninong boses yun? 

Umupo si Selena nang makabawi ng lakas. Dama niya ang magaspang na buhangin sa ilalim ng kanyang mga palad. Nang makita niya ang bottled water, kaagad niyang sinaid ang natitira nitong laman.

Nasa gitna siya ng disyerto ng Pampanga. Patungo dapat sana sila ng Baguio City, ang huling detachment camp sa Pilipinas. Ang sinasabing huling sanctuary para sa natitirang survivors sa Pilipinas.

Pero nagkaro'n ng matinding alitan sa grupo. Trinaydor siya ng mga kasamahan at iniwan sa disyertong 'yun.

Inumpisahan ni Selena na maglakad nang walang tiyak na direksyon. Ngunit dahil sa pagod at matinding dehydration, muli siyang nawalan ng malay.

Ilang daang ulap ang nagdaan kasabay ng mabilis na pag-usad ng oras. Takipsilim na nang muling nagising si Selena. Kumabog nang malakas ang kanyang dibdib nang maalalang gabi nga pala lumalabas ang mga halimaw. Sa 'di kalayuan, umaalimpuyo ang buhangin na dinaanan ng mga ito.  Nanghihinang tumayo si Selena at itinutok ang baril sa mga nightcrawlers, mga nilalang ng gabi. Kumakain ng tao.

When Night FallsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon