SINUNDAN ni Selena ang bakas ng dugo sa pasilyo. Bawat madaanang pinto ay binubuksan niya. Akmang bubuksan niya na sana ang pinakahuling pinto sa aisle nang makita niya ang bakas ng duguang kamay sa operating room.
Higit ang paghingang, dahan-dahan niyang binuksan ang pintuan ng OR. Patay-sindi ang ilaw doon.
Kumunot ang noo niya nang mamataan ang ilang kagamitan na nagkalat sa sahig. Mga gasa. Kutsilyong ginagamit sa pag-o-opera. Sariwang dugo sa tray.
"KUYA, mabubuhay kaya si Henry pagkatapos nito?" tanong ng may kapayatan at may hitsurang binatilyo. Nakasiyete ang blonde nitong buhok. Mapupungay ang mga mata na binagayan ng malalantik na pilikmata.
Siya si Nico, nakababatang kapatid ni Max.
"Sana," tugon ni Max. "Iyan ang dalangin ko."
Nakaupo sila sa hilera ng upuan sa may pasilyo. Nakabantay sa tapat ng operation room.
Walang senyales ng mga halimaw. May haplos ng seguridad ang liwanang na dulot ng mga ilaw sa pasilyo.
"May Diyos ba talaga?" Tumaas ang isang sulok ng mga labi ni Nico. Mauulinigan ang pang-uuyam at hinanakit sa kanyang tinig.
Nagulat si Max sa tinuran ng kapatid ngunit ipinasya niyang manahimik.
"Sa nangyayari kasi ngayon, parang wala namang Diyos," patuloy ni Nico.
"Nico, 'wag mong sabihin 'yan," sansala ni Max.
"Totoo naman." Umiling-iling si Nico. "Napapalibutan tayo ng mga halimaw. Araw-araw, oras-oras, minu-minuto, nanganganib ang mga buhay natin. Para tayong laging tumutulay sa manipis na pisi. Laging naninimbang. Nag-iingat. Hindi natin alam kung kailan tayo mahuhulog sa malalim na bangin ng panganib. Daig pa natin ang hayop, Kuya. At kahit anong dasal natin sa Kanya, hindi pa rin matapos-tapos ang letseng bangungot na 'to!"
Hindi na nakakibo si Max. Hindi niya masisisi ang kapatid.
"Kuya, kung hayaan na lang nating mamatay si Henry."
Hindi makapaniwalang napasulyap si Max kay Nico. Sa iglap ay tila nag-iba ang tingin niya dito.
"Sa tingin mo ba, masaya siyang mamuhay sa impiyernong ito?" tanong ni Nico.
Titig na titig si Max sa kapatid. Sa paningin niya, tila tinubuan na ng sungay ang kanyang kapatid. Hindi na ito ang Nico na kilala niya.
ANG naglalaway na bunganga ng nightcrawler ang bumungad kay Henry dahilan para mapasigaw siya nang malakas.
Sa iglap ay tila nakalimutan niya na ang paghinga. Pumikit na lang siya. Tila tumagal ng habambuhay ang segundo.
Inaasahan niya ang tiyak niyang kamatayan.
Ngunit lumipas ang mahabang sandali, wala siyang naramdamang sakmal sa kanyang leeg. Sa halip ay narinig niya ang malakas na pagkalabog, na tila may natumbang mabigat sa tiles na sahig.
Unti-unti siyang napamulat, para agad din namang mapapikit. Sumalubong sa kanya ang nakakasilaw na ilaw ng flashlight.
"Henry, ikaw si Henry?" tanong ng di pamilyar na boses.
MAY MALI.
Alam 'yun ni Selena.
Hindi niya alam kung dahil ba iyon sa sobrang katahimikan ng gabi. O dahil sa 'di lang siya makapaniwala na ganun lang kabilis sila ni Henry na nakalabas ng ospital. Walang humabol sa kanilang halimaw. Maliwanag ang buong kalsada.
Napasulyap siya sa batang kanina pa tulog sa passenger seat ng truck. Mahimbing ang tulog ni Henry. Napagod na siguro ito sa kaiiyak kanina. Pinipilit nito sa kanya na hanapin ang ina nito. Ngunit batid ni Selena na malabong mahanap pa nila ang ina nito. Tigas na tinanggihan niya ang bata, kahit sobra-sobra ang pagmamakaawa nito sa kanya. Walang natirang bakas ng ibang tao sa ospital, maliban sa punit-punit na t-shirt na may pangalang Nico.
Napaisip si Selena. Hindi niya nga pala natanong sa kasamang paslit ang tungkol doon. Sino si Nico?
Maliwanag pa rin ang kabuuhan ng Civic Drive. Malamlam ang liwanag na hatid ng buwan.
Sumagi sa alaala ni Selena ang dating Maynila. Ang magulo, maingay, masaya, makulay at 'di natutulog na Maynila. Fifteen years ago, nag-aral siya sa UP Diliman ng Molecular Biology. Tumira siya sa ikwater. Naging iskolar at nag-working student dahil hindi siya sinuportahan ng mga magulang sa desisyong manatili sa Pilipinas.
'Yun ang unang beses na naranasan niyang mamuhay nang mag-isa.
Naging mahirap ang lahat. Pero naranasan niya rin ang maraming bago sa buhay niya. Naranasan niyang mag-almusal ng isang pandesal at isang tasang kape na wala man lang gatas o coffee creamer; gawing tanghalian at hapunan ang tindang kwek-kwek, fishball at kikiam.
Naging hanapbuhay niya ang paggawa ng thesis ng ibang mga estudyante. Paminsan-minsan, naranasan niya ring masigawan ng professor dahil late siyang pumasok dahil pinag-OT siyang bigla sa pinagtatrabahuhang 24-hour convenience store.
Nung mga oras na 'yun, kinaiinisan niya ang 'di nahihimbing na lungsod. Ang abalang mga tao, paroo't parito, na tila wala yatang balak nang matulog sa gabi. Ang dahilan ng peste na traffic. At ang rason din, kung bakit hindi siya makapag-review nang maayos dahil panay-pasok ang mga customer sa pingtatrabahuhan niyang convenience store.
Namimiss niya ang mga gabing 'yun kung kailan marami pang tao. Namiss niya ang traffic, ang pila sa train at jeep, ang maitim na usok na binubuga ng mga sasakyan, ang polusyon, ang mabahong imburnal at ang mapanghing tabi-tabi na ginawa nang publikong cr ng mga lalaki.
Maraming nagbago sa mundong kinagisnan niya noon. Dati, akala niya hindi na magbabago ang lahat. Magiging permanenteng ganun ang Maynila. Ngunit ang tanging hindi lang nagbabago ay ang pagbabago.
Ang unang gabi ng paglaganap ng virus ay punong-puno ng sigawan. Pagkatapos, sinundan 'yun ng katahimikan, mas nakakilabot pa sa mga pagsigaw, pagputok ng baril, mga sasakyang bumubusina't tunog ng banggaan.
Marahas siyang huminga at muling pinabilis ang pagda-drive. Kulang lang siya sa tulog kaya kung anu-ano na ang iniisip niya.
Lingid sa kaalaman nina Henry at Selena, may nakamatyag sa kilos nila. Titig na titig ito sa monitor kung saan makikita ang papalayo nilang sasakyan.
"Hahayaan mo silang makatakas?" tanong ng isang tinig.
"Relax, Alvin. May inihanda akong surpresa para sa kanila."
At'di nga lumipas ang isang minuto, napamaang si Alvin sa monitor.
BINABASA MO ANG
When Night Falls
Sci-fiLimang taon ang nakalipas buhat nang kumalat ang virus, halos maubos na ang sangkatauhan dahil sa mga nightcrawlers, isang uri ng mga nilalang na kumakain ng tao.
