SA NANLALABONG mga mata ni Selena, nabanaag niya ang papalapit na anino. Bumuka ang bibig niya. Ngunit walang lumabas na boses mula roon.
Sino ka? Gusto niya sanang itanong. Nakalutang pa ang kanyang utak. Ang naalala niya lang ay ang pagbangga sa kanilang sasakyan. Pagkatapos, nawalan siya ng kontrol sa manibela. Sumagitsit ang gulong, kasunod ang malakas na pag-crash. Nayanig sila pareho ni Henry sa loob. Tumama ang ulo niya sa kung saan. Ramdam niya ang mainit na likidong gumagapang pababa mula sa kanyang noo.
Lumapit ang anino sa kanya. Hindi niya maaninaw ang mukha nito. Pinilit niyang kumilos ngunit walang maramdaman ang kanyang katawan.
Biglang may alaalang sumagi sa kanya. Isang alaala na 'di pamilyar. Napapalibutan daw siya ng mga doctor.
May sumigaw ng 'all clear!' Napaigtad siya sa kuryenteng gumapang sa kanyang katawan. Agad siyang napamulat ng mga mata, kasunod ng pagsinghap na tila nawalan siya ng oksiheno sa katawan at ngayon lang siya ulit makakaranas nito.
Sunod-sunod ang paghinga niya. Saglit siyang natigilan at agad napapikit nang sumalubong sa kanya ang liwanag.
Bughaw ang langit. Ibig sabihin, umaga na.
"Henry!" Alertong hinanap niya ang bata, para lamang magulat nang mapansing yakap-yakap niya ito.
Nakaligtas silang dalawa. Papaano?
Ginising niya si Henry ngunit hindi ito nagmulat ng mga mata. Pinakiramdaman niya ang pulso nito at saka nakahinga nang maluwag nang maramdamang normal iyon.
Kinarga niya si Henry. Ngunit hindi pa siya nakakahakbang ni kahit na isa, napatda na siya sa kinatatayuan. Dahil sa paligid, nagkalat ang mga patay na nightcrawler, lalo na sa banda kung saan naroroon ang yupi-yupi niyang truck.
Umuusok ang mga balat nito dahil sa pagkapaso sa pagtama ng sikat ng araw.
PARA KAY Earl, ang mundo ay isang malaking food chain. Nilalamon ng malalakas ang mahihina.
Kung kaya't sa murang edad na disisyete, namulat siya sa paniniwalang ang malalakas lang sa mundo ang nirerespeto. Ang mga mahihina ay kasangkapan ng malalakas.
Bata pa lang si Earl, namulat na siya sa totoong kalakaran ng mundo. His father owned a business empire in the Philippines. Siya ang nag-iisang tagapagmana nito kaya 'di nakapagtatakang sa murang edad, ilang beses na siyang nasuong sa panganib.
Maraming beses siyang pinagtangkaang kidnapin. Dalawang beses na siyang na-kidnap. No'ng unang beses ay nagtangka siyang tumakas. Nahuli siya at nabaril. Buti na lang at dumating ang mga pulis, dahil kung hindi, baka wala na siya ngayon. Iyong pangalawang beses, nagbayad kaagad ang pamilya niya ng ransom.
As a boy, he was mesmerized by spider's web. Napakaganda nito. Ngunit nang mga panahong iyon, hindi niya alam kung para saan talaga ang makikintab na sapot ng gagamba.
Hindi niya alam na isa pala iyong pain sa mga insekto.
Nang magbinata si Earl, nalaman niya kung gaano ka-espesyal ang ipanganak nang nasa itaas ng lipunan. Nakatadhana siyang sundin at paglingkuran ng mga nakakababa.
Unti-unti niyang nauunawaan kung bakit gustong-gusto niyang panoorin noon ang gagamba, habang pinapalibutan nito ng sapot ang biktima nito.
He liked how the spiders manipulate its prey.
Gusto niyang naghihintay sa tabi, nanonood, nag-aabang kung papaano mahuhulog sa kaniyang bitag ang kaniyang biktima.
He likes power, influence and control.

BINABASA MO ANG
When Night Falls
Science FictionLimang taon ang nakalipas buhat nang kumalat ang virus, halos maubos na ang sangkatauhan dahil sa mga nightcrawlers, isang uri ng mga nilalang na kumakain ng tao.