6 ALABANG: Encounter

7 2 0
                                    



TIGALGAL si Alvin habang nakatingin sa babaeng pinalo niya ng metal na tubo sa ulo. Duguan ang sentido nito, ngunit nakatayo pa rin ito at matalim ang tinging ipinupukol sa kanya.

Solido ang pagkakatama ni Alvin sa ulo ng babae. Saglit lang nitong ipinaling ang ulo, para siguro hamigin ang sarili. Mayamaya, simbilis ng kidlat na lumusob ito sa kanya, saka siya inundayan ng suntok.

Naisalag ni Alvin ang wrist niya. Ngunit nabigla siya sa puwersa ng suntok. Muntik pa siyang mawalan ng balanse.

Nagpakawala rin siya ng combo ng sipa at mga suntok, ngunit tila wala lang na inilagan yun ng babae.

Bukod sa basketball ay nahilig si Alvin sa taekwondo. Isa na siyang blackbelter sa larangang yun ng martial arts. Lahat ng naging kalaban niya ay taob sa kanya. Ngunit hindi siya kailanman sumali sa Olympics kahit marami nag-offer sa kanya.

Ayaw ni Alvin ang nagiging sentro ng atensiyon.

Ang sabi kay Alvin ng coach niya noon, ang mga malalakas na tao ay may animal instinct. Ang instinct na ito ang kumikilala sa higit na mas malakas at dapat tingalain. Kapares ng lobo na kayang kilalanin ang alpha nito.

Ganun ang naramdaman ni Alvin kay Earl. Ngunit dahil yun sa impluwensiya ng pamilya ni Earl sa kanilang pamilya. Tauhan ng ama nito ang kanyang papa.

Bukod doon, tuso si Earl. Matalino. Ubod ng talino.

Ngunit sa pagkakataong ito, batid ni Alvin na 'di basta-basta ang kaharap niya ngayon. Nagsusumigaw sa sistema niya ang takot sa babae. Ito na siguro yung animal instinct ng tao na sinasabi ng coach niya, kung saan nagagawa nilang malaman kung sino ang mas malakas at dapat pangilagan.

Napaatras si Earl nang sunod-sunod na sumuntok ang babae. Bawat suntok nito, niyayanig 'di lang ang depensa niya, kundi pati na rin ang kumpiyansa niya sa sarili. Mayamaya ay lumipad ito at sumipa sa ere. Nabigla siya at 'di nakailag. Tumalsik siya ng ilang metro.

Napangiwi si Alvin sa sobrang sakit, 'di lang dahil sa sipa kundi pati na rin dahil sa lakas ng impact ng pagkakatilapon niya sa aspaltong sahig.

Ngunit muli siyang tumayo. Dahan-dahan.

Hindi kumilos ang kalaban. Nakatingin lang ito sa kanya. Hinihintay ang pagbawi niya.

Sa 'di kalayuan mula sa pinangyayarihan ng labanan, naroon ang nag-aalalang si Jairus. Dehado si Alvin.

Bilin ni Earl na sukatin nila kung hanggang saan ang lakas ng babae. Ngunit 'di na nila kailangan ng mas mahaba pang oras na pag-oobserba para malamang may malahalimaw na lakas ito.

Mula sa building na kinaroroonan, inihanda ni Jairus ang kanyang sniper rifle at itinutok yun sa target.

Walang ingay na lumipad sa ere ang bala ng tranquilizer at sa isang segundo, tinamaan nito si Selena sa braso. Saglit na nakaramdam ng hilo ang babae.

Napamura si Leo sa nakita. Alam niyang tranquilizer ni Jairus ang tumama sa braso ng kalaban. Malakas ang dosage ng tranquilizer na yun. Pero 'di ito nawalan ng malay.

Dahil nag-aalala sa pinsan, 'di na nakapag-isip nang maayos si Leo. Nang makita niya ang baril na nahulog ni Selena kanina, pinulot niya ito at agad pinaputok.

"'Wag!" sigaw ni Henry.

Nakaiwas sa bala si Selena.

Noon lang naalala ni Leo ang paslit. Kinuha niya ito at ginawang hostage. Doon natigilan si Selena.

When Night FallsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon