Dalawang linggo na mula nang magsimula ang klase, ngunit hindi pa rin kumportable si Alice sa kaniyang bagong kapaligiran sa Nephilpi. Nahihirapan siya sa pag-aaral ng kaniyang mga asignatura, kagaya ng: Philippine Witchraft 1, Herbology 1, Defensive Spells 1, at Familiars 1. Hindi lamang ito ang kaniyang aralin, kun'di pati na ang mga asignaturang kabilang sa kursong Architecture. Walang Fine Arts na kurso sa Nephilpi, at ito lamang ang medyo malapit sa orihinal niyang interes.
Hindi lahat ng mga nagtatapos sa paaralang ito ay papasok sa mundo ng salamangka. Katunayan, 85% ng mga nagtatapos ay humahantong sa karaniwang hanapbuhay, kaya naman hinahati ang mga asignaturang pag-aaralan ng mga estudyante; sa mga subjects na may kaugnayan sa salamangka at sekular na kaalaman.
Kahit mahirap ang mga asignaturang kaugnay sa Architecture, mas nahihirapan si Alice sa mga araling kaugnay sa pag-aaral ng salamangka, at ang mga ito ang nagdudulot sa kaniya ng pinakamalaking hamon. Limitado lamang ang kaniyang kaalaman patungkol sa mundo ng salamangka, dahil nga wala siyang interes dito. Laking ginhawa niya na lang at hindi siya kinukutya ng mga kapwa estudyante sa kamangmangan niya, maharil ay dahil anak siya ng isang senador. Gayunpaman, hindi niya maikakaila ang pakiramdam ng panliliit sa sarili.
Noong siya ay nag-aaral pa sa sekular na paaralan mula elementarya hanggang hayskul, naging kilala siya sa talento sa pagguhit at pagpinta, ngunit lampas doon, isa lamang siyang ordinaryong estudyante. Kailanman ay hindi siya naging kabilang sa mga nangunguna sa klase, at kontento na siyang pumasa lang sa lahat ng subjects, habang ginugugol ang kaniyang oras sa pagguhit. Pero ngayong nasa Nephilpi na siya, hindi sapat ang basta lang pumasa. Kinakailangan niyang pagbutihin, lalo na't aminado siyang wala siyang gaanong kaalaman sa mundong ito, at kailangan niyang magsimula sa pinakababa. Isa pa nga 'yan sa problema niya, dahil hanggang ngayon, hindi pa rin sila nagkikita ng estudyanteng dapat sana ay tutulong sa kaniyang mag-aral ng salamangka. Dalawang linggo na ang lumipas mula noong unang araw ng pasukan, ngunit wala pa rin siyang naririnig tungkol dito. Hindi niya rin alam kung sino ang magiging mentor niya, at wala siyang paraan upang malaman kung sino ito, at saan hahanapin sa loob ng Nephilpi.
Sunod-sunod na buntong-hininga ang pinakawalan ni Alice habang naglalakad sa mahabang pasilyo mula sa isang klase papunta sa susunod, ang kaniyang isip ay abala sa mga suliraning kaniyang kinakaharap. At dahil nga tila wala sa sarili siyang naglalakad, hindi niya namalayan na muntik na siyang mabangga sa isang naka-display na armored statue. Buti na lamang at may biglang humila sa kaniya palayo, na naging dahilan upang hindi niya tuluyang mabangga ito.
"Watch where you're going!" sita ng lalaking humila sa kaniya.
Hindi naman malakas ang paghila nito. Sakto lang para maiwasan ng dalaga ang armored statue, saka mabilis siyang binitawan ng lalaki. Dahil hindi pa naproseso ng utak ni Alice ang nangyari, bahagya siyang napatulala. Nang mapukaw na at lumingon upang magpasalamat, wala na roon ang estrangherong tumulong sa kaniya. Kunot-noong nagpatuloy na lamang siya sa paglalakad hanggang sa makababa ng grand staircase at lumabas ng gusali.
Tahimik niyang tinahak ang daan papunta sa tore ng Sagittarius. Sa gilid kasi nito ay may lumang gate na gawa sa kahoy na siyang daanan papunta sa Green Lawn na matatagpuan sa labas ng pader, kung saan ang klase niya sa Herbology; na isinasagawa lamang isang beses kada linggo, at tumatagal ng tatlong oras bawat sesyon.
Muling nagpakawala ng magkasunod na buntong-hininga si Alice sa isiping wala na namang papasok sa utak niya sa klaseng ito. Nakatunganga lang siya noong nakaraang linggo, walang naintindihan sa mga itinuro ng propesor, lalo na ang mga komplikadong terminolohiyang binanggit nito.
Sa pagmumuni-muni habang nilalakad ang makipot na daan papunta sa Green Lawn, bumaha ang isang partikular na alaala niya noong siyam na taong gulang lang siya, kung saan isang umaga ay niyaya siya ng kaniyang yaya na mag-aral ng panggagamot.
BINABASA MO ANG
BROKEN WITCH TRILOGY, #1: The Fifth Grail
FantasySi Alice ay isinilang na may dalang sikreto, ngunit lalaki siyang hindi alam ang buong kuwento. Ang akala niya'y nagsakripisyo ang ina upang iligtas siya sa gulo, ngunit malalamang hindi lang pala ito ang rason nito. Isang serye ng mga kaganapan an...