18. Asher & Alice [Part 1]

56 6 26
                                    


Habang naglalakad sa loob ng maze, abala sina Alice at Asher sa kanilang pag-uusap nang biglang may mapansin ang lalaki.

"STOP MOVING!"

Agad na huminto si Alice, ngunit huli na dahil naapakan na niya ang isang bahagi ng lupa na hindi niya napansin. Naramdaman niyang lumubog ang kaniyang kaliwang paa, na para bang isang malaking switch ang naapakan.

"A-Asher..." Nanginginig ang boses ni Alice habang tinatawag ang kasama. "M-May naapakan akong—"

"Landmine," singit na salita ni Asher, na hindi galit o gulat, kun'di puno ng kasiguraduhan.

"L-Landmine? Switch sana sasabihin ko eh. Pero pareho lang 'yan, 'di ba?" sabi ni Alice, at sa sandaling iyon, sumaklob sa kaniyang puso ang matinding takot. Mabilis na dumagsa sa kaniyang isip ang mga senaryong hindi kanais-nais para sa kaniya at sa kanila. "Ano'ng gagawin ko?" tanong niya, ang tinig ay nag-aalangan at puno ng takot habang nararamdaman niya ang malamig na pawis na dumadaloy sa kaniyang katawan.

Naglakad si Asher pabalik, palapit kay Alice. "Kailangan mong manatili sa puwesto mo. You have to be as still as possi—" Hindi niya natapos ang instruksyon dahil naramdaman niya ring lumubog ang kaniyang kanang paa. Alam niyang isa lang ang ibig sabihin nito: nakaapak din siya ng landmine.

"Ba't ka tumigil?" nagtatakang tanong ni Alice, dahil sa awkward na postura ni Asher na tila ba madadapa ngunit pinipigilan.

"Alice," tingin ng lalaki sa kaniya, ang puso ay tumatambol sa kaniyang dibdib, "nakaapak din ako ng landmine."

"HA?" sigaw ni Alice, muntik nang gumalaw, ngunit agad na binalaan ni Asher. "Ano'ng plano mo?"

"Hindi ko pa ala—" Sa pangalawang pagkakataon, naputol ang sasabihin ni Asher dahil biglang gumalaw ang lupa, tila ba lumilindol.

"ASHER!" muling sigaw ni Alice nang makita ang pagkabitak ng lupa sa pagitan nila. Nanginginig, pinilit ni Alice na manatiling nakaapak sa switch, dahil kung ito nga ay landmine, sa oras na tanggalin niya ang paa ay sasabog ang lupang kaniyang kinatatayuan. Lalo pang nadagdagan ang matinding takot ni Alice nang makita ang patuloy na paggalaw ng lupa at pagkakabitak nito, na unti-unting humahati sa pagitan nila ni Asher. Unti-unti ring lumalayo ang lalaki sa paningin niya.

"ANO'NG NANGYAYARI?" natatarantang sigaw ni Alice kay Asher, dahil palayo ito nang palayo sa kaniya.

"Alice! Alice! Don't move!"

"Hindi ako gumagalaw! Ikaw ang gumagalaw!"

"Ha? Hindi ako gumagalaw! Ikaw ang gumaga—" naputol ang pabalik na sigaw ni Asher nang may mapagtanto. Napabulong ito, "oh, hells," sabay lunok ng laway.

Halos limang minuto ang pagyanig, na nagdulot ng pagkahilo at pagkawala ng malay ng dalawa, hindi na mapanindigan ang kanilang posisyon. Maraming minuto ang lumipas bago naunang magkamalay si Asher. Nakabulagta siya sa lupa, nahihilo at kumukurap-kurap upang maibsan ang umiikot na paningin. Dahan-dahan siyang umupo. Nang medyo bumuti na ang kaniyang pakiramdam, napansin niyang hindi na pala siya nakaapak sa landmine. Agad siyang umusod nang ilang dipa paatras, natatakot na baka sumabog ang lupang malapit sa kaniya. Laking gulat niya pa nang walang nangyari. Hindi niya alam na ilang minuto siyang nawalan ng malay, at kung sasabog man dapat ang lupa, kanina pa sana ito nangyari. Napaupo siya—Indian squat—napahalukipkip, at taimtim na nag-isip kung bakit walang pagsabog. Saka niya naman naalala si Alice.

Dali-dali siyang tumayo at humakbang nang pabalik-balik dahil medyo nahihilo pa rin. Nang masigurong maayos na talaga ang kalagayan niya, dahan-dahan siyang lumapit sa dulo ng pangpang na nabuo sa pagkabitak ng lupa. Saka niya lang napansin ang tanawin sa harap niya.

BROKEN WITCH TRILOGY, #1: The Fifth GrailTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon