02. Isla ng Nother

167 14 15
                                    


Naalimpungatan si Alice mula sa bulong-bulongan ng mga tao sa paligid. Bagama't nahihilo, dahan-dahan niyang iminulat ang mga mata. Sinalubong siya ng nag-aalalang mukha ni Glory at ng iba pang mga kamag-anak. Mabilis siyang inalalayan ng pinsan nang subukan niyang bumangon.


"Ano'ng nangyari?" tanong niya habang hinahawakan ang namamanhid na ulo.


"Hindi mo maalala?" pabalik na tanong ng kaniyang tiyahin. Umiling siya. "Nawalan ka ng malay sa gitna ng ritwal."


Nabibigla siyang bumaling sa tiyahin, kasabay ng pagbaha ng kaniyang alaala sa mga pangyayari—ang pakiramdam ng pagkalunod, ang malakas na lagutok ng salamin, at ang kadilimang bumalot sa kaniya. Naalala niya rin ang pakiramdam na may kung ano'ng puwersa ang lumabas sa katawan niya, hindi batid kung ano iyon. Ang tanging natatandaan niya lamang ay berde ang kulay nito. Ngunit dahil nga patay-sindi ang kaniyang ulirat noong nasa ilalim siya ng daluyong, hindi niya alam kung guni-guni niya lamang ba iyon o bunga ng kaniyang karanasan. Gayunpaman, nabalot ng kaba at takot ang puso't isip niya sa posibilidad na nawalan na ng bisa ang pagkukubling ginawa ng kaniyang ina sa kaniya.

Muli siyang napukaw mula sa pagkatutulala nang tawagin ng tiyahin ang kaniyang ngalan. Agad niyang inusisa kung ano ang mga sumunod na nangyari matapos siyang mawalan ng malay, at kung natuloy nga ba ang ritwal. Nangingiti namang tumango ang tiyahin at ipinaliwanag na bagama't nawalan siya ng malay, natuloy at natapos pa rin niya ang ritwal, bilang ang tubig ang siyang huling bahagi nito.

Marahang pagtango ang tanging naging sagot niya sa tiyahin, habang pilit na ikinubli ang pagkabigong naramdaman nang malamang matagumpay ang Ritwal ng Pagtanggap. Hindi nga siguro totoo ang mga diyos, sa isip niya, dahil kailanman ay walang hiling niya ang natutupad.


"Si Lola, nasaan?" pag-iiba niya sa usapan habang palinga-linga sa paligid.


Sinabi naman ni Glory na umalis ang kanilang lola patungo sa kuta ng mga babaylan sa tuktok ng kabundukan ng Nangtud sa isla ng Panay, kasama ang lahat ng miyembro ng Katigulangan ng kanilang angkan. Nagtagpo ang kaniyang mga kilay nang marinig ito, hindi maintindihan kung bakit umalis ang mga Katigulangan, lalo na at katatapos lamang ng ritwal. Bihira lamang magtipon ang buong angkan ng mga Fidelis. Dapat sana ay nagdiriwang sila.


"Umalis ang mga Katigulangan dahil kumulo ang tubig sa kanilang mga kuwintas," singit ni Helen—isang dalawampu't apat na taong gulang na salamangkera. Siya ay hindi parte ng pamilya ni Alice. Apo siya ni Theocrases—ang Tigulang na una sa ranggo, at hindi sila nito magkasundo. Kilala kasi ang babae sa pagiging mataray at mapagmataas, at simula pa noon ay parati nitong pinagsasabihan ng masasamang salita si Alice, dahil sa pagtanggi nitong maging Coryphaeus ng angkan nila.


"Ano'ng ibig mong sabihin?"


"Isa lang ang kahulugan ng pagkulo ng tubig sa kuwintas," sagot ni Helen at ipinag-krus ang magkabilang bisig. "Ipinanganak na ang pinakamakapangyarihang salamangkero sa ating siglo," paliwanag niya. "Hindi mo alam 'yon?" sarkastikong tanong niya at nagkibit-balikat. "Sabagay, ano nga ba ang alam mo?" aniya at sinipat si Alice ng tingin.


Imbes na mainsulto siya sa sinabi ni Helen, iba ang naging reaksyon niya. Agad na bumilis ang tibok ng kaniyang puso sa narinig, hindi maipaliwanag ang kabang naramdaman. Kung totoo nga na ang pagkulo ng tubig sa mga kuwintas ay tanda ng pagkasilang ng itinakda, nangangahulugan lamang itong natanggal na nga ang gaway ng kaniyang ina sa kaniya.

BROKEN WITCH TRILOGY, #1: The Fifth GrailTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon