14. Diaries ni Grazilda [Part 2]

66 8 16
                                    


Nang makapasok si Alice sa kaniyang kwarto, binuksan nito ang backpack at kinuha ang diaries ng kaniyang ina na nasa loob, pagkatapos ay maingat ang mga itong ipinatong sa ibabaw ng study table niya.

Mabigat ang mga paang naglakad si Alice papunta sa kama at umupo sa paanan nito, pagkatapos ay bumuntong-hininga. Tahimik niyang tinitigan ang mga nakasalansang kwadernong gawa sa balat ng hayop. Natutukso siyang magpatuloy sa pagbabasa, ngunit pinigilan ang sarili dahil nangako siyang hihintayin ang dalawang kasama bago basahin ang susunod na mga pahina.

Sa huli ay humiga na lamang si Alice at tinitigan ang kisame. Ilang minuto siyang nanatili sa ganoong posisyon, hanggang sa hindi niya namalayang nakaidlip na pala siya.

Isang nakakakilabot na bangungot ang dumalaw sa dalaga. Makikita sa mukha niya ang pagkabalisa, at tila ba nahihirapan siyang huminga. Nasa magkabilang gilid ang kaniyang mga kamay at nakakuyom itong kumakapit sa kobre-kama habang hinihigit ang hininga. Nakakunot din ang kanyang noo at pawisan na rin siya.

Sa panaginip niya ay may lalaking nakasuot nang itim na balabal ang nakadagan sa kaniya. Nasa loob pa rin siya nang sariling kwarto, ngunit gabi na at nakapatay ang ilaw kung kaya ay madilim. Bukas ang bintana sa kaliwa at ang kakarampot na sinag mula sa bilog na buwan ang tumatagos sa puting kurtinang dinuduyan din nang hangin mula sa labas.

Sa panaginip ni Alice, na tila ba isang bangungot, hindi niya nakikita ang mukha ng lalaking nakadagan sa kaniya. Bukod pa sa suot nitong itim na balabal, may takip din sa ulo nito na siyang humaharang sa kaniyang mukha na siyang dahilan kung bakit hindi makita nang dalaga kung sino man ang lalaking ito. At kahit pa man hindi niya nasisilayan ang pagmumukha nito, batid niya ang nanlilisik na mga matang nakatitig sa kaniya.

Mabigat ang lalaki sa ibabaw niya, at malakas ang mga kamay nito na siyang sumasakal sa kaniya, dahilan kung bakit nahihirapan siyang huminga. Pilit niyang sinusubukang gumalaw, ngunit nakaipit ang magkabilang tuhod ng estrangherong kalaban sa mga braso ni Alice, kung kaya ay hindi ito makagalaw.

Batid ni Alice na binabangungot siya, ngunit kahit pa pilit niyang ginigising ang sarili, tila ba hindi niya magawa. Tinangka niya pang sumigaw, ngunit dahil nga sinasakal siya ng kalaban, impit na ungol lamang ang lumalabas sa lalamunan niya.

Sa kabilang banda, nasa labas ng kwarto ni Alice si Lee at marahan itong kumakatok sa pinto. Pasado alas quatro na ng hapon, at ang usapan nila ay magtitipon silang tatlo nang alas tres. Sa isip ng lalaki ay napasarap siguro ang tulog ni Alice, kung kaya ay hindi nito naririnig ang pagkatok niya.

Sinubukan niyang pihitin ang doorknob, at nagtaka pa nang malamang hindi pala ito naka-lock.

"Madrid," mahinang tawag nito sa babae habang binubuksan ang pinto.

Agad niya namang nakita ang kalagayan ng dalaga. Tuwid itong nakahiga habang mahigpit na nakakapit ang magkabilang kamay sa kobre-kama. Namumula ang mukha nito na tila ba nahihirapang huminga. Tagaktak din ang pawis nito na tila ba galing sa isang maraton. Napansin din ni Lee na nakalukot ang mga daliri nito sa paa, halatang doon kumukuha nang lakas.

Mabilis na tinakbo nang lalaki ang pagitan ng pinto at kama, saka mabilis na niyugyog si Alice upang gisingin ito.

"Madrid!" malakas na tawag nito habang patuloy sa pagyugyog sa dalaga. Hindi pa rin nagigising ang babae. "Hey, Madrid!" patuloy na tawag nito.

Lumingon si Lee sa pinto at malakas na sumigaw. "MONTEFALCON! HELP!"

Mabilis at mabigat na mga yapak ang maririnig mula sa pasilyo ng second floor. Ilang segundo lang at dumating si Renz.

BROKEN WITCH TRILOGY, #1: The Fifth GrailTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon