03. Nephilpi School for Witches and Warlocks

143 13 10
                                    


Sa sandaling tumawid ang sinasakyang tram sa malawak na gate, agad na sinalubong si Alice ng isang topiary garden. Ang mga yew shrubs ay maingat na ginupit at inanyo upang tila sila ay magsilbing malalapad na pader sa magkabilang gilid ng daan, patungo sa harapan ng lumang gusali. Sa taas lamang na tatlong talampakan, madali pa ring masisilayan ang iba pang mga disenyo sa magkabilang dulo nito.

Habang nasa loob ng tram, nagkaroon siya ng pagkakataong pasadahan ng tingin ang mga pattern ng topiary garden—mga hugis kuwadrado at tatsulok, sari-saring anyo ng mga hayop, at iba't ibang pormasyon. Naisip niya na maaring ang ganoong mga disenyo ay nakapalibot sa kabuoan ng lupain sa loob ng bilugang pader ng Nephilpi. Sa kaniyang kinauupuan, nagawa niyang pagmasdan ang kanang bahagi ng istruktura at agad siyang namangha sa tatlong toreng nakatirik na nakakonekta sa batong pader. Ang laki ng sakop ng Nephilpi ay hindi maikakaila, at mahigit apat na raang metro ang layo sa pagitan ng bawat tore sa kanilang kinatatayuan.

Kahit medyo malayo, malinaw niyang nakita ang mga bandilang nakasabit pababa mula sa malaking bintana ng bawat tore. Sa pinakamalapit, isang gintong bandera na may simbolo ng leyon ang nakasabit. Kasunod nito ay isang puting bandera na may alimango, at sa pinakamalayong toreng tanaw niya ay nakasabit ang dilaw na banderang may simbolo ng dalawang magkasalikop na mukha.

Bahagyang lumiko pakaliwa ang sinasakyan niya, at doon niya nakita ang mismong gusali ng Nephilpi. Sa harapan nito ay nakatayo ang isang engrandeng fountain. Sa pagtigil ng tram sa gilid, si Alice—na nasa pinakadulong bahagi sa malapit sa akyat-babaan—ang unang nakababa. Huminga siya nang malalim at namamanghang tiningnan ang harapan niya. Tumingala siya at bahagyang kumirot ang leeg dahil sa tayog ng lumang gusali na gawa sa pinaghalong bato at magaspang na marmol. Ang disenyo ng paarkong doorframe ay kapansin-pansin, lalo't wala itong pinto. Sa magkabilang gilid ng pasukan ay makikita rin ang dalawang malalaking estatwa ng kabalyero, tila nagbabantay. Bigla namang naputol ang pagtititingin ni Alice nang marinig ang malakas na boses ng isang lalaking naka-uniporme. Napalingon siya rito at doon niya napagtantong wala na ang mga tram; at ang mga estudyante—kasama niya—ay nakatayo sa harapan ng gusali, naghahanda sa susunod na instruksiyon.


"Old students, diretso na sa Fourth Hall," utos ng lalaking nagpakilalang Rego. "New students will stay." Kasunod nito, maingay na nagsialisan ang karamihan sa mga naroon. Tantiya ni Alice ay nasa mahigit isang daan katao ang naiwan, at karamihan sa kanila ay mga bata na tila nasa pagitan ng apat hanggang sampung taon ang edad. Sa katunayan nga ay bihira lamang ang mga kasing-edad niya o mas matanda pa; hindi lalagpas sa dalawampu. Naglakad si Rego, at agad namang humawi ang mga estudyante upang bigyang-daan ito. Tumungo ang lalaki sa direksyon ng fountain, at sinenyasan ang lahat na sumunod. Sa muli, hindi naiwasang paghangaan ni Alice ang nakita—isang malaking fountain na yari sa puting marmol na inukitan ng apat na estatwa ng mga babaeng magkaharap, ang mga kamay ay nakalahad. Sa mga palad nila ay nakalutang ang tubig na dahan-dahang umaagos pababa patungo sa lawa sa kanilang paanan. "Kumuha kayo ng isang hibla ng inyong buhok," utos ni Rego. Bagama't nagtataka, sinunod ni Alice ang tagubilin nito. Marahan pa siyang napangiwi sa sakit nang hilahin niya ang sariling buhok. "Ihulog niyo ang buhok sa fountain pool habang binibigkas ang spell na Saepio," dagdag pa ng lalaki. Sinunod ito ng lahat, at kapansin-pansin na sa bawat paglapat ng hibla sa tubig ay nagliliwanag ito bago unti-unting nawawala. Nagtanong ang isa sa mga estudyante kung para saan iyon, at ipinaliwanag ni Rego na iyon ay para makabuo ang bawat estudyante ng ugnayan sa protective barrier ng paaralan. Ibig sabihin, hangga't siya ay nasa loob ng teritoryo ng Nephilpi, siya ay protektado ng Seal of the Sorceress. Nang matapos ay pumasok na ang lahat sa mismong gusali at agad na tumambad kay Alice ang mataas na kisame kung saan naroon ang mga mural paintings ng mga ulap na iba't iba ang kulay; pinaghalo-halo upang makabuo ng mahiwagang larawan. "Ito ang receiving area ng Nephilpi, o mas kilala bilang Salas ng Birhen," paliwanag ni Rego na tila nagtuturo sa kanila. Sa paligid, makikitang abala ang mga batang estudyante sa pagtatanong at pagtutuklas ng kanilang bagong kapaligiran. Matiyaga namang sinasagot ng lalaki ang mga ito. Malawak at maaliwalas ang salas na mayroong mahahabang upuan na yari sa matibay na kahoy. Habang sinisiyasat ni Alice ang paligid, napansin niya ang mga dambuhalang plorera sa iba't ibang sulok na mayroong nakatanim na mga halamang kailanman ay hindi niya pa nakikita. Kapansin-pansin din ang dalawang grand staircase sa magkabilang direksyon, na parehong mayroong dalawang gintong estatwa ng agila na may mukha ng leyon sa ibaba ng magkabilang baranda. "Ang grand staircase sa kaliwa ay tutungo sa left wing, kung saan matatagpuan ang classrooms ng primary at elementary students, pati na ang sleeping rooms," turo ni Rego sa kaliwang hagdanan. "Naroon rin ang sleeping quarters ng mga yaya na mag-aalaga sa inyo," dagdag pa nito habang nakatingin sa mga batang salamangkero. Ang salitang ito ay nagdulot ng labis na kasiyahan sa mga batang estudyante, lalo na sa mga anak-mayaman na may kanya-kanyang yaya. Samantala, ang ibang mga bata na hindi kayang magbayad para sa exclusive na yaya ay magkakaroon ng shared nanny service, kung saan dalawa o tatlong bata ang iisa lamang ang yaya, depende sa kakayahang magbayad ng kanilang mga magulang. "Sa right wing," pagpapatuloy ni Rego, "naroon ang classrooms ng secondary at tertiary divisions, at iba pang mahahalagang silid, tulad ng Scales of Libra. Mahigpit na ipinagbabawal ang pagpunta ng primary at elementary students sa right wing nang walang kasamang nakatatanda o yaya."

BROKEN WITCH TRILOGY, #1: The Fifth GrailTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon