"Levine Magoria?" ulit ni Alice sa pangalang isinambit ng kanyang lola Esmeralda. Tumango ang matanda bilang kumpirmasyon. "Kakaiba nga ang pangalang 'yan."
Natahimik silang lahat at nag-isip. Kung totoo ngang may ibang mundo at may salamangkerang galing sa ibang mundo ang nagturo kay Grazilda upang ikumbli ang gaway ng anak, papaano nila ito makakausap? Isa pa, buhay pa kaya ang salamangkerang iyon?
Maraming katanungan ang bumagabag sa isipan ng mga naroon. Silang tatlo ay hindi pa rin makapaniwalang mayroong iba pang mundo. Oo, may mga teyorya ng parallel universes, ngunit hindi pa rin nila lubos-maisip na posible nga talaga iyon. Sabagay, may magic nga eh. Kung sa ibang taong walang alam na nag-e-exist nga ang magic ay farfetched ang idea ng parallel universe, dapat mas open-minded ang mga taong may alam na totoong mayroong mahika sa mundong ito. sa isip ni Alice.
"Ni minsan ba, hindi mo pa nakakasalamuha ang salamangkerang iyon, Lola?"
"Hindi. Kahit sa lamay ng iyong ina ay hindi pumunta ang salamangkerang kaibigan niya," siyang sagot ni Esmeralda.
"Paano kaya namin malalaman ang tungkol do'n?" halos pabulong na usal ni Alice.
Tumayo ang matanda at tinungo ang aparador. May kinalkal ito. Nagtaka naman ang tatlo, ngunit nagkatinginan na lang. Mamaya-maya ay bumalik si Esmeralda na may dalang malaking lumang susi. Inabot niya ito sa apo. Naguguluhan namang tinanggap ni Alice ang susi.
"Susi 'yan ng basement. Maraming kagamitan si Grazilda ro'n. Baka may mahanap kayong impormasyon doon."
"Ha? May basement tayo?"
Sa labingwalong taon ni Alice sa mundong ito, hindi niya alam na mayroong basement ang bahay nila. Napaisip tuloy siya kung mayroon pa bang ibang parte ng mansyon na hindi niya alam. Pakiramdam niya tuloy, hindi niya kabisado ang lahat nang sulok ng bahay nila.
"Pumunta kayo sa likod-bahay. Sa malaking puno ng mangga, hanapin niyo 'yong pasukan ng susi sa ugat ng puno. Malalaman niyong 'yon na 'yon kapag nakita niyo," tagubilin ng matanda. "Walang ilaw ang pasilyo kaya magdala kayo ng flashlight. Pero sa mismong silid ay mayroon namang bumbilya. Hanapin niyo na lang ang switch."
Nagpasalamat naman ang tatlo at tumayo na para lumabas ng kwarto. May pahabol pang sinabi ang matandang Madrid na mas mainam na magdala na lang sila ng meryenda at baka matagalan sila roon. Aniya, baka hindi sila makapagtanghalian sa tamang oras.
Bago sila lumabas ay kumuha si Alice ng isang loaf ng Gardenia at isang garapon ng Nutella. Kumuha na rin siya ng isang kutsara at binalot ito ng tissue, pagkatapos ay nagsalin ng isang litrong tubig sa Aquaflask. Inilagay niya ang lahat sa itim na backpack at ibinigay ito kay Renz.
"Ikaw na magdala. Mabigat eh. 'Wag mong kakainin ah."
"Ay grabe naman."
"Kung may isang bagay man na sigurado ako sayo, 'yan ay ang pagiging matakaw mo. Binabalaan kita." Tumawa na lang si Renz sa sinabi ng kaibigan. Natutuwa siya na kahit papaano ay nararamdaman niyang gumagaan na ang pakikitungo ni Alice sa kanya.
"Oo na. Oo na."
Tahimik namang nauna si Lee sa kanila at naglakad na palabas. Nang tumungo sina Renz at Alice sa likod ng bahay ay nasa unahan na si Lee at hinahanap ang puno ng manggang sinasabi ng matandang Esmeralda. Dalawa kasi ang puno ng mangga na naroon. Ang isa ay mas matanda at mas malaki kumpara sa isa pa.
Lumapit naman ang dalawa sa isa pa nilang kasama. Nasa malaking puno si Lee at hinahanap na nga ang ugat kung saan may pasukan ng susi. Nang makita niya ito ay inilahad niya ang kaliwang kamay kay Alice, nagsesenyas na iabot ang susi sa kanya. Binigay naman ito ni Alice. Nang ipasok ito ni Lee at inikot, may parang bakal na tumunog at parang nag-pop up ang isang maliit na pabilog na bakal sa kaliwa niya. Hinawakan ito ng lalaki at hinila. Hawakan pala iyong ng trapdoor. Nang hilahin niya ito, bumukas naman ang kwadradong pintong pahiga sa lupa. May mga damong nakadikit dito, na kasingkulay ng mga damo at lupa sa palibot nito. Para bang camouflage para hindi makita ang trapdoor.
BINABASA MO ANG
BROKEN WITCH TRILOGY, #1: The Fifth Grail
FantasySi Alice ay isinilang na may dalang sikreto, ngunit lalaki siyang hindi alam ang buong kuwento. Ang akala niya'y nagsakripisyo ang ina upang iligtas siya sa gulo, ngunit malalamang hindi lang pala ito ang rason nito. Isang serye ng mga kaganapan an...