"Sa totoo lang, ayoko sanang mag-risk na isama ang mayabang mong pinsan," sabi ni Alice kinabukasan.
Nasa labas sila ng bahay at naghihintay na dumating ang pinsan ni Renz na si Asher. Agad kasing tinawagan ni Renz ang huli pagkatapos nilang basahin ang diaries ni Grazilda, at matapos nilang mapag-usapan ang plano.
"Well, we don't have a choice, do we?" tugon naman ni Lee habang nagkikibit-balikat.
"Don't worry, Lisa. Mabait si Asher. At mapagkakatiwalaan," sagot naman ni Renz. "Isa pa, your mom trusts him. So, by default kailangan mo ring magtiwala sa kanya."
Buntong-hininga na lamang ang naging sagot ni Alice sa kaibigan dahil may punto ang sinabi nito. Sa halip na maghintay sa labas, sinabihan niya na lang ang dalawa na papasok muna siya para i-double check ang mga gamit na dadalhin nila. Tinawagan niya na rin ang kaniyang Lola Esmeralda upang ipaalam na pupunta sila ng Cebu para mag-snorkling. Hindi na sinabi ni Alice na sa Bohol talaga ang sadya nila. Isa pa, sa isip niya, technically hindi naman siya nagsinungaling dahil pupunta naman talaga sila ng Cebu kasi doon sila sasakay ng bangka papunta sa Bohol.
Matapos niyang tawagan ang lola, sunod niya namang tinawagan ang amang si Senator Madrid. Tumutol pa sana ang senador, ngunit nang banggitin ni Alice na kasama niya si Lee, biglang nag-iba ang tono ng kaniyang ama. Nasiyahan ito dahil magkasama ang dalawa at sinabi pa ngang kahit saka na sila umuwi kapag natapos na ang sem-break at kailangan na nilang bumalik nang Nephilpi.
Napakunot pa ang noo ng dalaga dahil sa tinuran ng ama. Ganoon ba talaga kalaki ang tiwala niya kay Lee para maging kampante ito sa pagsasama nila? Kung alam niya lang ang ginawa sa 'kin ni Trinidad, sa isip niya.
Nang masigurong kumpleto na ang mga gamit na dadalhin at wala na siyang nakalimutan, sa huling pagkakataon ay muling pinasadahan ni Alice nang tingin ang tatlong backpack na nakasalansan sa sahig ng salas malapit sa may pinto.
"Yow!"
Lumingon si Alice sa labas nang marinig ang nakaririnding boses ng lalaki. Hindi niya napigilang umirap nang makita ang mukha ng bisitang kararating lang. Dahil medyo malayo naman siya sa labas ng bahay nila, hindi nakita ng lalaki ang pag-irap niya. Isa pa, hindi rin naman siya ang binabati nito, kun'di ang kaniyang pinsang si Renz.
"Antagal mo namang dumating!" reklamo ni Renz dito.
Nag-high five pa ang dalawa nang makalapit na si Asher. Bumaling naman ang huli kay Lee at akmang makikipagkamay sana habang nagpapakilala, ngunit tango lang ang naging pagtugon ni Lee at nanatiling nakakrus ang magkabilang braso. Hindi naman na-offend si Asher, sa halip ay nanatili pa rin ang ngiti nito sa labi.
Lumabas na rin si Alice at nang mapansin siya ni Asher, abot tainga ang ngisi nitong kumaway sa kaniya. Kagaya noong unang pagkikita nila sa Nephilpi, nakapusod pa rin ang maitim at mahaba nitong buhok. Nagulat pa ang babae dahil sa suot nitong Yishang Hanfu na itim at puti, na may mga disenyo na nagsisilbing palamuti ng suot nitong damit. Ano kayang trip ng lalaking 'to? Galing ba siya ng cosplay convention?
"Hi, Alice! Thanks for inviting me!"
Naiirita si Alice sa taas ng energy nito pero hindi niya na lang pinahalata, lalo pa't kailangan niya ang tulong nito. Sure ka ba, Ma, na siya yung Asher na magpo-protekta sakin? Baka naman nagkamali lang kami. Andaming Asher sa mundo diba?
"Hello," tipid na sagot ng dalaga. "Pu—"
"Pwede bang makigamit ng CR? Ihing ihi na talaga ako kanina pa," anito. "Sa puno ng Gmelina na lang sana ako iihi, kaso baka masumpa pa ako ng nuno sa punso," tatawa tawang dugtong nito.
BINABASA MO ANG
BROKEN WITCH TRILOGY, #1: The Fifth Grail
FantasySi Alice ay isinilang na may dalang sikreto, ngunit lalaki siyang hindi alam ang buong kuwento. Ang akala niya'y nagsakripisyo ang ina upang iligtas siya sa gulo, ngunit malalamang hindi lang pala ito ang rason nito. Isang serye ng mga kaganapan an...