10. Pagtutugis

110 16 11
                                    


Dahil sa pinagsaluhang mga sikreto ay habang buhay nang mauugnay sina Alice, Lee, at Renz sa isa't isa. Sa isip ni Alice ay parang napakabilis ng mga pangyayari. Ni hindi pa nga siya nakakapag-adjust sa realisasyong magkaibigan na sila ni Renz. Parang kailan lang niya itong nakilala. Ang totoo nga niyan ay halos wala pa nga silang alam tungkol sa isa't isa.

Nakita ni Alice ang isang tiyak na alaala ni Renz noong bata pa siya, ngunit hindi ito natapos kasi nga bigla siyang nanghina dahil sa paggamit ng kapangyarihan, na siyang naging sanhi kung bakit naputol ang koneksyon niya sa memorya nito.

Si Lee naman ay misteryoso talaga sa kanya. Kahit minsan ay nababasa niya ang mga kilos nito ay hindi naman iyon sapat upang makapag-conclude siya kung anong klaseng tao nga ito. Ngunit base sa mga obserbasyon niya ay napakaprangka nito. Hindi nagpapaligoy-ligoy ang lalaki at sinasabi nito ang nais sabihin nang walang pag-aalinlangan. Napansin din niyang napaka-honest nito hanggang sa puntong sinasabi nito ang lahat, kahit pa ang mga detalyeng hindi na importante o hindi naman dapat ipaalam.

Matapos makabalik sa lilim ng puno ay may mga habilin pa si Lee sa kanilang dalawa. Siniguro rin siya ni Renz na babantayan siya nito at sasamahan sa tuwing wala itong klase, kasi nga hindi nila alam kung kailan lalabas ang kapangyarihan niya. Hindi niya kasi ito kontrolado. Isa pa, kahit hindi niya sinasadya ay minsan kusa siyang nakagagamit ng magicae na siyang nagpapababa ng kanyang vim vitae na natural nang mababa. At dahil mga maliit ang kanyang urna na siyang sisidlan ng vim vitae, kaya siya parating nanghihina kapag nakagamit ng kapangyarihan.

Seryoso lamang si Lee sa paghahabilin nang biglang napalingon si Alice sa kaliwa niya. Nakaramdam kasi ito ng presensya malapit sa kanila, ngunit base sa ihip ng hangin ay wala sa mismong lugar kung nasaan sila ang presensyang iyon. Dahil nga kusang lumalabas at gumagana ang kapangyarihan niya, naramdaman niya bigla ang ibang uri ng daloy ng hangin mula sa kung saan papunta sa kanila.

Napansin naman ito ng mga kasama niya at tinanong siya kung may problema ba. Maikli lang ang naging sagot niya at sinabing may nagmamasid sa kanila, habang malikot ang mga matang hinanap ang pinanggalingan niyon. Napatingin siya sa tore ng Taurus, pinakiramdaman kung galing ba ito roon. Mabilis siyang napatingin sa tore ng Gemini nang may bigla siyang narinig – boses ng isang lalaki.

Kapag may nahanap akong kahinaan mula sa mga Trinidad ay malaki ang magiging epekto nito sa nalalapit na pagtatapos ng kasunduan.

Agad niyang hinanap ang may-ari ng boses; sinundan pabalik ang hanging pinanggalingan niyon. Napatingin siya sa pinakamataas na bahagi ng tore at huminto ang kanyang mga mata sa malaking bintana. Nang masigurong galing nga roon ang boses na narinig niya ay tinuro niya ito.

Sa isang iglap ay nawala si Lee. Minanipula na naman nito ang liwanag at doon siya dumaan upang mabilis na makarating sa tapat ng tore ng Gemini. Bahagya pa siyang nainis dahil hindi siya makagagamit ng kapangyarihan upang makapasok sa tore. Kung sanang hindi ito ipinagbabawal sa kanya, malamang ay nahuli niya na ang chismosong Geminian.

Mabilis din namang kumaripas nang takbo ang dalawang naiwan papunta rin sa nasabing tore, habang nasa tapat na ng malaking pintuan si Lee at kumakatok. Hindi mapakaling naghintay siya sa labas at napapadyak pa ang isang paa, tanda ng kainipan. Ilang katok pa ang ginawa niya bago may nagbukas ng pinto – isang estudyanteng siguro nasa 16 ang edad. Nagulat pa ang estudyante nang makita ang lalaki. Kilala niya ito. Sino ba naman kasi ang hindi nakakikilala sa isang Lee Trinidad.

Hinanap niya pa ang sariling boses bago nakapagtanong kung ano ang kailangan ng lalaki. Dire-diretso naman siyang sinagot nito at nagpaalam kung puwede bang pumasok sa loob dahil may hinahanap siyang salamangkero. Kumunot naman ang noo ng maliit na babae at inusisa kung sino ang pakay niya, para ipatawag niya na lang ito't pababain sakaling nandoon sa loob ang hinahanap ni Lee.

BROKEN WITCH TRILOGY, #1: The Fifth GrailTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon