Nakaupo sa mamahaling swivel chair at nakaharap sa malaking bintana sa ika-limampung palapag ng gusali ang may katandaan nang lalaki. Nasa mahigit kumulang 65 ang edad nito. Mas marami na ang puting mga buhok niya, ngunit matikas pa rin ang pangangatawan. Nasa telepono ito at may kausap.
"Binigyan kita ng mahabang panahon upang manmanan ang anak ni Lia." Halata sa tono ng boses nito ang pagkayamot. "Simula pa noong nakaraang summer, hindi ba? Pero hanggang ngayon ay wala ka pa ring maibigay na magandang balita sa akin. Gaano ba talaga kahirap alamin ang lokasyon ng babaeng 'yan sa pamamagitan ng anak niya?"
"Paumanhin, Jairus, herus. Siguro ay hindi nag-uusap ang mag-ina. Wala talaga akong mahanap na ebidensya sa ngayon patungkol sa pagpapalitan nila ng liham."
"Wala ka talagang silbi, umbra," nababanas na reklamo ng nakatataas. "Pareho lang kayo ng ama mo. Mga inutil!"
"Patawad, herus." Nagngangalit na ngiping sagot ng tauhang espiya. Pinilit niyang pakalmahin ang sarili sa kabila ng pagkamuhi sa kaniyang pinuno dahil sa pagsasalita nito ng masama tungkol sa kaniyang nasirang ama. "Ngunit huwag kang mag-alala. Kasalukuyan kong sinusubaybayan ang binatang Montefalcon, pati na ang pangalawang anak ni Ulysses Trinidad, at ang anak ni Senator Madrid."
"Mabuti. Ayusin mo ang ipinag-uutos ko, kung hindi ay..."
"Alam ko, herus," pakumbabang tugon ng espiya.
Nakasalalay ang buhay ng kaniyang natitirang pamilya sa mga kamay ng pinunong pinaglilingkuran; at sa oras na suwayin niya ang ipinag-uutos nito, tiyak na malalagay sa panganib ang buhay ng kaniyang ina at mga kapatid. Siya ang panganay na anak, at dahil sa malaking utang na loob ng kanilang pamilya sa pinuno, wala siyang ibang magawa kun'di ang maging sunud-sunuran dito, lalo na noong namatay ang kaniyang ama. Pinapili sila ng matanda noong labing-apat na taong gulang pa lamang siya, kung kukunin ang pangalawa niyang kapatid at gagawing alipin, o kung ibibigay niya ang sarili at magpapagamit sa anumang paraang nais ng matanda, kahit pa man sa pagkitil ng buhay ng sinumang ipinag-uutos nito.
Pinili niya ang huli para sa kapakanan at kaligtasan ng kaniyang nakababatang kapatid, at noong mismong araw na 'yon ay dinala siya ng isa nga mga tauhan ng matandang salamangkero sa kanilang coven upang sanayin sa larangan ng salamangka at pakikipaglabang pisikal, pati na ang paggamit ng iba't ibang uri ng armas. Mula noon, ang batang masiyahin at inosente sa mundo ay naging walang habag na mamamatay tao na magaling sa paggamit ng salamangka at pakikipaglaban.
Ibinaba na ng espiya ang telepono, at maingat na nagmaneho ng sasakyang nakabuntot sa dilaw na Jimny patungong Adams, Ilocos. Iilang metro ang distansya niya sa sinusundang sasakyan, iniiwasang mahalata ng mga sakay nito na may palihim na sumusubaybay sa kanila.
Matindi ang pagkainis niya at malakas na pinalo ang manibela nang malamang ginamitan ng pananggang salamangka ang sasakyan sa unahan, upang maiwasang may makarinig sa anumang pag-uusap ng mga sakay nito. Sigurado siyang si Lee Trinidad ang gumawa nito, at marahil ay ginawa ito ng lalaki, dahil na rin sa insidenteng nangyari sa Nephilpi noong muntik na siyang mahuli ng tatlo sa tore ng Gemini. Ngunit hanggang ngayon ay hindi niya pa rin alam papaano siya naramdaman at narinig ng babaeng Madrid, kung katunayan nga niyan ay wala siyang maramdamang kapangyarihan mula rito.
"Ikaw talaga ang sumisira sa trabaho ko, Trinidad," inis na bulong nito sa hangin.
Sinubukan niyang muli na gamitin ang salamangka upang mapakinggan ang pag-uusap ng tatlo sa loob, pero sa ikalawang pagkakataon ay nabigo pa rin siya. Muli niyang pinalo ang manibela sa galit.
Dumaan ang ilang oras at napansin niyang lumiko pakaliwa ang sasakyan sa harap. Batid niyang papasok ito sa pribadong daan na sakop ng lupaing pagmamay-ari ng mga Madrid, at doon niya napagtantong papunta nga sa Madrid estate ang kapwa niya mga estudyante. Hindi siya sumunod, 'pagkat malalaman ng mga ito na sinusundan niya nga sila. Dumiretso siya sa pagmamaneho nang ilang daan metro, bago itinabi ang sasakyan at pinatay ang makina. Mabuti na lang at walang kabahayan sa parteng iyon ng Adams. Katunayan nga niyan, kilo-kilometro ang pagitan ng mga bahay sa isa't isa, at kadalasan sa mga ito ay estates din. Kaya naman, wala siyang ni isang taong nakita, at benepisyo ito sa kaniya.
BINABASA MO ANG
BROKEN WITCH TRILOGY, #1: The Fifth Grail
FantasySi Alice ay isinilang na may dalang sikreto, ngunit lalaki siyang hindi alam ang buong kuwento. Ang akala niya'y nagsakripisyo ang ina upang iligtas siya sa gulo, ngunit malalamang hindi lang pala ito ang rason nito. Isang serye ng mga kaganapan an...