05. Unang Banta sa Nephilpi

105 13 17
                                    


Mahigit dalawang oras bago natapos ang training ni Alice kasama ang misteryosong salamangkerong si Lee. Bigla na lang itong nawala nang parang bula nang i-dismiss siya nito. Tahimik niyang nilakbay ang makipot na daan pabalik sa Green Lawn at sa mismong gusali ng Nephilpi. Dahil na rin sa tulong ng lalaki sa kanya ay natunton niya ang daan pabalik. Ibinilin pa nito na kailangan niyang isaulo ang pasikot-sikot sa bahaging iyon ng kakahuyan dahil doon ang magiging regular na tagpuan nila tatlong beses sa isang linggo.

Hindi kasi puwedeng malaman ng ibang mga salamangkero ng Nephilpi ang pag-eensayo nila. Kahit pa naman medyo nalilito ang dalaga kung bakit kailangan nilang ilihim iyon, tumango na lang din siya. Siguro naman may sapat na rason kung bakit kailangang isekreto iyon, aniya.

Malapit nang mag-alas sais ng gabi kaya mabilis na bumalik si Alice sa tore ng Aquarius upang magpunas at magpalit ng damit. Madungis kasi ito dahil sa dalawang oras niyang training. Dali-dali rin siyang pumanaog at tinungo ang main building para pumunta sa Fourth Hall upang maghapunan. Naabutan niya pa ang iilang mga pamilyar na mukha ng mga kapwa niya estudyante na nakahilera nang nakaupo sa mga mahahabang mesa. Tahimik na lang din siyang naghanap ng mauupuan at nang may makitang bakante malapit sa dulo ay inokupa niya ito.

Abala ang lahat sa paghahapunan nang may biglang pagsabog silang narinig. Malakas ang impact niyon na siyang nagpayanig nang gusali ng paaralan. Mabilis namang nagsitayuan ang mga guro at sinabihan ang mga estudyante na manatili sa kanilang upuan. Nagkatinginan naman ang mga mag-aaral, lahat sila walang ideya sa nangyari, habang ang mga guro naman – kasama na rin ang directress – ay pinuntahan ang pinanggalingan ng pagsabog upang usisahin ang sanhi nito.

Ilang minuto pa ang lumipas bago bumalik ang isa sa mga guro at tinawag nito ang lahat ng mga Column Heads. Sinabi nitong panguluhan ang bawat columns at dalhin silang lahat sa loob ng Scales of Libra. Mabilis namang sumunod ang mga ito at inanunsyo na sa pangkalahatan ang tagubilin ng guro. Nagkatinginan at nagbulungan naman ang mga estudyante sa narinig. Walang may ideya sa mga nangyayari. Kahit ang mga Column Heads ay wala ring balita sa nangyayari sa labas ng building.

Kahit pa man naguguluhan ay sumunod naman lahat ng mga mag-aaral pati na rin ang mga yaya ng mga bata. Tinawid nila ang mahabang pasilyo ng gusali papunta sa pinakamalaking silid ng paaralan na siyang tinatawag na Scales of Libra. Isa itong napakalaking indoor dome na kakasya ang mahigit isang libo katao.

Pagkapasok pa lang sa double doors ay sumalubong sa kanila ang napakalawak na bulwagan na may nagtatayugang mga poste sa magkabilang gilid. Sa pinakaharap nito ay may malaking estatwa na nasa tatlumpung talampakan ang taas. Isa itong estatwa ng babaeng may dalang panimbang sa magkabilang kamay.

Sa palibot naman nang pabilog na bulwagan ay may mga upuang gawa sa marmol na paarkong nakapalibot sa buong silid. Pahagdang nakahanay ang mga ito sa Scales of Libra. Sa utos na rin ng mga Column Heads, inokupa ng mga estudyante ang mga upuan habang naghihintay ng balita mula sa mga guro.

Sa kabilang banda naman, alarmang nagkumpulan ang mga propesor ng Nephilpi sa labas ng gusali ng paaralan. Kasama ang directress, lahat sila ay nagulat sa nasaksihan. May malaking butas sa pader sa pagitan ng tore ng Cancer at Leo. Hindi nila lubos-maisip ang nangyari. Sa loob ng daan-daang taon, ngayon lamang nakaranas ang paaralan ng ganitong banta sa seguridad. Malaki ang sira ng pader at ang mas nakababahala pa ay mayroong magic circle sa gitna ng butas.

Gamit ang salamangka, mabilis nilang narating ang mismong harap ng pader para makita nang malapitan ang pinsala. Halos lamunin ang buong pader sa pagitan ng Cancer at Leo dahil sa laki ng butas. Siguro nasa mahigit 200 meters ang lawak nito. Lalong nabahala ang mga propesor nang mabasa ang mga katagang nakasulat sa loob ng nakalutang na magic circle.

BROKEN WITCH TRILOGY, #1: The Fifth GrailTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon