"RONI?"
Bumilis ang tibok ng puso ni Roni nang marinig ang pamilyar na boses ni Borj. Kipkip ang ilang notebook na nilingon niya ang binata. Napakaguwapo nitong tingnan sa suot na puting oxford shirt na bukas ang ilang butones, itim na blazer, at faded blue jeans.
"Hi, Borj." Hindi niya maintindihan kung bakit tila nagagalak siyang makita ang binata kahit tila gusto nang lumabas ng kanyang puso sa dibdib. Siguro dahil naalala pa siya nito. Sinaway at pinayapa niya ang sarili.
"Ngayon ka pa lang uuwi?" nakakunot-noong tanong ni Borj. Napatingin pa ito sa wristwatch.
"Oo. Galing ako ng library para gumawa ng assignments."
"Mag-isa ka bang uuwi? Gabi na, ah."
"Anong oras na rin kasi natapos ang klase ko. Ikaw, bakit ginabi ka?" Napakunot-noo siya. Kung mag-usap kasi sila ngayon ni Borj ay tila magkaibigan na sila. Samantalang sinungitan siya nito noong nakaraang araw.
"Uuwi kang mag-isa?" ulit ni Borj sa tanong na lalong nagpakunot ng kanyang noo.
Tumango lang siya.
Pumalatak ang binata.
Nagulat na lang si Roni nang hawakan ni Borj ang kanyang kanang kamay. Bumilis ang tibok ng kanyang puso at nag-init ang mga pisngi.
"Ihahatid na kita. Gabi na. Mamaya, kung ano pang mangyari sa 'yo. At para sagutin ang tanong mo kanina, ginabi rin ako dahil naglaro pa kami ng basketball," sabi ni Borj habang hila-hila siya.
Tiningnan niya ang magkahawak nilang mga kamay. Napangiti siya. Pakiramdam niya ay nananaginip lang siya. Napatigil siya sa paglalakad nang mapagtanto ang nangyayari. Binawi niya ang kamay sa pagkakahawak ni Borj.
Nagtatanong ang mga matang binalingan siya ng binata.
"Okay lang ako. Hindi mo kailangang mag-alala para sa 'kin. Hindi na ako isang bata," masungit na sabi niya at tinalikuran na ito at naglakad na palayo.
"Jeez! Stop acting like a kid," sabi ni Borj, nakasunod na sa kanya. "Hindi mo ba alam na laging may napagti-tripan diyan sa labas ng campus? Last week lang may napag-tripan diyan. Tapos, babae ka pa." Pumalatak ito. "Ikaw din."
Naaasar na binalingan niya si Borj. "Look who's talking. Stop acting like Superman, dude," sagot niya pero sa totoo lang ay natakot siya sa sinabi ng binata.
Tila naiinis na tiningnan siya ni Borj. "Right. Bahala ka sa buhay mo." Tinalikuran siya nito.
Napanguso si Roni. Now what? Hindi niya alam kung paano siya uuwi. Natakot siyang lumabas ng campus dahil baka mapag-tripan siya.
Kainis ka talaga, Borj! Ikaw ang may kasalanan nito. Tatakutin mo ako tapos iiwan mo lang din pala ako!
Akmang maglalakad na siya patungo sa gate nang magulat dahil may humawak uli sa kanyang pulupulsuhan. Tiningnan niya kung sino ang humawak sa kanya. "Kakainis ka talagang lalaki ka!" singhal niya kay Borj nang malingunan ang binata. Hinampas niya ito ng bag.
Tumawa lang si Borj. "Magugulatin ka pala."
Tiningnan niya ito ng masama.
Tinawanan uli siya ni Borj pagkatapos ay hinila.
"Hoy! Saan mo ako dadalhin?"
Ngumisi si Borj. "Sa ayaw at sa gusto mo, ihahatid kita sa bahay mo."
"THANK you sa paghatid sa akin," sabi ni Roni kay Borj pagkababa niya sa motorsiklo ng binata.
"You're welcome. Huwag ka na ulit uuwi nang ganitong oras. Delikado, lalo na sa babaeng tulad mo, understand? Kung hindi lagot ka talaga sa 'kin," sabi ni Borj.
BINABASA MO ANG
Bizarre Tale
RomanceRoni Salcedo was an events coordinator. At sa isang charity event, nagkrus muli ang mga landas nila ng pinakababaero at pinakahaliparot na lalaking nakilala niya---si Borj Jimenez. Seven years ago, he ruthlessly broke her heart. Kaya no way na haya...