"Manang Susan, pakidalhan nga po ako ng meryenda sa kwarto ko," sigaw ni Gabby habang pumapasok sa loob ng bahay nila.
Hilot-hilot niya ang sentido habang umaakyat ng hagdan. Masyado yata siyang naging kampante na kaya niyang i-handle ora-orada ang mga responsibilidad niya sa bagong pwesto niya. Napakaraming dokumento na kailangang pag-aralan. Inisa-isa pa niyang lahat hanapin ang mga iyon sa folders niya. Idagdag pa na kinausap niya ang arkitektong si Emilio Sandejas na siyang mag-aayos ng plano niya para sa Seasons Bar and Restaurant – isa sa mga joint projects nila ni Andy at ng kaibigan nilang si Atasha. Si Nica naman ang bahala sa marketing dahil ma-PR ito.
Hindi naman siya makahingi ng tulong sa iba. Tiyak na magtataka ang mga iyon kung nasaan ang sekretaryo niya. Aabot pa sa ama niya ang balita na pinalayas niya si Sid. At ang kahuli-hulihang bagay na gugustuhin niya ay makinig sa mga sermon ng ama. Saka na lang niya iintindihin ang ama kapag nakapag-adjust na siya sa bago niyang trabaho.
"'Di bale nang mahirapan," ismid niya.
Dire-diretso siyang pumasok sa loob ng kwarto at padaskol na ibinalya ang bag sa gitna ng kama. Umupo siya sa kama at yumuko para sana tanggalin ang sapatos niya nang matigilan. Sigurado siyang buntot ng aso ang nakikita niya ilang talampakan mula sa pwesto niya. Hindi na bago sa kanya na makita si Uno na nag-aabang sa kwarto niya matapos ang maghapong trabaho. Ang hindi niya napaghandaan ay ang pares ng paa na nakahilata sa harap niya. Doon nakahiga si Uno at natutulog.
Napatayo siya sa kabiglaan. May lalaki sa loob ng kwarto niya!
Gabby realized with horror that it was her enemy slash secretary who was inside her room. Si Sid ay nakasuot na lang ng T-shirt at nakasalampak sa sahig ng kwarto. Nakapikit ito at base sa marahang pagtaas at pagbaba ng dibdib ay natutulog ito.
Nabaling ang atensyon ni Gabby sa katok sa pintuan.
"Gabby, ito na 'yung meryenda mo," ani Manang Susan.
Inginuso niya sa kasambahay ang pigurang basta-basta nakahilata sa kwarto niya.
"Manang, ano hong ginagawa ng lalaking 'yan sa kwarto ko?" inis na sabi niya.
Pero sa kabila ng inis ay nagawa pa niyang magbaba ng boses para hindi magising si Sid. Agad naman niyang sinukol ang sarili sa naisip. Kailan ba ako naging concerned sa lalaking ito?
Ngumiti naman ang matandang kasambahay nila nang makita si Sid. Sanay na ito sa moods niya. Simula nang mamatay ang ina nila maraming taon na ang lumipas ay ito na ang nag-alaga sa kanila. Dito siya laging nagsusumbong noon kapag nauungusan siya ng hinayupak sa mga contests na sinasalihan niya.
"Naihian kasi ni Uno ang polo ni Sid. Hindi na siya nakabalik sa opisina dahil wala daw siyang pamalit kaya ako na ang naglaba para sa kanya. Pinagamit ko muna ang T-shirt ng papa mo," paliwanag ni Manang Susan.
Mahahalikan na sana ni Gabby ang magaling na aso dahil sa ginawa nito kay Sid kung hindi lang niya napagmasdan ang anyo ni Sid habang natutulog. Darn it. But she never expected her father's shirt to look good on anyone. Pero iba si Sid. Halatang naalagaan nito ang katawan nito. Alam niyang malimit ito'ng mag-jogging bago pumasok sa opisina dahil lagi itong topic ng mga emplayada ng kumpanya tuwing umaga. At ngayon, ang katawan nito na pantasya ng mga kababaihan ay walang kamalay-malay na nakahantad sa harap niya.
"Maganda nga ang katawan," wala sa loob na obserba niya.
Tumikhim nang malakas si Manang Susan, dahilan para kagyat siyang mapalingon dito. Nagniningning ang mata nito, patunay na narinig nito ang sinabi niya. Ngaling-ngaling batukan niya ang sarili.
"Bakit ho niyo pinapasok sa kwarto ko, Manang? Pinalayas niyo na ho sana kaagad at bukas niyo na lang pinakuha ang damit niya," sikmat niya dito. At dahil napapahiya siya, sinadya niyang taasan ang tinig.
Hindi pa rin nawala ang ngiting naglalaro sa mga labi ni Manang Susan. May iniabot ito sa kanyang folder na noon lang niya napansing dala-dala nito.
"Ipinabibigay ni Sid 'yan. Inayos niya daw at kakailanganin mo," anito. "Paalis na dapat siya. Kaya lang ay ginawa pa niya 'yan. Ito namang si Uno, dahil nakapasok na ulit sa kwarto mo ay nagligalig na naman. Binantayan ni Sid hanggang sa nakatulog na rin siguro sa pagod."
Pagkatapos no'n ay iniwan na siya ni Manang Susan. Kunot-noong binuksan niya ang folders na ibinigay nito. Tumambad sa kanya ang mga files na kanina pa niya hinahanap. Inayos ni Sid ang mga profiles ng mga kliyente ng kumpanya na kailangan niyang kausapin. Iyon ang kanina pa niya ginagawa na hindi niya matapos-tapos.
He did this for me?
Lumapit siya kay Sid. Sinipa niya ang paa ng lalaki para gisingin ito pero hindi ito tuminag. Nilakasan niya ang pagsipa pero kahit gadangkal ay hindi ito gumalaw.
Aba... aba...
Pero natigilan si Gabby nang mapagmasdang maigi ang tulog na anyo ni Sid. Iyon ang unang beses na nakita niya itong nakababa ang depensa nito. Para sa kanya, isang misteryo ang katauhan ni Sid, kahit na nga ba buong buhay na niyang nakikita at nakakasama ito. For her, Sid was a rival who had never backed down to anyone except her father. Palagi na lang itong nakabuntot sa ama niya sa maraming pagkakataon pero wala siyang alam sa pribadong buhay nito.
Nang lumapit siya ay nagising si Uno. Mukhang kakahol ito.
"Shh... Uno. 'Wag kang maingay."
Mukhang nakaintindi naman si Uno dahil dagli itong tumalon sa ibabaw ng kama niya. Doon ay bumaluktot ulit ito at natulog. Tamad na aso.
Si Gabby naman ay binalikan ang natutulog na si Sid. Ngayon lang niya napansin na may pilat ito sa gilid ng noo. Kunot-noong hinawakan niya ang pilat. Bigla ay gusto niyang malaman kung saan galing iyon.
"Where did you get this stupid scar?"
"Nahulog ako sa puno ng niyog noong bata ako."
Dagling napatayo si Gabby nang marinig ang tinig. Noon lang niya napagtanto na gising na si Sid. Nakatingin ito sa kanya at may naglalarong ngiti sa mga labi nito.
BINABASA MO ANG
Seasons 3: The Fall of Autumn
RomanceMula pa pagkabata ay mainit na ang dugo ni Gabby kay Sid. Lagi kasi siya nitong nauungusan sa academics. Pakiramdam pa niya ay mas pinapaboran ito ng ama niya. And to make matters worse, her father assigned him to be her secretary. "You need me, Gab...