Nakangiti si Gabby habang nakatingin sa pinto ng bago niyang opisina. She crossed and uncrossed her legs in anticipation. Tiningnan niya ang wall clock. Sampung segundo bago mag alas-otso.
"3... 2... 1... "
As if on cue, pabalyang bumukas ang pinto ng opisina niya at pumasok si Sid. Mabilis niyang kinuha ang diyaryo sa mesa niya at nagkunwang nagbabasa. Pero sinadya ni Sid na iharang ang katawan sa pinagmumulan ng ilaw.
"Ano 'to?" asik nito, saka inihagis sa mesa niya ang isang papel na pinilas pa sa planner niya.
Noon pa lang siya nag-angat ng paningin kay Sid. Nagpanggap siyang hindi alam ang sinasabi nito.
"Ang alin?"
Dagli ulit nito'ng kinuha ang papel na ibinato nito at naiinis na binasa ang nakasulat.
"8 am – 10 am, take Uno to the veterinary clinic." Ang tinutukoy nito ay ang pug niya. "10 am – 10;30, prepare meal for Uno. 10:30 - 12:00, shop for Uno's food. 12 – 5 PM, play with Uno." Nanalim ang mga mata nito. "Ano'ng ibig sabihin nito?"
Nagkibit siya ng balikat. Sinisikap niyang hindi matawa sa hitsura ni Sid. Asar na asar na ito sa kanya. Gotcha!
"Naalala ko kasi, kailangang paturukan ulit si Uno," pa-inosenteng sabi niya. "Pagkatapos ay kailangan na rin siyang igroom ulit dahil hindi ko naaasikaso. Naubos na rin pala ang pagkain niya kaya kailangan mo nang bumili ulit. And as for the last schedule..." Hindi niya pinansin ang lalong pagtalim ng mga mata nito. "Kapag natapos mo naman ng maaga, you can call it a day."
"Boss," wika nito na binigyang diin ang pagtawag sa kanya. Halatang tinitimpi nito ang inis. "Ang trabaho ko dito ay maging sekretarya mo. Hindi tagapag-alaga ng aso mo. Kung gusto mo akong tadtadin ng trabaho, kahit mag-overnight pa ako dito ay hindi ako magrereklamo." Then he added as an afterthought. "As long as it's beneficial to the company."
Tumaas ang kilay niya. Pinipilit niyang itago ang pagngiti niya.
"Bakit? Akala ko ba, kaya ka pumayag na maging sekretarya ko ay dahil alam mong kailangan kita? Tama ka. Kailangan kita. I want to do the job personally. But since I'm starting my work today, hindi ko magawa." Matamis ang ngiting iginawad niya dito. "Kaya umaasa ako sa iyo. O kung ayaw mo naman, ok lang din. You can just quit being my secretary."
Hinilot nito ang batok sanhi ng frustration. Napatingala ito sa kisame at mukhang naghahanap doon ng rason para magtimpi pa.
"Ano ba talagang ayaw mo sa'kin?" inis na sabi nito. "Kung ayaw mong kausapin kita, eh 'di huwag. My cubicle is separated from your office. Hindi mo kailangang makita ako minu-minuto kung 'yun lang ang problema mo."
"Ayaw ko lang na nakikita ka at all." Binigyan nya ng emphasis ang huling dalawang salita. "At kung ako lang, ayaw kita sa loob ng kumpanya ko."
Lumapit ito sa mesa niya na nakatiim ang mukha. Itinukod nito ang dalawang kamay sa lamesa at dumukwang sa kanya.
"Boss, kung iniisip mong mag-qui-quit ako dahil lang dito, sinasabi ko ngayon pa lang na nagsasayang lang tayo pareho ng oras. I intend to do my job as faithfully as I could," mariing sabi nito. Minsan pa ay pinadaan nito ang mga mata sa kabuuan ng mukha niya.
Kahit nai-intimidate siya ay nagpanggap siyang hindi. Mayabang niyang itinaas ang ulo at sinalubong ang mga titig nito.
"Fine with me," wika niya, sabay turo ng papel. "And right now, I want you to finish your schedule for today." Ikinumpas niya ang kamay na parang sinasabi na tapos na ang pag-uusap nilang iyon.
Hindi umimik si Sid. May ilang sandali lang ito'ng nakatingin sa kanya. Pagkatapos ay bumuntong hininga ito. Bumalik na ulit ang formality sa tinig nito nang magsalita.
"Ito lang ang iuutos niyo, Boss?"
She had to give credit to him. Kahit kailan ay hindi nawawala ang paggalang nito. Hindi niya maintindihan kung paano nito natatanggap ang mga pangiinsulto niya. A man of Sid's caliber deserved a far higher position than being her secretary. Gusto na tuloy niyang isipin na tinutulungan siya nito, pero hindi siya maniniwala. Alam niyang may ibang agenda ito. Malalaman niya rin iyon balang araw.
"Iyan lang. Umalis ka na," pagtataboy niya dito.
Pinanood niya si Sid na naglalakad palayo sa kanya. Kahit nakatalikod ito ay hindi maikakaila na namumukod-tangi ito sa karaniwan. If only he was not Desiderio Albanez...
Napatuwid siya ng upo nang tumigil itong maglakad at lumingon sa kanya.
"Ano pang itinatayo-tayo mo diyan?"
Gumuhit ang ngiti sa mga labi nito. Hindi niya alam kung paano nito nagagawang ngumiti kahit sungit-sungitan na niya.
"Don't overwork yourself because of me. Magkaka-wrinkles ka lang," wika pa nito bago tuluyang lumabas ng opisina niya.
Napahawak tuloy siya sa magkabilang pisngi dahil sa sinabi nito. The nerve!
BINABASA MO ANG
Seasons 3: The Fall of Autumn
RomanceMula pa pagkabata ay mainit na ang dugo ni Gabby kay Sid. Lagi kasi siya nitong nauungusan sa academics. Pakiramdam pa niya ay mas pinapaboran ito ng ama niya. And to make matters worse, her father assigned him to be her secretary. "You need me, Gab...