21

391 3 0
                                        

Chapter 21

Nakatulala akong nakaupo, pinapanood ang mga puno, mga bahay, at mga bukirin na unti-unting naglalaho sa bintana ng bus. Para silang mga pahina ng isang lumang alaala na isa-isang sinasara. Sa bawat pag-ikot ng gulong, tila tinatanggal ng kalsada ang mga bakas ng kahapon - ang mga ngiti, mga sigaw, mga luha na naiwan sa Cabanatuan. Hanggang sa mapalitan na ng mga gusali, billboard, at ilaw ang mga palayan at punong niyog.

Bumalik ang isipan ko sa Cabanatuan.

Naalala ko ang daan papunta sa paaralan - 'yung mga punong akasya na laging may naglalarong mga bata sa ilalim, at 'yung amoy ng bagong tabas na damo tuwing hapon. Ang ihip ng hangin na humahalik sa aking mga pisngi, malamig sa umaga, mainit sa tanghali, pero pamilyar - parang yakap na hindi kailanman nagbago.

Naalala ko rin ang mga gumamelang itinanim ni Mama sa harap ng bahay, ang mga talulot nitong namumula tuwing dapit-hapon, at kung paanong tinatabihan ko siya habang dinidiligan niya ang mga iyon. Doon ako naging masaya - at doon ko rin unang natutunang masaktan.

Ngunit ngayon, tanging katahimikan na lang ang bumabalot sa bahay na iyon.

Ang bahay na dati'y may halakhak ng pamilya, ngayo'y madilim.

Ang sahig, malamig sa talampakan. Ang amoy ng dugo, nakahalo sa alikabok.

Ang katawan ng kapatid ko na nakahandusay, walang buhay, nakadilat ang mga matang parang nagtatanong.

At ang mga mata ni Papa - mga matang puno ng galit, poot, at kung anong halimaw na hindi ko kailanman nakita noon. Hindi ko siya makilala. Parang ibang tao ang kaharap ko. Parang hindi na siya 'yung taong nag-aabot sa amin ng mainit na tinapay tuwing umaga.

Mariin akong napapikit. Ramdam ko ang pag-igting ng dibdib ko, ang paninikip ng lalamunan, at ang init ng luhang pilit kong pinipigilan.

Alam kong kailangan kong umalis. Hindi ko na kayang makita pa ang bahay na 'yon, o ang taong minsan kong tinawag na ama.

"Bakit, Papa?" mahina kong tanong sa sarili ko, halos wala nang boses na lumabas. "Bakit mo 'yon ginawa?"

Mariin akong napakapit sa dala-dala kong bag - ang tanging naiwan sa akin, punô ng ilang damit, isang lumang panyo, at ang ticket ng ate ko pabalik ng Maynila. Matagal ko 'yong tinitigan, parang may ibig sabihin na hindi ko pa maintindihan.

Pagkababa ko ng bus sa huling hintuan, malamig na ang hangin. Wala akong plano. Wala akong direksyon. Basta ko lang alam na kailangan kong lumayo.

Naglakad ako patungo sa terminal, dala ang bigat ng takot at pagkalito. Hindi ko namalayang nakasakay na pala ako sa bus pa-Maynila. Hindi ko man lang alam kung anong oras ako umalis. Basta nakatulala lang ako habang ang gabi'y unti-unting napalitan ng umaga.

Umaga na nang makarating ako sa Cubao.

Ibang-iba. Maingay. Mabigat ang amoy ng usok. Ang mga tao, nagmamadali, walang pakialam. Ang mga bus, sabay-sabay na humuhuni, at ang mga vendor, nag-aalok ng kape at tinapay sa gilid ng kalsada.

Tumayo ako ro'n, parang bata sa gitna ng dagat ng mga estranghero.

Hindi ko alam kung saan ako tutungo. Hindi ko alam kung kanino ako lalapit. Ang tanging alam ko lang ay wala na akong babalikan.

At sa unang pagkakataon, naramdaman kong totoo na - wala na ako sa Cabanatuan. Wala na rin ako sa buhay na alam ko.

Nakatayo lang ako sa gilid ng terminal, habang ang mga ilaw ng Cubao ay kumikislap sa basang kalsada. Ramdam ko ang pagod ng biyahe, pero mas mabigat ang pagkalito na bumabalot sa dibdib ko. Ang ingay ng mga bus, sigaw ng mga dispatcher, halakhakan ng mga pasahero-lahat iyon, parang tinik na bumabaon sa tainga ko. Hindi ako sanay sa ganitong mundo. Walang katahimikan. Walang pamilyar.

Dulce SecretumWhere stories live. Discover now