PROLOGUE

139 33 80
                                    

  ALAS TRES na base sa pambisig kong relo at tagaktak na ang pawis ko kahit hindi pa man nagsisimula ang program. Siksikan na kami dito sa covered court dahil na rin sa dami naming magsisipag-tapos. Malaki-laki rin naman ang space ng court pero hindi pa nga lang nalalagyan ng bubong ang nasa likurang bahagi kaya parang sardinas tuloy kami ngayon para lamang makasilong. Ngunit kahit ganoon ang sitwasyo'y bakas pa rin sa mukha ng bawat isang estudyante ang saya, lalo na ng mga magulang nilang nagpakahirap upang maigapang lang ang pag-aaral nila.

  Nilingon ko si Mama sa likurang bahagi ng kinauupuan ko kung saan naroroon ang seats ng parents at guardians namin. Nakita ko siyang ngumiti saka minuwestra ang kamay niya na nagsasabing makinig ako sa sinasabi ng speaker.

  Tila lumilipad ang utak ko nang mga sandaling iyon. Ang daming bagay na pumapasok sa isipan ko. Magmula sa mga pangyayaring nagtulak sa akin upang magsikap sa pag-aaral, hanggang sa pagre-rebelde ko nang dahil sa lungkot na naramdaman ko noong nalaman ko ang sinapit ni Angel... At nang matauhan ako dahil sa sampal ng reyalidad na walang magagawa ang pagsira ko sa buhay ko dahil hindi na kailanman mangyayari ang matagal ko nang inaasam.

  Natauhan na lamang ako nang kalabitin ako ng katabi ko. Ngumuso siya sa harap kaya napatingin naman ako sa stage at nakita kong umaakyat na nga ang iba upang kunin ang mga diploma nila. Sinenyasan kami ng Prof namin kaya tumayo na rin kami at pumila sa gilid hanggang sa isa-isa na ngang tawagin ang mga pangalan namin.

  Hindi mawala ang ngiti sa labi ko nang mga oras na 'yon. Kabado ngunit nag-uumapaw ang saya dahil sa wakas, may maipagmamalaki na 'ko. Na hindi na ako 'yong taong nila-lang lang nila dati.

  Nang mahawakan ko na ang diploma ko ay inangat ko ito at malawak ang ngiting tinignan si Mama... Ngiti na nagsasabing, "Sa wakas, nakapagtapos na 'ko!"

  PAGKATAPOS ng graduation rites ay c-in-ongratulate naming magba-barkada ang isa't isa. Nagpa-picture pa kami saglit saka nagka-paalamanan na.

  Mag-a-alas sais na ng gabi kami nakauwi ni Mama at nag-aagaw na ang liwanag at dilim. Hindi mabura-bura ang ngiting namumutawi sa mga labi ko habang magkasunod kaming naglalakad ni Mama papasok sa purok namin. Ngunit ganoon na lamang ang pagtataka ko nang mabungaran ang maraming tao sa harap ng bahay. Halos lahat ng mga kapit-bahay nami'y narito at lahat sila'y nakatalikod sa gawi namin.

  Kapansin-pansin rin ang yellow na light bulb na siyang nagsisilbing ilaw roon. Tinignan ko si Mama pero walang emosyong mababakas sa mukha niya. Ginapangan ng kaba ang dibdib ko nang mga oras na 'yon kaya naman mabilis akong tumakbo papunta sa bahay.

  Nang mapansin ako ng mga tao roon ay kusa silang humawi. Nginitian nila ako ngunit hindi ko sila pinansin. Nang makarating na ako sa harap ay natutop ko ang aking noo habang pinagpapawisan ng malamig. Humahangos pa ako nang makita kong lumabas si Ate Eilyn bitbit ang isang bandihado na naglalaman ng ulam na sa palagay ko'y menudo. Nang makita niya 'ko ay nanlaki ang mata niya at saka nagmamadaling pumasok ulit sa loob ng bahay.

  "Bilisan niyo! Nandiyan na sila!" naulinigan kong impit na sigaw ni Ate at tila ba aligaga.

  Napalingon ako sa likod upang hanapin si Mama pero hindi ko na siya makita. Tanging nakangiting mukha lang ng mga kapitbahay ang nabungaran ko. Kaya naman laking gulat ko nang pagharap ko'y may nakasabit nang malaking tarpaulin sa pader ng bahay na hindi ko naman nakita kanina. Marahil ay nakalukot iyon kaya hindi ko napansin. Sa harap niyon ay ang mahabang mesa na may nakahaing sari-saring ulam, kanin, pansit at buko salad na siyang nabungaran ko kanina no'ng pumasok ako sa gate.

   Hindi ko maapuhap ang sasabihin nang mga sandaling iyon. Hanggang isa-isa na ngang lumabas ang mga kapatid ko at si Mama na may dalang cake. Kaya pala hindi ko siya nakita ay dahil nasa loob na siya ng bahay. Pakiwari ko'y doon siya dumaan sa pintuan sa may kusina.

  Lahat sila'y nakangiti sa akin.

  Hindi ko namalayang lumuluha na pala 'ko hanggang sa mapahikbi na lamang ako.

  "Congratulations, Miggy!" sabay-sabay nilang sigaw na sinundan naman ng dalawang party popper. Natawa pa 'ko dahil nahirapan si Kuya Dan sa pagbukas ng party popper kaya hindi sila sabay ng kambal kong si Gabby sa pagpaputok. Nagsipalakpakan naman sila Ate at ang iba ko pang mga kapatid, pati na rin ang mga kapit-bahay. Pagkatapos ay isa-isa akong niyakap nina Mama.

  "Grabe namang iyak 'yan, Migz. Parang may namatay, a," pabirong turan ni Papa. Saka niya ako niyakap at pagkatapos ay tinapik ang likod ko.

  "Kayo naman kasi, eh. Tinakot niyo 'ko. Kinabahan ako kasi ang daming tao dito tapos ang tahimik pa. Tapos 'yong ilaw... Pa naman! Bakit ganyan 'yong ilaw? Parang may lamay!" sagot ko na ikinatawa naman nila. Saka ko kinuha ang panyo sa bulsa ko at suminga.

  "Ay! 'Yon ba? Wala na kasing extra na bumbilya. Napundi 'yong ilaw natin dito sa labas at wala na kaming oras bumili pa sa bayan. Kaya hiniram ko muna 'yong dalawang bumbilya sa kulungan ng baboy." Nagkakamot pa sa ulo si Papa habang ine-explain ang nangyari.

  Nagpasalamat ako sa kanila dahil nag-effort talaga sila sa paghahanda para lang i-celebrate ang graduation ko.  Pati mga kapit-bahay ay tumulong rin pala. Ang iba'y nagluto at ang iba nama'y nagbigay ng pera para marami ang ma-ihanda. Maliit lang kasi ang purok namin pero lahat dito'y magkakakilala. Walang alitan, at higit sa lahat... Nagtutulungan.

  Nang matapos na ang salu-salo'y pinapasok na 'ko ni Mama at sinabihang magpahinga na. Agad naman akong tumalima at dumiretso na sa kwarto. Napagpasyahan kong magpahinga na lang muna ng kaunti bago maligo. Kanina pa 'ko nanlalagkit dahil sa pawis.

    I saw my diploma at the top of my desk and I can't help but smile. Hanggang ngayon, hindi pa rin ako makapaniwala na naka-graduate na 'ko. All I have to do now is to review and pass the board exam, so that I can be a licensed criminologist. I want to be someone whom my family will be proud of.

  Umupo ako sa study table at saka binuksan ang drawer doon. Hinanap ko ang isang notebook na may nakasulat sa harapan na slam note. Binuksan ko ang unang pahina nito at bumungad sa 'kin ang pangalan niya...

  Angelique Sarmiento.

  Then my mind travelled back to where it all started...

ALWAYS YOUWhere stories live. Discover now