CHAPTER NINE

36 14 53
                                    

  "JOKE lang 'yon, Migz. Masiyado ka kasing seryoso. Gusto lang kitang patawanin."

  Napatawa ako ng pagak. Sino bang hindi? Akala ko totoo nang may nararamdaman rin siya sa 'kin pero biro lang pala.

  "Kitams? Tumawa ka rin. Hahaha..."

  Naikuyom ko ang dalawa kong palad. Naiinis ako. Pinaglalaruan lang pala ako ni Angel.

  "Akala ko kasi totoo na. Sige, babalik na 'ko sa labas," sambit ko saka tumalikod na upang itago ang sakit na nararamdaman ko dahil sa ginawa niya.

  "Sige. Si Jay naman kasi talaga ang gusto ko, eh. Mas masaya kasi siya kasama at hindi boring. Hinding-hindi ako magkakagusto sa katulad mo. Tama ka ng pinili. Mas bagay kayo ni Barbara."

  Napapikit ako nang mariin dahil sa sinabi niya. Nagpupuyos ang kalooban ko. Pa'no niya nakakayang sabihin ang mga ganitong bagay sa 'kin?

  Hindi ko na hinintay pa ang mga susunod niyang sasabihin. Mabilis ngunit mabibigat ang hakbang kong nilisan ang silid-aralang iyon. Hindi na 'ko bumalik sa quadrangle, sa halip ay lumabas ako ng gate at patakbong umuwi.

  Hingal na hingal na 'ko ngunit patuloy lang ako sa pagtakbo. Hanggang sa tuluyan na ngang malaglag ang nagbabadyang mga luha mula sa aking mga mata kanina. Doon na 'ko napatigil saka humahangos na napayuko. Itinukod ko ang mga kamay sa magkabilang tuhod ko.

  Maya-maya pa'y naramdaman ko ang maliliit na butil ng ulan na pumapatak sa aking balat. Napatingala ako. Makulimlim na ang kalangitan, tila nakikiramay ito sa pinagdaraanan ko ngayon.

  "Hinding-hindi ako magkakagusto sa katulad mo..."

  "Hinding-hindi ako magkakagusto sa katulad mo..."

  "Hinding-hindi ako magkakagusto sa katulad mo..."

  Tila sirang plakang paulit-ulit na umaalingawngaw sa isipan ko.

  Parang pinipiga ang puso ko sa sobrang sakit. Akala ko, wala nang may mas sasakit pa sa tuwing makikita ko silang magkasama. Mas masakit pala kapag harap-harapan nang sinabi sa 'yo na hinding-hindi ka kailanman magugustuhan ng taong gusto mo.

  "HUY, Migz! Tama na! Nabugbog mo na siya, oh! Saka tignan mo 'yang itsura mo! Lagot ka kay Mama pag-uwi!" singhal sa akin ng kakambal ko.

  Second year high school na kami at heto pa rin ako... Basag-ulo, takaw-gulo.

  "Kasalanan niya 'yan! Sobrang yabang kasi! Akala mo naman may maipagyayabang! Ano ha?! Wala ka pala eh!" sigaw ko.

  "Tol, bakit ka ba ganiyan? Simula no'ng bago tayo g-um-raduate sa elementary, naging ganiyan ka na. Ano bang nangyayari sa 'yo? Hindi na ikaw 'yong kakambal kong tahimik at mabait." Puno ng disgusto ang tono ng pananalita niya.

  "Lahat ng tao nagbabago. Walang permanente sa mundo. Baka sa susunod nga , ikaw na ang magbago."

  "Tol, walang problema sa pagbabago. Alam mo kung ano'ng problema? 'Yang mindset mo. Lagi mo na lang binibigyan ng sakit ng ulo sina Mama. Kulang na lang, sumabak ka sa gyera! Mabuti sana kung nagbago ka at mas lalo kang bumait, kaso hindi. Naging masama 'yang ugali mo!" prangka niyang sabi.

  Natahimik ako.

  Muling bumalik sa isip ko ang mga sinabi ni Angel dati—na hinding-hindi niya 'ko magugustuhan.

  "Kung dahil kay Angel kaya ka nagkaka-ganiyan, tol... Ang tanga mo! Ibalik mo 'yong dating ikaw! Imbis na magrebelde ka, bakit hindi ka magsumikap? Hindi 'yong ganiyan. Walang magandang maidudulot 'yang ganiyang pag-uugali. Mas lalo mo lang pinatunayan na hindi ka karapat-dapat na magustuhan ng isang babae."

  Dahil sa sinabing 'yon ni Gabby ay natauhan ako. Ano nga bang ginagawa ko sa buhay ko? Bakit nga ba ako nagkakaganito?

   Simula nang araw na iyon, ipinangako ko sa sarili kong ibabalik ko na ang dating ako. Mahirap dahil nasanay na 'kong makipag-away... Sanay na 'kong masaktan. Ngunit hindi pa rin niyon mapapantayan ang sakit na idinulot niya sa akin.

  Buong school year sa high school ay nagsumikap akong mag-aral. Iniwasan ko siya at hindi ako nagpakita sa kaniya ni isang beses. Tama na sa 'kin na makita ko siya araw-araw at tanawin mula sa malayo. Oo, alam kong tanga ako. Pero kahit gano'n ang nagawa niya'y siya pa rin ang itinitibok ng puso ko. Totoo ngang kapag tumibok ito'y hindi mo na ito mapipigilan. Wala ka nang ibang magagawa kundi sundin ito.

  Hanggang sa makatapak ako sa kolehiyo. Kumuha ako ng kursong Bachelor of Science in Criminology. Nag-apply ako bilang scholar sa bayan para matustusan ang pag-aaral ko. Gusto kong maging proud ang mga magulang ko sa akin, pambawi man lang sa kagaguhang ginawa ko no'ng high school. At gusto ko, kapag nagkita na kami ulit ay may mukha na 'kong ihaharap sa kaniya... Na mayroon na 'kong maipagmamalaki... Na puwede niya na akong magustuhan.

  Ngunit sadyang mapaglaro ang tadhana. Masyado siyang madaya. Dahil kung kailan buo na ang loob ko ay saka naman siya gagawa ng paraan para mawasak ulit ako. Minsan, tinatanong ko ang sarili ko, "May nagawa ba 'kong mali para parusahan ako ng ganito?" Buong akala ko, 'yong mga bida lang sa mga pelikula ang may karapatang magtanong ng ganito... Hindi pala. Nangyayari pala talaga iyon sa totoong buhay.

  "Migz, pupunta ako sa bayan. Sama ka?"

  "Hindi na. Wala naman akong bibilhin... Saka wala akong pera," sagot ko naman.

  "Sama ka na. Libre kita," aniya sabay kindat. Animo'y alam na alam na hindi ako tatanggi kapag sinabi niyang ililibre niya 'ko.

  "Walang hiya ka talaga, dude! Sige na, sige na. Magbibihis lang ako."

  "Oy, h'wag na. Sa bayan lang naman tayo, hindi naman tayo makikipag-meet sa chika babes. Okay na 'yan."

  Napailing na lamang ako saka sumunod sa kaniya.

  Nang makarating na kami sa bayan ay biglang umambon kaya naman sumilong kami sa isang tindahan. Nag-uusap pa kami ni Marcus nang biglang dumapo ang paningin ko sa kabilang kabilang gilid ng kalsada. Hindi ko alam kung ano ba ang dapat kong maramdaman nang makita ko siya, lalo na nang mapagtanto kong may kasama siya. Ang mas ikinabigla ko pa ay ang maliit na umbok sa tiyan niya.

  Tila gumuho ang mundo ko nang makita ko sila sa silong ng isang bakery, masayang nag-uusap habang nakaakbay sa kaniya ang isang lalaki.

  "Uy, 'di ba si Angel 'yon?" tanong ni Marcus.

  Hindi ako sumagot bagkus ay naglakad ako paalis sa pasilungan ng tindahan. Hindi ko alintana ang paglakas ng ulan. Ang gusto ko lamang ay lumayo sa lugar na iyon, kung saan hindi ko siya makikita.

  Pakiramdam ko wala nang kwenta ang pagsusumikap ko. Hindi ko na rin naman pala siya makakasama sa hinaharap. Balewala na ang pangarap ko dahil wala na 'kong paglalaanan nito.

  "Migz! Dude! Baka magkasakit tayo! Sumilong muna tayo!" sigaw ni Marcus habang humahabol sa akin.

  Hindi ko siya pinansin at nagpatuloy lang sa paglalakad kahit pa basang-basa na 'ko. Wala na 'kong pakialam kung sa'n man ako dalhin ng mga paa ko. Maya-maya pa'y naramdaman ko na lang ang mainit na likidong dumaloy sa pisngi ko.

  "P*t*ng*n*! Bakit ngayon pa?!"

 

ALWAYS YOUWhere stories live. Discover now