FLASHBACK
SABAY-SABAY kaming nagsigawan ng mga kaklase ko nang marinig naming tumunog na ang batingaw. Nauna nang lumabas si Ms. Garde kaya naman dali-dali na naming iniligpit ang mga notebook at ballpen namin at isinilid sa bag. Ang iba nama'y nag-unahan na sa paglabas ng classroom.
Hindi kalakihan ang eskwelahan namin at tig-isang section lang ang mayroon kada baitang kaya naman halos lahat ay kakilala namin.
Naglalakad kami papunta sa canteen ng pinsan kong si Marcus at kambal kong si Gabby kasama ang dalawa pa naming kaibigan na sina Ian at Jay. Naghahabulan pa nga sila at nag-aasaran habang kami naman ay tinatawanan lang sila. Nasa may bandang playground na kami nang mahagip ng mata ko ang isang payat at matangkad na batang babae. Naka-blue siya na blouse at jeggings na pinarisan ng sneakers. Nakasunod ito kay Sir Paez na naglalakad papunta sa office ng Principal habang kausap ang isang lalaki na sa pakiwari ko ay Papa o Tito niya.
Hindi ko nakita 'yong mukha nya kasi nakayuko siya at natatabunan iyon ng mahaba, maalon at kulay tsokolate niyang buhok. Nasa kanang gilid kasi nila kami kaya hindi ko talaga makikita ang mukha niya. Nagkibit-balikat na lamang ako saka hinabol sina Marcus. Naiwan na pala nila ako dahil napatigil ako kanina no'ng makita ko 'yong batang babae.
Hanggang sa makarating kami sa canteen ay palinga-linga pa rin ako sa may Principal's office. Makikita lang kasi iyon mula dito.
"Hoy! Ano'ng bibilhin mo?" untag sa 'kin ni Gabby sabay sagi sa braso ko saka ako nilagpasan. Marahil ay napansin niyang wala sa mga pagkain ang atensyon ko. Sumilip pa siya sa bandang likuran ko na tila ba may hinahanap kaya naman nagtaka ako.
"O, bakit? Sino namang hinahanap mo?" maang kong tanong sa kanya na siya namang ikinangisi niya.
"'Yong bata kanina. Siya 'yong inaabangan mong lumabas do'n sa office, 'no? Whohoooo! Naks naman! Binata ka na, tol! Hahahaha..."
"Uy, 'di ah. Nagtataka lang ako kung ano'ng ginagawa nila dito. Imposible namang transferee. 'Di ba bawal na mag-transfer kapag lagpas na sa September?" depensa ko.
Ngunit tila hindi siya naniniwala at pinaningkitan pa nga ako ng mata. "Ano namang pakialam mo? Desisyon pa rin naman ng Principal ang masusunod." Nagkibit-balikat na lamang ako.
"Hoy! Kayong dalawa, hindi pa kayo kakain? Maglalaro pa tayo ng teks! Baka abutan tayo ng time mamaya, nagdadaldalan pa kayo diyan!" Pareho kaming napalingon kay Ian na kasalukuyang kumakain ng nilagang saging. Si Marcus naman at Jay ay lugaw ang binili.
Patakbong lumapit sa kanila si Gabby kaya naman sumunod na rin ako.
"Binata na 'yang utol ko. H'wag na kaya natin siyang isali sa laro," bungad ng kambal ko nang makalapit na siya sa tindahan na tinatambayan nila Marcus.
"Hoy, baliw! Sinabi na ngang nagtaka lang ak—"
"Ah, wala. Magde-deny ka pa, eh huli ka na nga," putol pa ni Gabby sa sinasabi ko dahilan upang kantyawan nila ako.
TUMUNOG na ulit ang batingaw hudyat na tapos na ang oras para sa minindal. Pawisan kami habang naglalakad papunta sa classroom namin dahil naglaro kami ng baseball. Nang makarating kami sa silid-aralan namin ay nanuot sa ilong ko ang sari-saring amoy ng mga pawis namin lalo pa't ang iba ay umakyat pa sa upuan nila para lang magpahangin sa wall fan. Mabuti na lang at nasa tabi ako ng bintana. Hindi muna ako umupo at dumungaw muna ako sa bintana para lumanghap ng hangin. Wala pa naman ang teacher namin sa susunod na subject.
Ilang minuto pa ang lumipas bago dumating si Sir Paez na Math teacher namin. Mabuti na lang at medyo humupa na ang amoy ng silid-aralan, kung hindi ay panay reklamo na naman itong si Sir.
"Good morning, class," bati sa 'min ni Sir habang naglalakad papunta sa harapan.
"Good morning, Sir Paez," sabay-sabay naman naming tugon.
"Before we start our lesson for today, may sasabihin muna ako."
Tumingin siya sa pintuan at dahil nasa bandang likuran namin iyon ay napalingon kami. May isang batang babaeng nakatayo doon. Siya 'yong bata kanina! Hindi ko man nakita ang mukha niya ay sigurado akong siya 'yon dahil sa suot niyang blue na blouse at jeggings.
Tinawag siya ni Sir Paez. Dahan-dahan naman siyang naglakad papunta sa harapan habang bahagyang nakayuko. Sa sahig lang siya nakatingin.
"She will be your new classmate. Kanina lang siya nakapag-transfer dito," sabi ni Sir habang nakatingin sa amin. Pagkatapos ay binalingan niya naman 'yong transferee. "Magpakilala ka na, anak."
Saglit siyang napatingin sa 'min ngunit yumuko din siya kaagad.
"I-I'm Angelique Sarmiento. N-nice meeting you all." Medyo mahina ang pagkakasabi niya at nauutal pero hindi na nila pinansin 'yon.
"Sige na, anak. Umupo ka na."
Tumango lamang siya kay Sir at saka tumalima. Bahagya niyang inangat ang ulo niya at tila ba nahihiyang inilibot ang kan'yang mga mata sa kwarto upang maghanap ng bakanteng upuan.
Magtataas na sana ako ng kamay upang kunin ang pansin niya at dito na lang siya umupo sa tabi ko nang biglang tumayo si Jay. Pinaupo niya si Angelique sa upuan niya at saka lumipat sa bakanteng upuan sa tabi ko.
Dismayado akong napatingin kay Jay na ngayon ay nasa tabi ko na at inilalabas ang mga gamit sa kan'yang bag.
Napailing na lamang ako at bahagyang nakaramdam ng panghihinayang. Hindi ko alam kung bakit pero parang may kung anong nag-uudyok sa akin at gusto kong mapalapit kay Angelique.
SUMAPIT na ang uwian at naglilinis na kami sa classroom. Kami ngayon ang cleaners habang ang iba nama'y sa labas nagwawalis. Mayroon ding nagdidilig ng mga halaman.
Napansin kong nakatayo lang sa gilid si Angelique at tila ba hindi alam ang gagawin. Hindi pa naman kasi nasasabi ng Adviser namin kung saang group siya mapabibilang.
Nahihiya man ako'y nilapitan ko siya bitbit ang isa pang walis-tambo.
"Ah, h-hi..." utal kong sambit na nakakuha ng pansin niya.
Napatingin lamang siya sa 'kin at hindi sumagot kaya naman dumoble ang kabang nararamdaman ko.
Iniabot ko sa kanya ang walis. Nagtatanong ang mga matang tumingin siya sa akin saka muling bumaling sa walis na hawak ko, tapos sa akin ulit.
"Dito ka na lang sa classroom tumulong. Wala ka pang group 'di ba?"
"Ah... O-oo. S-salamat," sagot niya saka kinuha ang walis na iniaabot ko.
Bahagya akong napangiti nang tumalikod na siya saka nagsimulang magwalis.
"Huy! Huli. Hahahaha..." untag ng kung sino mula sa likuran ko.
Agad akong napalingon at nakita ang kakambal kong napakalawak ng ngisi na tila ba may natuklasang isang napakalaking sikreto.

YOU ARE READING
ALWAYS YOU
Romance"Even if you're not mine to think about, I still do. Even if I get to meet someone else, it's still you. At the end of every day, it's always you. And it will always be you." - At a young age, Miguel already had his first heartbreak with his first l...