CHAPTER THREE

73 27 89
                                    

  "TOL, h'wag mo na lang kaya ituloy 'yang balak mo."

  "Ha? Ano'ng ibig mong sabihin?" maang kong tanong sa kakambal ko.

  "Baka magkasira kayo ni Jay kapag umamin ka kay Angelique na gusto mo siya," mahinang sagot niya.

  Labindalawang taong gulang pa lamang ako ngunit kakaiba na ang nararamdaman ko. Alam kong hindi isang simpleng paghanga lang ang nararamdaman ko para kay Angel. Hindi ito mababaw katulad ng sinasabi nila. Kaya parang sinaksak ang puso ko nang pigilan ako ng kakambal ko na umamin sa kaniya.

  "Tol, bata pa tayo. H'wag mo masyadong ituon ang pansin mo sa mga ganyang bagay. Sulitin natin ang panahon habang malaya pa tayong nakapaglalaro. Laro, tol. Laro. Aral. Gala. Barkada. Hindi pa tayo handa sa mga ganyan," mahabang litanya niya.

  Hindi ako makaimik. Ipinagduduldulan niya na sa mukha kong hindi ako dapat makaramdam ng ganito. Na hindi pa dapat ako pumasok sa sitwasyon na wala pa akong kaalam-alam. Pero matuturuan ko ba 'to? 'Tong puso ko?


                                                 




  "HUY! Tulala ka na naman diyan. Hahahaha..." Marcus snapped in front of my face.

  As usual, nasa kapehan na naman kami ni Aling Tinay. Kung hindi kasi ang kambal ko o si Jay ang kasama ko ay siya ang ka-kuwentuhan ko.

  "Nagkita kami ni Jay sa bayan kahapon. Do'n sa terminal. Pabalik na kasi siya sa siyudad. Hulaan mo kung ano pang nangyari..." Nakangising aso pa siya habang nakatingin sa akin.

  "Ulol! Hindi ako manghuhula, oy! Ang dami mong alam. Eh, kung sabihin mo na lang kaya agad, no?" supalpal ko sa kaniya.

  "Nakasabayan niya si Angel pasakay sa bus. Ayon. Nakita niya kami... Buti nga pinansin kami eh. Akala ko ii-snob-in niya lang kami."

  I don't know what to react. Ano ba dapat ang mararamdaman ko? Matuwa? Mainis? Masaktan? Tsk!

"O... Nanahimik ka bigla. Don't tell me... You're still not over her? Dude! It's been ages since bastedin ka niya." Tinignan ko siya ng masama. Mapang-asar talaga kahit kailan.

  Napahalakhak siya dahil sa reaksiyon ko saka umiling-iling. Napatitig na lang ako sa kape kong bahagya nang nanlalamig. Kasabay no'n ay ang pagbalik ng mga alaala ko kasama si Angel.



                                                 





  "NASAAN si Jay? 'Di ba siya sasabay sa 'tin pauwi?" maang kong tanong sa kakambal ko nang mapansing kami na lang nina Marcus, Ian at ng kakambal ko ang nasa loob ng classroom.

  Napansin ko ang pagtitinginan nila habang inililigpit ang kanilang mga gamit.

  "Ah, ano... Oo, hindi raw siya sasabay sa atin pauwi," si Gabby ang sumagot.

  "Bakit daw?"

  "Ihahatid niya raw si Ange—" Hindi na natapos ni Ian ang kaniyang sasabihin nang sabay siyang dinaluhan nina Gab at Marcus saka mabilis na tinakpan ang bibig niya.

  Muling bumaba ang tingin ko sa mga kwadernong isisilid ko sa aking bag. Desidido pala talaga si Jay na ligawan si Angel. Tipid akong ngumiti upang itago ang nararamdaman ko.








  "TOL."

   Inakbayan ako ni Gab habang naglalakad kami pauwi. Iba ang daanan papunta kina Ian at ang kina Marcus naman ay nadaanan na namin kaya kaming dalawa na lang ang magkasabay.

  "O, bakit?" pasimple kong tanong. Alam ko na kung saan papunta itong usapan namin at masuwerte ako dahil nandiyan siya upang damayan ako. 

  "Simula no'ng unang lipat dito ni Angel, alam ko nang may gusto ka sa kaniya. 'Yon nga lang, torpe ka," pang-aasar niya.

  Kumalas ako sa pagkaka-akbay niya saka siya binatukan.  "Loko! Ano'ng torpe ka diyan."

  "Kung nauna ka lang sanang magpahayag ng damdamin sa kaniya, e 'di sana... Dumistansiya na sa kaniya si Jay. Ikaw kasi, e. Para kang pagong!"

  Totoo naman ang mga sinabi niya. Wala nga yatang kaalam-alam si Jay na may gusto ako kay Angel dahil sinasarili ko lang naman ito. Hindi ko naman inamin sa kanila kaya malamang ay akala niyang inaasar lang ako nina Marcus kay Angel. Sa aming lima, si Jay at si Ian lang ang walang alam tungkol sa totoo kong nararamdaman kaya wala rin akong ibang masisisi kundi ang sarili ko.

  'Bakit kasi ang bagal mo?' kastigo sa 'kin ng isip ko.

 







  "JAY!"

  Napalingon ako sa gawi na tinitignan ni Gab nang tawagin ni Marcus si Jay isang umaga habang papunta kami sa eskwelahan.

  Kumaway naman ang huli. Isang malaking ngiti ang nakapinta sa mga labi niya. Natuon ang atensiyon ko sa babaeng nasa kanang gilid niya — si Angel.

  Parang nilamukos ang puso ko nang makita ko silang magkasama. Napakahapdi. Ganito pala ang pakiramdam na may magustuhan. Masakit kapag nakikita mo siyang may kasamang iba... At mas lalo na kapag alam mong malabo ka nang magkaroon ng pag-asa sa kaniya.

  Lumapit sa amin ang dalawa. Walang mababasang ekspresiyon sa mukha ni Angel kaya hindi ko na sinubukan pang batiin siya. Inunahan na 'ko ng kaba na baka hindi niya rin lang ako pansinin.

  "Ayos ah. Totoo na ba 'yan, tol?" nakangiting tanong ni Marcus kay Jay.

  Napakamot lang siya ng ulo, marahil ay nag-iisip ng isasagot. Itinuon ko na lang ang aking pansin sa kalsada. Nanlalamig na ang mga kamay ko sa hindi ko malamang dahilan. Nagseselos ba 'ko? Ito na ba 'yon? Sa aking muling pagtingin sa gawi nila ay do'n ko lang napansin na si Jay ang may bitbit sa bag at mga libro ni Angel.

  'Ako sana 'yon!' pagsusumigaw ng tinig sa loob ko.

  Nakakapanlumong hindi ko man lang magawang umamin sa babaeng gusto ko. Ano nga ba ang mas matimbang? Pagmamahal sa isang babae? O pagmamahal sa isang kaibigan? Ayaw kong mamili... Dahil malinaw na malinaw sa akin kung sino ang pipiliin ko.

  "Tol, gala tayo mamayang uwian."

  "Ulol! Papasok pa nga lang tayo, uwian na kaagad ang iniisip mo." Napatawa na lang si Gab sa isinagot ko. Alam kong nililibang niya lang ako dahil napansin niya ang pananahimik ko — bagay na ginagawa ko lang kapag nasasaktan o nagagalit ako.

  "Babae lang 'yan," bulong ni Gab sa 'kin. Napailing na lamang ako sa tinuran niya.

  "Hindi. Hindi siya babae lang," bulong ko pabalik na alam kong sarili ko lang ang makaririnig.

  Inunahan ko na lang sila sa paglalakad. Ang sakit kasi sa mata kapag nakikita ko silang dalawa.

"Akin na 'yong bag ko. Mauuna na 'ko papasok," rinig kong sabi ni Angel kay Jay nang malapit na kami sa gate.

Wala naman akong iba pang narinig. Nakita ko na lamang si Angel na nilampasan ako at nauna nang maglakad papasok sa eskwelahan.

  Hindi ko maiwasang mapatitig sa kaniya. Para bang na-magnet na ang mata ko at nalaman ko na lang na nakasunod na pala ako sa kaniya.

  Marahil ay napansin niya ang pagsunod ko kaya agad siyang tumigil at lumingon sa 'kin kaya napatigil rin ako. Hindi ko inaasahan ang mga sumunod pang pangyayari. Lumapit siya sa kinatatayuan ko saka ako hinawakan sa kamay saka nagsimulang maglakad.

  Napasulyap ako sa magkasalikop naming mga palad. Tila may kung ano sa tiyan ko na lumilipad. Nakakakiliti. Pasimple akong napangiti.

  Ito na ba ang tinatawag nilang pagmamahal?

 

ALWAYS YOUWhere stories live. Discover now