Hindi sapat ang mga salitang "walang kasiguraduhan" at "mahirap" para ilarawan ni Aurea ang kaniyang nararamdaman sa mga sandaling ito.
Alam niyang darating ang araw na siya ay magkakaroon ng anak ngunit hindi sa ganitong pagkakataon.
Siya ay nasa wastong gulang na para magdalang tao ngunit hindi pa rin siya handa sa panibagong kabanata ng kaniyang buhay.
Bakit ngayon pa kung kailang hiwalay na sila ng kaniyang kasintahan na si Pierre Guzman?
Napailing siya sa kaniyang isipan habang haplos-haplos ang tiyan. Mabuti nga sana kung si Pierre ang ama nitong dinadala niya. Baka sakaling magkaroon pa ng pag-asang ito ay muling bumalik sa kaniya.
Pero dahil sa kagagahan at pagiging makamundo niya noong gabing iyon, hindi niya naisip na posibleng magbunga ang pagkakamaling nagawa niya.
"Ano'ng plano mong gawin ngayon? Nakausap mo na ba ang tatay niyan? Ano'ng sasabihin mo kay Tita at sa Kuya mo?" sunod-sunod na tanong ng kaibigan niyang si Phoebe Anne Benitez.
Wala naman siyang ibang masasabihan ngayon dahil hindi naman siya close sa ibang mga kamag-anak. Kakaunti lang din ang masasabi niyang totoong kaibigan. Hindi rin naman siya sanay na ipagkalandakan ang lahat ng nangyayari sa buhay niya.
Mas kaunting salita, mas kaunti ang kumplikasyon sa mundo.
"Hindi ko pa alam. Ayaw ko muna sanang mag-isip. Hindi ko rin naman maitatago kina Mama 'to."
Napabuntong-hininga na lamang siya dahil wala na ngang direksyon ang kaniyang buhay, dumagdag pa itong sitwasyon niya.
Alam niyang isa itong malaking biyaya pero para sa kaniyang walang matinong trabaho at puro raket lang, hindi magandang timing ang magkaroon ng anak.
Hindi rin niya alam kung paano niya sasabihin sa ama ng kaniyang dinadala ang balitang ito. Isang gabi lang naman kasi iyon. Isang gabi lang pero naglakbay agad ang mga mumunting elemento mula sa punongkahoy ng lalaking nakasiping niya.
Elemento talaga, pag-irap niya sa kaniyang isipan.
"Kasi naman, friend! Alam kong kulang ka na sa dilig, pero sana naman kung magpapabuntis ka na lang din naman, doon na lang sana kay Pierre noon!" eksaheradong wika ng kaibigan sa kaniya.
Napangiwi na lamang siya nang marinig iyon. Ganoon din naman ang naisip niya pero wala nang magagawa dahil baliktarin man ang ikot ng mundo, iniwan na siya ng dating nobyo at heto siya ngayon—magkakaanak sa taong hindi man lang niya talagang kilala at mahal.
"Iniwan na nga ako, 'di ba? Ang gaga ko naman kung nagpabuntis pa ako sa kaniya," katuwiran niya.
Umalis ng bansa si Pierre para mabigyan siya ng magandang kinabukasan balang araw, pero ikalawang buwan pa lang na pamamalagi sa Singapore ay bigla na lamang itong nakipaghiwalay sa kaniya.
Hindi man lang sa personal nakipaghiwalay ang lalaki kung 'di sa chat lamang. At wala ring konkretong rason kung bakit biglaan ang desisyon nitong makipagkalas.
Sino nga namang hindi masasaktan sa ganoon?
"Bakit, hindi ba't gaga rin ang tawag sa 'yo ngayon?"
Natumbok ng kaibigan ang katotohanan.
Sang-ayon naman siya roon. Hindi hamak na mas gaga ang maitatawag sa kaniya ngayon. Wala na ngang nobyo, disgrasyada pa sa iba. Napakamalas ngang maituturing ang buhay niya ngayon.
"Joke lang! Ito naman, pinagagaan ko lang naman iyang mood mo. Papangit 'yang anak mo kapag lagi kang nakasimangot, Au!" paliwanag nito.
"Wow, thank you naman sa pagpapagaan ng loob ko, ha? Ang laking tulong."