"Mommy! Si Oreo tumae! Matagal ka pa ba riyan?" sigaw ni Devin mula sa kabilang kuwarto habang siya ay naglalabas ng sama ng loob sa kanilang banyo. "Shet na malagkit! Ang baho naman nito, 'nak! Manang-mana ka talaga sa ina mo!"
Natawa na rin siya dahil rinig niya ang mga pinagsasasabi nito sa kanilang anak.
Isang taon matapos silang ikasal ay muli silang nabiyayaan ng supling.
Akala nga niya'y matatagalan pa bago siya maging handa ulit, ngunit sa tuwing nakikita niya ang mister na nakikipaglaro at nakikipag-usap sa mga batang nakikita nito kung saan-saan, mas naisip niyang nararapat lang na subukan nila muling magkaanak.
At talaga namang ipinagkaloob sa kanila ng Diyos iyon dahil nandito na ngayon ang kanilang napakalusog na baby boy na si Oreo.
Hinayaan niyang si Devin ang magbigay ng kakaibang pangalan dito dahil sa kagustuhan nitong maging katunog 'yon no'ng kaniya.
Aurea raw kasi ang pangalan niya, kaya Oreo naman daw ang kanilang anak.
Taba ng utak, hindi ba?
Wala naman siyang nagawa dahil na-cute-an din siya roon. Sana lang ay hindi ito ma-bully paglaki dahil kapangalan pa ng biskwit ang unico hijo nila.
Kunsabagay, mas ayos na 'yong unique kaysa masyado nang pangkaraniwan.
Hindi na nga nila naisipang bigyan pa ng second name dahil ayaw nila itong mahirapang magsulat ng pangalan kapag pumapasok na ito sa eskuwelahan.
Nag-uumapaw ang galak sa kanilang mga puso simula noong dumating si Oreo sa buhay nila.
'yong sakit na naramdaman nila nang mawala ang unang anak ay naibsan kahit papaano nang makita't mahawakan ang panibagong anghel.
Iba pala talaga ang pakiramdam ng may anak at ngayon lang nila napapatunayan 'yon.
Lahat ng pagod, hirap, sakit at puyat ay nababalewala kapag nakikita nila ang maamong mukha nito.
Panalangin niya'y maging maamo pa rin hanggang paglaki dahil kahit apat na buwan pa lang si Oreo, kitang-kita na niya agad ang pagkakahawig nito sa ama.
Sobrang puti ng kulay ng balat nito, mapula rin ang mga maninipis na labi, maliit at matangos ang ilong, bagsak din ang manipis nitong buhok, bilugan at pinkish ang mga pisngi nito lalo na kapag mainit ang panahon, hindi rin kalakihan ang mga mata't nakuha ang hugis no'ng sa tatay, mahahaba rin ang mga biyas kumpara sa ibang four-month-old babies at ang mas nagpa-cute pa rito ay ang maliit na balat nito sa puwet.
Napaglihian niya yata masyado ang asawa noon. Wala nga lang balat sa puwet si Devin.
Natatandaan pa niya kung paano umiyak si Devin pagkapanganak niya. Iyon ang pangalawang pagkakataon na nakita niyang humagulgol ang asawa sa kaniyang harapan.
Dumoble pa noong nakita na nito ang kanilang sanggol. Dinaig pa nga siya nito sa pag-iyak.
Doon niya talaga nasabi sa sariling nakatagpo siya ng isang napakabuting lalaki. At hindi ito tumitigil sa pagpapatunay no'n hanggang ngayon.
May pagkakataon mang nawawalan sila ng oras sa bawat isa dahil sa trabaho at iba pang gawain, sinisiguro naman nitong sapat ang ibinibigay na atensyon sa kanilang baby.
Kagaya ngayon, katatapos lang ng kaniyang shift sa trabaho kung kaya't ito ang nagbabantay kay Oreo.
Ipinagpaliban muna nito ang pagpunta sa talyer dahil gusto raw nitong magpakadakilang ama sa anak.
Natutuwa naman siyang makita ang soft side ng lalaki lalo na kapag pinapatahan nito ang baby sa tuwing ito ay umiiyak.
Marunong din naman palang mag-baby talk ang damuho, isip niya.