TAMIS 35

6.7K 383 252
                                    

"Hayop sa attire, boy! Mukha kang miyembro ng sindikato sa ibang bansa, ah?" pang-aalaska ni Yuan Del Castillo habang nakatingin kay Devin.

Nakipag-apir pa 'yon kay William Angeles na kasalukuyang nakaupo sa mahabang couch ng kanilang hotel room.

"May pa-brush up sa buhok pa ang puge! Kung ganiyan ba naman ang isinuot mo noon sa kasal ninyo, baka na-in lab agad sa 'yo si Au!"

Napangisi siya habang nakatingin sa malaking salamin.

Hindi naman siya sanay sa ganitong pormahan pero dahil mahalaga ang araw na ito para sa kanila ay hindi na siya papayag na magmukha siyang mag-a-apply na naman bilang empleyado sa isang kumpanya.

"Bumagay din naman 'yang kulay abo mong buhok sa suot mo. Sabi ko sa 'yo, eh. Aayaw-ayaw ka pa noong una, ha?" Si William naman ang nagsalita.

Ito kasi ang nagbigay ng suhestiyon sa kaniya para ibahin ang kulay ng buhok para lutang na lutang nga naman siya sa buong simbahan.

Ayaw naman niya talaga dahil sanay siya sa natural na kulay ng kaniyang buhok na medyo nagiging kulay brown kapag nasisinagan ng araw.

Dahil mapilit talaga ang kaibigan ay napapayag na rin siya.

Siguradong mabibigla si Aurea kapag nakita siya nito mamaya.

Hindi pa kasi sila nagkikita't nagkakasama ulit simula kagabi dahil sabi ng Mama nito'y bawal daw magkita ang bride at groom isang araw bago ito ikasal.

Umapela pa nga sila dahil mag-asawa na naman talaga sila pero wala naman silang nagawa kung 'di sumunod na lamang sa pamahiin kahit hindi naman sila naniniwala sa ganoon.

Humarap siya sa mga ito bago nagpunas ng noo. Ang lamig-lamig naman sa loob ng kuwarto pero may butil-butil ng pawis na namumuo roon.

"Gago, natatae na naman ako," reklamo niya sa mga kaibigan.

Tumawa sina William at Yuan. Nakadalawang balik na siya sa banyo kanina bago magbihis, tapos kung kailang maayos na ang kaniyang itsura ngayon ay saka pa niya ito naramdaman ulit.

Ganito na kasi siya kanina pa pagkakain ng almusal. Hindi niya alam kung sinama lang talaga ang kaniyang tiyan sa kinaing shrimp pasta at orange juice o talagang kinakabahan lang siya.

"Tangina, kabado 'to," malutong na mura ni William. "Bakit hindi ka naman ganito noong unang kasal ninyo? Ah, alam ko na kung bakit. Hindi ka kasi sanay pumasok sa loob ng simbahan at baka malusaw ka pagtungtong pa lang doon."

Tinaasan niya ito ng gitnang daliri, "Damay-damay na 'to. Pare-pareho tayong masusunog doon mamaya."

Wala namang ibang nagawa ang dalawa kung 'di tumawa at mamburaot bago siya muling pumasok sa loob ng banyo.

Habang nakaupo siya sa trono ay hindi niya maiwasang isipin kung ano'ng itsura ng misis niya sa mga sandaling ito.

Malamang katulad niya ay nakabihis na rin ito.

Nakita na naman niya noong isang linggo ang susuotin nitong lace gown pero bawal naman daw isukat 'yon kaya pinagana na lamang niya ang kaniyang imahinasyon.

Kung dati'y puting bestida lang ang suot nito, ngayon ay gown na talaga. May belo pa siyang iaangat mamaya kapag hahalikan na niya ito.

Malaki ang pasasalamat niya kay William dahil ilan sa mga kakilala nito ang naging wedding planner at event organizer nila ni Aurea.

Labag man sa kaniyang kalooban ay ito ang napili niyang gawing best man dahil bukod sa nauna niyang maging katropa ito kaysa kay Yuan, ito rin naman ang tumutulong sa kaniya sa mga maliliit na bagay noon.

Pagsinta (Unang Tamis)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon