TAMIS 4

7K 475 345
                                    

"Boss! Ang aga natin ngayon, ah?" mapang-asar na sigaw ng isang mekaniko nang makitang kararating lang nina Devin at Aurea sa talyer. Nagpunas pa ito ng kamay sa damit bago lumapit sa dalawa.

"Magandang hapon po, Ma'am. Ako nga pala si Paslo. Kanang-kamay ni boss dito."

"Ay, magandang hapon din po. Ako po si Aurea. Au na lang."

Ilalahad na niya sana ang kamay nang biglang tanggihan iyon ni Paslo dahil nakahihiya naman daw madungisan ang isang magandang dilag na katulad niya.

Napangiti na lamang siya sa sinabi nito bago tumingin kay Devin na parang nahihiya sa sarili ngayon.

"Kuya, huwag mo naman akong tawaging "boss" sa harapan ni Au. Baka isipin nito ang yabang-yabang ko," sabi nito, kakamot-kamot ng ulo.

Kumuha ito ng isang upuan at doon siya pinaupo.

Nanlaki naman ang kaniyang mga mata nang makitang naghubad si Devin ng suot nitong shirt bago nagsimulang ayusin ang mga kalat sa paligid.

Muli itong tumingin sa kaniya at sumenyas kung ayos lang ba siya. Ngumiti naman siya bilang tugon.

"Nako, Ma'am. Napaka-hambol lang talaga n'yang si Ser. Malaki ang utang na loob namin ni misis sa pamilya nila. Kung hindi ako rito nagtrabaho, baka wala rin akong mapakaing matino sa mag-iina ko," pagkukuwento nito.

Marami pang sinabi si Paslo sa kaniya at doon niya unti-unting nakikilala ang pagkatao ni Devin. Mukha lang itong mayabang, presko at maligalig pero mabuti naman pala ang pakikitungo nito sa kapwa.

Nagsidatingan din ang iba pang tauhan sa talyer na abala ngayon sa pagkukumpuni ng makina ng isang sasakyan. Habang siya'y naroon lamang para pagmasdan, obserbahan at tingnan kung paano kumilos ang mga tao roon.

Paminsan-minsa'y kinukumusta siya at binibigyan ng tubig o pagkain ni Devin pati ng mga tauhan nito. Humihingi rin ito ng pasensya sa kaniya dahil marami itong ginagawa.

Ayos lang naman sa kaniya dahil hindi naman siya nakararamdam ng pagkabagot o pagkainip.

Sa katunayan ay natutuwa pa nga siyang pakinggan ang usapan ng mga kalalakihan. Likas ang pagiging maloko ng mga ito na para bang walang pinoproblema sa buhay. Isinasali pa nga siya sa kuwentuhan minsan.

Komportable naman siya, puwera na lang sa mga sandaling nahuhuli niya ang pasulyap-sulyap sa kaniya ng "bossing" ng talyer.

Sino ba naman ang hindi maiilang sa ganoong klaseng tingin? katuwiran niya.

Minabuti muna niya ang mag-browse sa Facebook at Instagram account niya habang hinihintay lumipas ang oras.

Nangako kasi si Devin na sabay silang maghahapunan bago siya ihatid sa lugar nila.

Napaangat lamang siya ng tingin nang marinig niya itong may kausap sa cellphone.

"Pass muna ako, ha? Daddy duties muna ako. Gago, daddy muna siyempre. Hindi nga ako puwede. Oo nga kasi. Kahit worth payb kiyaw pa 'yang libre mo sa akin at kahit tumalon ka pa sa building, pass muna ako. Sige. Sige na. Oo nga. 'ge."

"Boss, iba na talaga pag bumubuo na ng pamilya, ano?" mapanudyong sabi ng isang mekanikong nagngangalang Ronald.

Ngumiti naman si Devin na para bang sumasang-ayon sa sinabi nito.

Pamilya. Ang sarap pakinggan.

Muli siyang napaisip kung seryoso nga ang tungkol sa pagpapakasal nila.

Nabanggit nito kaninang mas mainam na maikasal sila bago pa lumaki ang kaniyang tiyan para makaiwas din sa isyu lalo na sa kaniyang pamilya.

Sang-ayon din naman siya roon ngunit natatakot siya sa puwedeng kahantungan nito. Baka dumating kasi ang araw na pagsisihan ng lalaki na sa kaniya ito nagpakasal.

Pagsinta (Unang Tamis)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon