"Bakit bigla kang napadpad dito? Ano'ng kailangan mo?" tanong ng ama ni Devin sa kaniya pagkarating niya sa bahay nito.
Inaasahan na niya ang ganitong reaksyon dahil hindi naman siya madalas mapadpad dito simula noong naghiwalay ang kaniyang mga magulang.
Paminsan-minsa'y nagkikita sila tuwing may okasyon o kung kinakailangan lalo na kapag usapang negosyo.
Nasanay na rin naman sila sa ganoong setup dahil may kaniya-kaniya na rin naman silang buhay.
"Bawal tumambay? Matagal na kitang hindi nakakainuman. Sawa na ako sa mga katropa ko kaya rito muna ako," sabi niya bago inilapag ang bote ng Chivas Regal sa mesa. May dala rin siyang inihaw na liempo para mayroon naman silang pulutan. "Ganda na rito, ah?"
Iginala pa niya ang kaniyang tingin sa bagong renovated nitong bahay.
"Bakit hindi mo isinama si Aurea rito?" tanong nito habang binubuksan ang bote. Umupo naman siya sa katabing silya at pinagmasdan ang mga koi fish sa pond. "May problema ba kayo?"
Napailing siya bago ngumisi.
"Kapag nandito ako, ibig sabihin may problema na't may kailangan ako sa 'yo?" Nagsalin muna siya ng whiskey sa shot glass bago iniabot 'yon sa kaniyang tatay. "Gusto ko lang magpasalamat sa inyo ni Mameh."
Uminom muna ito bago tumingin sa kaniya.
"Hindi ko pa Bertdey pero ganiyan ka na, ah?" natatawa nitong saad.
Kita mo nga naman, oh.
Kapag seryoso siya, madalas siyang binabara ng sariling ama. Kapag naman nagbibiro siya, saka naman nito sineseryoso.
Siya naman ang napainom.
"Marami lang din akong natutuhan sa inyong dalawa. Hindi lang sa diskarte sa buhay kung 'di sa buhay pag-aasawa."
Walang halong biro 'yon. Hindi man sila buo bilang pamilya, malaki naman ang pasasalamat niya dahil naging magulang niya ang mga ito.
Hindi lang halata dahil para lang siyang gagong makipag-usap pero sa loob-loob niya'y kulang na lang halikan niya ang mga paa pati na rin ang mga puwet nito.
"Mabuti naman kung ganoon. Alam naman namin ng Mommy mong may sarili kang pananaw at diskarte sa buhay. Alam din naming hindi mo gustong matulad sa aming dalawa pagdating sa bagay na 'yon. Nakikita naman namin 'yon."
Kumuha ito ng isang piraso liempo bago kumagat sa bahagi no'n.
"Hindi rin naming akalaing magtitino ka nang ganiyan sa asawa mo. Akalain mo nga namang umubra ka kay Aurea?" dagdag pa nito.
Tumaas ang sulok ng kaniyang labi.
"Ayos din pala 'yong magkaiba kami ng ugali at personalidad, 'no? Kumbaga langit ako, impyerno siya." Tumawa pa siya na para bang may nakatatawa sa sinabi niya bago muling uminom. "Wala, eh. Kay Au talaga ako nagkaganito. Lab na lab ko 'yong gagang 'yon, tsong."
Napatawa ito dahil sa sinabi niya, "Kaya naman pala binilhan mo ng kotse. Putres na 'yan, Devin. Sugar na sugar daddy lang?"
Sumubo siya ng liempo at tinapos muna ang pagnguya rito bago sumagot.
"Siyempre, ganoon talaga. Idol kaya kita!"
Minura siya nitong muli habang nakangiting umiiling-iling.
"Bortdi no'n bukas kaya pinaghandaan ko talaga. Isipin mo nga, kung magpapa-buffet ako, lugi ako kasi hindi naman ganoong katakaw 'yon. Malakas pa ngang kumain 'yong pusa namin kaysa sa kaniya tapos mga bisita lang ang mas mag-e-enjoy doon. Mukhang kumpleto na rin naman siya sa mga kailangan niyang gamit. Kung kotse, malaking tulong 'yon para sa kaniya lalo na kapag may sarili siyang lakad o kung kailangan niyang dumalaw sa Mama at Kuya niya. Ayaw kong pag-commute-in hangga't maaari, eh."