TAMIS 32

4.6K 338 123
                                    

Hindi maintindihan ni Aurea kung ano ang una niyang mararamdaman sa mga oras na ito. Nagtatalo ang mga emosyong kanina pa niyang pinipigilan habang nakatitig sa cellphone ni Devin.

Kaya siguro napapadalas ang pag-uwi nito ng gabi ay dahil may iba itong pinagkakaabalahan. Kaya siguro naka-vibrate lagi ang cellphone ay dahil may itinatago ito mula sa kaniya katulad no'ng nababasa niyang mensahe ngayon.

Hi, Babe. I miss you.

Paulit-ulit niyang binabasa ang text message mula sa unregistered number kahit alas tres na nang madaling-araw.

Naalimpungatan siya kanina para umihi at uminom ng tubig. Sakto namang nakita niyang umilaw ang screen ng cellphone ng asawa.

Hindi naman niya gawaing i-check 'yon puwera na lang may kailangan siyang kuhaning photos o 'di kaya naman kapag nakikisuyo itong reply-an ang mga nag-iinquire na customers. Minsan siya rin ang piname-message nito sa mga magulang at kaibigan nila.

Malaki kasi ang tiwala niya rito kung kaya't alam niyang wala siyang dapat ikabahala, pero sa mga sandaling 'to, nanginginig ang kaniyang kalamnan at halos gusto na niyang sumigaw sa payapang natutulog na asawa.

Kung kailang ilang araw na lang ay kaarawan na niya, saka pa niya kailangang mabisto ang ganitong bagay.

Paano nagagawang matulog nitong katabi niya kung may ginagawa itong kababalaghan?

Babe?

Gusto niyang matawa nang malakas dahil sa pagtawag ng kung sino mang babae rito sa kaniyang asawa nang ganoon.

Siya ang Misis, Mommy at Mahal.

Bali-baliktarin man ang mundo, siya ang pinakasalan ng lalaki kaya walang may karapatang tumawag dito ng Babe.

Tumulo ang mga luha niya habang nakatingin kay Devin.

Sino ang babaeng nakaagaw ng atensyon nitong taong pinagkakatiwalaan niya? Kailan pa siya nagagawang lokohin nito? Nagsawa na ba ito sa halos araw-araw nilang pagsasama? Hindi pa ba sapat ang mga ginagawa niya bilang asawa?

Maraming katanungang tumatakbo sa kaniyang isipan ngayon. Gusto na niya itong gisingin para komprontahin tungkol dito pero hindi niya magawa.

Mas mabuti ba ang magpanggap na lang siyang walang alam at obserbahan na lamang ang mga susunod nitong ikikilos?

Napapahid siya ng luha nang biglang gumalaw ang mister, tila naalimpungatan. Nahalata siguro nito ang pamumula ng kaniyang mga mata kaya dali-dali itong bumangon at hinawakan ang magkabila niyang braso.

"Au? Bakit ka umiiyak?"

Umiling siya. Para bang wala siyang lakas para makipag-usap dito ngayon.

Gusto niya sanang umalis pero wala naman siyang mapupuntahan. Ayaw naman niyang magsabi sa kaniyang magulang at mas lalong ayaw niyang malaman ng ibang kaibigan ang tungkol dito.

"Mommy? Tingnan mo ako. Ano'ng problema?" maamo nitong tanong. Hindi siya sumagot. "Naaalala mo ba si baby?"

Humarap siya rito. "Kailan pa, Devin?"

Nangunot ang noo nito.

"Kailan pa? Ang alin?" Umayos pa ito ng upo bago hinaplos ang kaniyang buhok. "Hindi ko ma-gets. Ano 'yong gusto mong sabihin?"

Iniabot niya rito ang cellphone nito para ipakita kung ano ang nabasa niya kanina.

"Kailan mo pa ako niloloko? Sino at saan mo nakilala 'yan? Kaya ba gabi-gabi ka na halos nakauuwi?"

Pagsinta (Unang Tamis)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon