Back to zero? Nah.
Negative pa yata sa negative ang naging estado nina Devin at Aurea ngayon. Sa kagustuhan ni Devin na makatabi sa pagtulog ang babae, ang ending niya ay pag-uwi sa sariling apartment.
Alam naman niyang wala siyang puwedeng gawing hindi magugustuhan ni Aurea at ng pamilya nito lalo na sa sarili nitong pamamahay.
Pero dahil lamang sa simple niyang paglalambing dito ay pinagsasampal siya ng maraming beses at napauwi nang wala sa oras.
Normal naman kasi sa kaniya ang maging touchy; akbay, hawak sa baywang, haplos sa braso, patong ng kamay sa hita at yakap lalo na kapag magkasama silang dalawa.
May oras na sinasadya niya, may oras din namang parang kusa na lang ang kaniyang mga kamay sa paggawa ng mga bagay na iyon.
Katuwiran niya'y nagkakasundo na rin naman sila at hinahayaan din naman siya minsan nitong gawin 'yon. Kaya noong inalok niya ito ng "Sleep with me", dalawa ang kahulugan n'on para sa kaniya.
Isang literal at isang tawag ng laman.
Masisisi ba siya? Ilang buwan na rin siyang walang ehersisyo at tanging kamay ang nagsisilbing sandigan niya sa mga panahong nangangailangan siya ng lambing.
Kanina kasi ay para itong batang nanghihingi ng atensyon sa kaniya bago ito magtungo sa kama. Nagpatapik pa na para bang hindi ito makatutulog kapag hindi niya ginawa 'yon.
Hindi maiwasang napahahawak siya nang matagal sa puwet nito dahil malambot ang pakiramdam n'on sa kaniyang palad.
Pero isa siyang mabuti't maginoong nilalang kaya inalis niya sa kaniyang isipan ang mga makamundong bagay dahil naroon siya para bantayan at alagaan ang buntis, hindi para manantsing.
Gahibla na lang ang kaniyang pagtitimpi nang mag-request pa ito ng yakap. Hindi lang basta cute na yakap kung 'di yakap na magkadikit talaga ang buong katawan, with matching pulupot pa ng mga binti.
Sino ba naman ang hindi tatablan ng init n'on?
Dahil komportable na nga sila sa ganoong posisyon, naging sobrang komportable na rin ang kaniyang mga kamay sa paglalakbay sa ibang bahagi ng parte ng katawan nito.
Sinimulan niya sa kaunting paghimas sa likod, papunta sa gilid ng tiyan, patungo sa pang-upo nito hanggang sa marating ang mga hita.
Wala namang senyales ng pagrereklamo kaya ipinagpatuloy niya lang ang kaniyang ginagawa. Sinabayan na rin niya nang pag-amoy sa buhok, paghalik sa noo, sa gilid ng pisngi, sa tungki ng ilong hanggang sa nagkatitigan na lamang silang dalawa.
Mas inilapit pa niya ang kaniyang mukha para maabot ang labi nito nang bigla siya nitong sinampal ng tatlong beses at itinulak na para bang ang laki ng nagawa niyang kasalanan.
Dahil takot sigurong magising ang kapatid at nanay na nasa mga kalapit kuwarto lamang ay halos pabulong lang nito sinabing, "Huwag na huwag mo akong lalapitan! Dinadaan mo ako sa paganiyan-ganiyan mo pero sex lang naman talaga ang habol mo!"
Natural lang sa kaniya ang magulat sa inasta ni Aurea. Kita niya sa ekspresiyon ng mukha nito ang galit at pangamba. Hindi niya tuloy alam ang uunahin—ang humingi ng paumanhin o ang ipagtanggol ang sarili.
Kung labag pala sa loob ni Aurea ang mga ginagawa niya kanina, sana umpisa pa lang ay hindi na ito pumayag na mapadikit sa kaniya. Wala na sanang tapikan at yakapang nangyari.
Sana sinabihan na lamang siya nito nang maayos. Hindi naman kailangang daanin lagi sa pananakit o pagsusungit. Marunong naman siyang makinig.
Marunong naman siyang umintindi.