TAMIS 6

6K 438 333
                                    

Handa na si Aurea sa mahaba-habang balitaktakan nang siya ay humarap sa kaniyang nanay at kapatid ngunit kabaliktaran sa kaniyang inaasahan ay naging malumanay ito sa pakikipag-usap.

Hindi niya inaakalang magiging kalmado ang nanay niya nang malamang siya ay nagdadalang tao. Nag-empake na nga siya ng kaniyang mga gamit kagabi para kung sakaling palayasin siya nito'y hindi na siya mahihirapan sa pag-aayos ng mga ito.

"Kailan mo dadalhin ang tatay niyan dito?" tanong ng kaniyang kapatid.

Tulad ng ina ay naging mahinahon din ito sa pananalita ngunit halata sa reaksyon nito ang pagtitimpi.

"Gusto niya sana last week pa, kaso hindi ko pa nasasabi sa inyo kaya hindi ko muna siya pinapupunta rito," mahina niyang tugon.

Kung alam lang sana niyang hindi siya itatakwil ng pamilya, sana noong una pa lang ay hinayaan na niya si Devin na magpakilala rito.

"May maayos bang trabaho? Ano'ng plano n'on sa inyo? Susustentuhan ba kayo?" sunod-sunod na tanong ng kanilang ina.

Kanina lang ay umiiyak ito sa kaniyang harapan. Ngayong nahimasmasan na ay naging interesado na bigla sa lalaking nakabuntis sa kaniya.

"Wala bang girlfriend 'yon, Rea? Baka maging sakit sa ulo lang 'yan. Hindi siya pupuwede sa akin kapag walang magandang plano 'yang lalaki na 'yan. Sinasabi ko sa 'yo."

Sinagot niya nang maayos ang mga katanungan nito. Kakaunti pa lang naman ang alam niyang detalye tungkol kay Devin. Basta alam niyang may sarili itong talyer na dating pinamumunuan ng ama nito. May mga raket din ito para may extra source of income.

At base sa mga kuwento nito sa kaniya'y wala naman itong nobya at mas lalong walang asawa. Kung mayro'n naman ay sasabihin daw nito sa kaniya.

"Pakakasalan niya raw ako," nahihiya niyang sambit habang hindi makatingin nang diretso sa ina.

Ayaw niyang makita ang eksaheradong reaksyon nito, lalo na ng Kuya niya.

Hindi ba dapat mas matuwa pa ang mga ito dahil handa naman pala siyang pakasalan ng lalaki?

"Kasal agad? O, eh kapag nagkagusto sa ibang babae 'yon, ano'ng mangyayari sa 'yo? Magastos 'yang annulment na 'yan, Rea," negatibong komento ng ina.

Napainom pa ito ng tubig bago muling tumingin sa kaniya.

"Kikilalanin ko muna 'yang tarantadong nang-ano sa 'yo. Basta-basta ang mga desisyon, ayaw munang mag-isip nang maige."

"Ma, hayaan ninyo. Mas mabuti 'yon kaysa takasan itong kapatid ko. 'yong iba nga riyan, live-in lang, wala nang kasal kasal. Kapag kasal na sila at nagloko 'yong hayop na 'yon, puwedeng kasuhan nitong si Rea," pagbibigay opinyon naman ng kaniyang kapatid.

Masyadong adbans mag-isip ang kaniyang Mama at Kuya. Hindi pa nga nila napagpaplanuhan ni Devin kung saan at paano sila ikakasal, annulment at kaso na agad ang naiisip ng mga ito.

Ang mahalaga lamang sa kaniya ngayon ay ang kasalukuyan, hindi muna ang hinaharap.

Darating din naman sila roon. At kung sakaling magkaroon sila nang malaking problema ng lalaki, saka na niya iisipin ang dapat gawin.

Sakto namang tumunog ang kaniyang cellphone na nakapatong sa mesa. Napatingin doon ang kaniyang nanay at kapatid kaya agad niyang kinuha para i-reject ang tawag.

Sa dinami-rami namang oras para tumawag si Devin, ngayon pa.

"Iyan ba 'yong lalaki? Sagutin mo. Loudspeaker mo nang marinig ko kung ano'ng sasabihin," paghahamon ng ina.

Pagsinta (Unang Tamis)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon