"Ano bang tinitingnan mo jan? Halika na nga, marami pa tayong aayusin." Sabi ni papa. Akala ko kung ano na. Muli kong tiningnan ang loob ng kotse pero wala na akong nakitang babae. Marahil ay guni-guni ko lang yun. Masyado na ata akong nag-iisip.
Hapon na ng matapos kami sa pag-aayos ng sasakyan. Tiningnan ko ang orasan at 11:45 a.m. na pala. Kasalukuyan kaming nakasakay sa sasakyan pauwi sa bahay.
Napansin kong kanina pa kami nakasakay dito pero hindi pa kami dumarating. Tiningnan ko ang oras sa cellphone ko at napansin kong 11:45 a.m. parin. Seryoso? Eh kanina pa nga kami paikot ikot dito eh. Pagtingin ko sa signal bar ay empty. Walang signal?
"Pa, mukhang kanina pa tayo pabalik-balik. Hindi mo ba napapansin?" Tinanong ko siya. "Ihanda mo ang armas." Tanging sabi niya na sinunod ko naman.
Pinagpapawisan na ako ng malamig. Dahil hanggang ngayon ay iniisip ko parin ang babaeng nakita ko dito sa loob kanina. Nakakatakot ang mukha niya at walang sinuman ang gugustuhing makita siya.
Tumingin ako sa salamin dito sa front seat para tingnan ang nasa likod. Ganon na lamang ang takot ko dahil muli ay nakita ko na naman ang babae kanina. Andito siya at kasama namin siya kanina pa lang. Hinawakan ko ng mabuti ang hawak kong baril. Ganon na lamang ang pagtayo ng mga balahibo ko sa katawan ng may marinig akong bumulong sa tenga ko, "Hinding hindi na kayo makakaalis dito. Hinding hindi niyo ako matatakasan. Hahaha!"
_________________________________________
Elsa's POV
"Rae, kunin mo nga yung duplicate ng mga susi para mabuksan na tong pinto ni Jho." Utos ko kay Rae na agad naman niya sinunod. Alasingko na ng hapon. Naiintindihan ko naman si Joe eh. Pero sumusobra na siya. Kanina ko pa siya tinatawag para makapag-hapunan na siya pero ayaw akong pagbuksan ng pinto. Nag-aalala na ako. Pati sina Marko na hanggang ngayon ay hindi pa dumarating. Inisip ko na lamang na inaayos parin nila ang kotse para hindi ako masyadong nag-aalala.
Muli kong sinubukang buksan ang door knob at nagbabasakaling mabuksan ito. Pero nagulat ako dahil bago ko pa man mahawakan ang door knob ay nagbukas na ito.
Kahit naguguluhan ay pumasok narin ako. Agad hinanap ng mata ko si Joe pero walang Joe ang nagpakita sakin. Naagaw ng pinto ang atensyon ko ng bigla itong sumara at naglikha ito ng ingay.
Agad ako tumakbo sa pinto para buksan ito pero hindi ito mabuksan. Nagsisigaw ako habang tinatawag si Rae pero nabigo lamang ako dahil walang sumagot. Walang nakarinig. Nangamba na ako. Kinukutuban na ako. Sisigaw sana ako ng biglang mamatay ang ilaw sa kwarto ni Joe. Kinapa ko ang switch para buksan ang ilaw pero palagay ko ay naputulan kami ng kuryente. Pero bakit? Kakalipat lang namin dito ah.
Naagaw ng isang bagay ang atensyon ko. Mula sa kadiliman na bumabalot sa loob ng kwarto, may nakita akong liwanag. Hinanap ko ang pinagmulan ng liwanag at napagtanto kong mula ito sa salamin. Salamin? Ngunit papaano?
Laking gulat ko na lamang ng may marinig akong boses na tumatawag sakin. Hinanap ko ang pinagmulan ng boses.
Ganon na lamang ang gulat ko ng makita ko si Joe sa loob ng salamin. "Anak?! " Naguguluhan ako pano nangyari yun. "Mama samahan mo ko dito, masaya dito." Nakangiting sabi ni Joe. "Anak pano ka nakapasok dyan? Lumabas ka diyan anak!" Natataranta na ako. Alam kong hindi siya ligtas. Diyos ko, ano bang nangyayari samin?
"Mama wag ka pong maniwala sakanya. Nagpapanggap lang po siya bilang ako. Tumakas na po kayo nina papa, uubusin niya tay-- Tulong! Tulong! Ma, umalis na kayo dit---" Sabi ni Joe pero pagtingin ko sa salamin ay wala na si Joe doon. "Anak? Asan ka na? Halika na, aalis na tayo dito!" Sigaw ko sa kawalan pero ganon na lamang ang kaba ko ng may bumulong sakin na boses babae, "Hindi kayo makakatakas. Hindi niyo ako matatakasan. Habang buhay na kayo dito. Hahaha!"
At namalayan ko na lang na nahimatay na lang ako.
Itutuloy...