PIGIL na pigil ni Aven ang luha ng mga sandaling iyon. Hindi siya makapaniwala na darating pa ang pagkakataon na iyon. Ang buong akala niya, kailan man ay hindi na magpapakita sa kanya si Mary Beth. Galit ang umahon sa kanyang damdamin ng makita ang babae sa unang pagkakataon makalipas ang limang taon. Bigla niyang naalala ang naging tagpo kanina matapos itong dumating doon sa Ji Hye International University.
Kasama si Karin, doon sila nag-usap sa likod na bahagi ng school kung saan walang ibang estudyante.
"Anong ginagawa mo dito?" galit na tanong niya.
"Gusto kong makilala ang anak ko, Aven."
Tumawa ng pagak ang binata.
"Limang taon, Mary Beth! Wala akong narinig na balita mula sa'yo! Sinabi mong babalik ka! Pero anong ginawa mo? Hindi ka na lang nagparamdam isang araw, kahit isang message wala akong natanggap sa'yo! Sabagay, ano pang aasahan ko? Pagkapanganak mo nga sa bata, ni hindi mo siya kinarga. Ganoon mo siya tinapon na parang basahan!" sumbat niya.
"Hindi mo alam ang totoong nangyari, kung bakit kailangan ko kayong iwan!"
"Sa tingin mo may pakialam pa ako sa sinasabing mong totoo? Buhay ng bata ang naging issue, Mary Beth. Buhay ng anak mo, ano pang valid reason ang kailangan mong gamitin?"
Napaiyak si Mary Beth.
"That is why I'm trying to reach you. Tinatawagan kita, pero hindi moa ko kinakausap ng maayos. Palagi kang nagagalit, ni hindi mo sinasagot mga messages at emails ko sa'yo. I'm sorry. Alam kong malaki ang kasalanan ko sa inyo, kaya nga bumalik ako para makilala ko siya," sagot nito.
"Hindi ko ipagkakait sa'yo ang anak ko. Kung gusto mo siyang makilala, pumunta ka sa bahay mamaya," pormal na sabi niya, saka agad na hinila si Karin palayo.
"Daddy, sino po siya?" inosenteng tanong ni Hani, sabay turo kay Mary Beth.
"Ah anak... siya ang..."
"Siya ang Tita Mary Beth mo, friend namin ni Daddy mo!" biglang sabad ni Karin.
Napalingon siya bigla sa dalaga, hindi inaasahan ni Aven na sasabihin nito iyon.
"Karin," ani Mary Beth.
Isang sulyap na may bahid ng galit ang pinukol nito sa huli. Pagkatapos ay isang pilit na ngiti ang sinalubong sa bata. Lumapit ito sa kanilang mag-ama.
"Anong ginagawa mo?" pabulong at naguguluhan na tanong niya sa dalaga.
Hindi naman siya pinansin nito, sa halip ay hinawakan si Hani sa kamay pagkatapos ay kinarga ito.
"Say hi to her," sabi ni Karin sa bata.
"Hi Hani, I'm your Mo—"
"Tita," mariin pagtatama ni Karin.
"I'm your Tita Mary Beth, nice to meet you," nangingilid ang luha na pagpapakilala ng babae.
Nang lumapit ang dalawa sa dating nobya, biglang tumalikod si Hani kay Mary Beth at yumakap kay Karin.
"Mommy, I'm shy."
Nakita ni Aven kung paano gumuhit ang sakit sa mga mata ng babae matapos marinig ang huling sinabi ng anak. Hindi magawang itanggi ng binata ang nakikita at nararamdaman niyang sinseridad ng emosyon na pinapakita ni Mary Beth. Ang kaharap niya ngayon ay malayo sa dating babaeng nakilala niya. Puno ng tapang, umaapaw ang self-confidence, matigas ang puso at matayog ang ambisyon. Ngayon, ang nakikita niya ay isang babaeng gustong maging ina at nagpapakumbaba.
BINABASA MO ANG
Love Confessions Society Series Book 8: Lavender Cruz (Tanangco Boys Batch 2)
Romance"You fill that empty spot in our lives, you complete me, and I can't help myself but to fall in love with you." Teaser: A Substitute Mother's Confession Five years ago, I was only seventeen years old who suddenly became a substitute Mother to a cut...