Chapter 1: Attacked
NAKATUTOK AKO ng tanaw sa palabas ng telebisyon noong may biglang mambatok sa akin. Inis kong nilingon ang gumawa n'on at nakita ko ang pangit na mukha ni Cheska.
"Ano ba?!" Sigaw ko sa kaniya. Tinaasan niya lang ako ng kilay niya at sumilip sa tinitignan kong telebisyon.
"Hugasan mo na 'yong plato, senyorita. Nanunuod ka pa niyan. Pambata naman iyan eh." Walang ganang sambit niya sa akin. Hindi naman ako makapaniwala at nanlaki ang mga mata.
"Hoy! Hindi pambata ang palabas na 'yan! At saka, excuse me?! Ako ang maghuhugas?!" Hindi makapaniwalang bulalas ko. Muli, ay tinaasan na naman ako ng kilay ni Cheska.
"Ako nagluto, ako ang naglagay ng mga kubyertos, naghain ng makakain, naglagay ng tubig at ang naglagay ng mga pinagkainan sa lababo. Ikaw ang maghugas, maglinis sa lamesa, mag-refill sa pitsel ng tubig, magwalis ng sahig at iba pang gawaing kusina." Walang ganang sambit nito bago ako tinulak mula sa pagkaka-upo at inupuan ang inupuan ko kanina.
"Aw!" Daing ko dahil tumama ang pwet ko sa matigas na semento. Sinamaan ko na lamang ng tingin si Cheska, na inililipat na sa ibang channel ang palabas, bago tumayo at padabog na pumunta sa kusina.
Kahit makipagtalo ako ay wala na akong magagawa. Siya pa rin ang mananalo at baka kapag nakipagtalo pa ako ay mauuwi na naman ito sa tampuhan. 'Medyo' matampuhin kasi siya. Medyo lang, as in (note the sarcasm). Nagsimula na lamang ako sa mga gawaing-kusina.
Pero kahit 'medyo' matampuhin iyan, mahal ko naman siya. Masasabing sobrang close namin sa isa't-isa. Si Cheska ang parang tumayong kapatid ko magmula noong matagpuan niya ako na walang malay sa harapan ng bahay niya. Hindi ko matandaan kung bakit nasa harap ako ng bahay niya, dahil wala naman talaga akong maalala sa nakaraan ko.
Mag-isa na lamang siya sa buhay magmula noong bata pa lamang siya dahil pumanaw na ang kaniyang mga magulang. Binuhay lang daw siya ng kaniyang tiyahin na walang asawa't anak at pinag-aral. Noong matapos na siyang mag-aral ay nag-iba na rin siya ng bahay at nagsimulang mabuhay mag-isa. Bente-dos anyos na siya noong matagpuan niya raw akong walang malay sa harap mismo ng bahay niya. Wala naman raw akong ibang natamong sugat maliban sa dumudugo kong noo.
Wala masyadong kapitbahay si Cheska at kilala na niya kung sino ang mga taong kapitbahay niya. Hindi niya raw ako kilala kaya nagtaka siya kung anong ginagawa ko sa kaniyang bahay, ng walang malay.
Dahil sa 'mabuting' puso 'daw' niya, dinala niya ako sa pinakamalapit na medical center sa bayan nila. Sabi ng healer, may posibilidad raw na nauntog ang aking ulo at malakas raw ang impact. Kung hindi daw ako nadala sa pagamutan ay posibleng namatay na raw ako. Gamit ang modernong kapangyarihan at mga kagamitan ay nasalba raw ang buhay ko, all thanks to Cheska. Kung hindi daw ako nakita ng kaniyang 'mala-dyosang kagandahan' na mukha, ay baka 'tsigok' na raw ako.
Maayos na naman raw ang aking lagay ngunit ipinagtaka nilang hindi pa raw ako gumising. Umabot ng ilang araw, linggo at hanggang sa umabot na ng buwan ang aking pananatili sa pagamutan. Dahil 'mabait' naman raw si Cheska, inalagaan at binantayan niya ako habang nasa loob pa ako ng pagamutan. Dahil sa tagal ko raw na gumising ay napagpasiyahan ng pagamutan na i-unconfine na lamang ako at doon na lamang hintaying gumising sa bahay ni Cheska. Dahil parang naging responsibilidad na ako ni Cheska, pumayag na lamang siyang siya na lamang ang magbantay sa akin.
Umabot muli ng ilang araw, linggo, buwan, taon at hanggang sa naging tatlong taon na ang paghihintay ni Cheska na gumising ako. Naisip na rin niya na baka patay na ako, kaya lang, humihinga pa naman ako at pumipintig pa naman ang puso ko. Dahil sa pagod na hintayin akong magising, iniiwan na lamang niya ako sa bahay para magtrabaho. Hanggang sa isang araw, umuwi na lamang siya sa bahay na wala na ako sa higaan ko. Hinanap niya ako at natagpuan na lamang akong naka-upo sa sofa niya habang nakatulala.
BINABASA MO ANG
Lianna Crest
FantasyNormal na buhay lamang ang tinatamasa ni Yanna Fluterion kasama ang kinamulatan niyang kapatid. Masaya at mapayapa. Wala na siyang maiihiling pa. Ngunit dahil sa isang insidente, pakiramdam niya'y biglang gumuho ang dapat ay normal na niyang buhay. ...