Isang di-pamilyar na lugar ang siyang bumungad kay Ariella pag-angat niya palang ng kanyang mukha. Hindi siya sigurado kung nasaan siya sa mga sandaling iyon ngunit sa kanyang pagkakaalam ay malapit lang siya sa tabing-dagat. Bukod kasi sa naririnig niya ang mahinang paghampas ng alon sa buhangin ay ramdam din niya ang malamig na hanging humahampas sa kanyang balat.
Ngunit ang mas ipinagtaka niya ay nakatayo siya ngayon sa kanyang mga paa na walang kahit na anong iniindang sakit dahil sa kanyang tumutubong buntot. Agad siyang natuwa sa mga sandaling iyon at napangiti dahil kahit papaano ay nabawasan ang nararamdaman niyang pananakit.
Pero hindi naglaon ay unti-unti ring nawala ang ngiting iyon sa kanyang mga labi nang isang lalaki ang mapansin niyang titig na titig sa kanya mula sa di kalayuan. Nakasuot ito ng polo na kulay abo at nakasuot ng maong na pantalon sa pang-ibaba nito. May hawak itong perlas na tila ba ginawang kwintas at kasabay ng ngiting namutawi sa mga labi nito ay ang unti-unti nitong paglapit sa kanya.
"Para sa'yo nga pala," anito sabay suot nito ng hawak nitong kwintas kay Ariella. "Hindi ko alam kung magugustuhan mo pero sa tingin ko ay bagay na bagay sa'yo," Ngiti nito.
Napangiti rin ang dalaga. "Meron ka ba namang binigay sa'kin na hindi ko nagustuhan?" sambit niya habang nakatitig pa rin sa suot niyang kwintas. "Buti naman at pumayag ka na makipag-usap at makipagkita sa'kin. Ang akala ko magmumukha lang akong timang dito,"
Napailing ang binata. "Iyon din ang akala ko," sagot nito sabay hakbang papalapit kay Ariella. "Pero napag-isip-isip ko na siguro ay tama si Huhu. Kailangan nating pag-usapan ang tungkol sa'tin. Kailangan ko ring maliwanagan kung ano nga bang klaseng sitwasyon 'tong pinasok ko. Dahil kung tutuusin ay wala talaga akong maalala - wala ni kahit isa man sa mga sinabi mo kay Zelpro," Mahaba nitong paliwanag.
"Pinag-usapan namin?" Kunot-noo niyang tanong. "Wag mong sabihing narinig mo ang lahat ng 'yun? Paano?"
"Oo. Rinig na rinig ko ang lahat ng pinag-usapan niyo - walang labis, walang kulang," Ngiti niyang anas at pagkuwan ay nagseryoso. "Siguro 'yun ang katangian ni Apo Hokaido na nakuha ko sa kanya simula nang tanggapin niya 'ko patungo sa kanilang mundo. Halos lahat ay naririnig ko pero ang mas nakakaangat doon ay ang boses mo,"
Sa kalagitnaan ng tuloy-tuloy na pagsasalita ni Nicholas sa mga sandaling iyon ay tila ba nakakita ng headlight si Ariella sa puntong iyon. Tulala siyang nakatayo roon habang mataman lamang na pinagmamasdan ang binata. Sa katunayan ay hindi siya sigurado kung panaginip lamang ba ang lahat ng iyon o sadyang namamalikmata lang siya. Hindi siya sigurado kung tama ba ang kanyang nakikita na kinakausap siya ngayon ni Nicholas na wala man lang ipinapakitang pagkagalit.
Kaya naman sa mga sandaling iyon ay lihim nalang siyang napangiti lalo na nang makita niya ang ngiting sumilay sa mga labi ng binata. Bagamat abala ito sa pagsasalita at pagpapaliwanag ng kung ano-ano, siya naman ay walang ibang gustong gawin kundi ang lumapit sa binata at yakapin ito ng sobrang higpit.
"Ariella? Nakikinig ka ba?" Maya-maya'y yugyog sa kanya ni Nicholas. "Ayos ka lang ba? May gusto ka bang sabihin?" Dagdag pa nito.
Ngunit imbes na sagutin ang mga tanong na iyon ay isang buntung-hininga lang ang isinagot ng dalaga. Hanggang sa hindi naglaon ay unti-unti na nga siyang humakbang papalapit kay Nicholas.
Akmang aatras na ito palayo sa kanya ay saka naman ito nahinto nang tila ba maramdaman nito ang mahigpit na paghawak niya sa magkabilang braso nito. Mula roon ay muli siyang napatitig sa mga mata nito at kasabay niyon ay ang ngiting sumilay mula sa kanyang mga labi. She gently puts her right hand on his chest and at that moment, all she could ever feel was his heart beat beating so fast.
Sa mga sandaling iyon ay wala siyang ibang naririnig kundi ang pagtibok ng puso nilang dalawa, ang paghugot ng malalim na hininga ni Nicholas at ang kanyang paglunok. At sa mga oras na iyon ay wala siyang ibang maramdaman kundi ang mainit na kamay ng binata na humahaplos sa kanyang likuran patungo sa kanyang magkabilang pisngi.
BINABASA MO ANG
Suddenly She's a Mermaid (COMPLETED)
RomanceIsa si Nicholas sa mga sireno na ang tanging pag-asang mabuhay ay ang manilbihan bilang alipin at bihag ng Reyna ng karagatan. Kaya naman walang pagdadalawang-isip siyang nagdesisyon na lisanin ang lugar na iyon at magsimula na nang bagong buhay. H...