Chapter 25

28 14 0
                                    

"Anong gagawin niyo sa kapatid ko? Saan niyo siya dadalhin?" Maya-maya'y ani Apo na siyang ikinatawa ni Almandro.

"Hindi ba't ikaw mismo ang nagpatupad ng pagtatapon sa mga taksil na nilalang sa Hulmaporo? Bakit kailangan mo pang tanungin kung saan namin siya dadalhin? O baka naman gusto mo pati kayong dalawa niyang pinakamamahal mong tao ay isama namin papunta roon?" Natatawa nitong anas na ikinatawa na rin ng karamihan. "Sabihin mo lang at gagawin namin ang gusto mo, Mahal na Hari,"

Napailing si Apo. "Walang kinalaman dito ang kapatid ko kaya wala kayong karapatan na-"

"Kaya nga," Putol ni Hulta. "Alam naming walang kinalaman dito si Zelpro pero hindi mangyayari ito kung hindi ka magmamatigas na umalis diyan sa posisyon mo. Hindi naman siguro mahirap gawin ang umalis kasama ang babaeng iyan, hindi ba? Pero kung mas pipiliin mo ang babaeng iyan kaysa sa kapatid mo, wala kaming ibang pagpipilian kundi ang gawin ang nararapat," Mahaba nitong anas.

Sa mga sandaling iyon ay agad na nagtangis ang mga bagang ni Apo sa sinabi ni Hulta. Tila ba buo ang loob nito sa gagawin nilang pagpapatapon sa kanyang kapatid at wala nang makakapigil pa sa mga ito. Lalong-lalo na si Hulta na siyang naging matalik niyang kaibigan noong mga bata pa lamang sila.

Bagamat naging masakit para sa sirena ang sagot niyang iyon ay hindi niya inakala na mapupunta lang pala sa wala ang kanilang pinagsamahan. At sa puntong ay hindi niya na makita sa awra nito ang dating Hulta na siyang itinuring niyang kaibigan. Tulad ni Almandro, ng mga kalihim at ng ilang mga nilalang na dati ay panig sa kanya, ngayon ay labis siyang isinusumpa nang dahil lang sa pagmamahal niya sa mga tao.

Matapos ang kanyang pag-iisip tungkol sa sinabi ni Hulta ay agad siyang napabaling sa kanyang kapatid. Tahimik lamang itong nakatitig sa kanya at pagkuwan ay bahagyang napangiti sa hindi niya malamang dahilan.

"Wag kang mag-alala, Apo. Kahit saan ako mapunta ay hindi ko kakalimutan ang mga magagandang alaala na nabuo natin sa lugar na ito. Hinding-hindi ko kakalimutan na minsan kong naranasan ang manirahan sa napakagandang Agleromondonome," Rinig niyang sambit nito mula sa kanyang isip. "Para sa akin ay ikaw pa rin ang..."

Ngunit imbes na ipagpatuloy pang pakinggan ang mga susunod na sasabihin nito ay nagpasyang isara ni Apo Hokaido ang kanyang pandinig. Bahagya siyang napapikit at mas piniling pakinggan ang bawat paghampas ng alon ng karagatan, ang mga taong nag-uusap sa mundong ibabaw, ang mga isda na nasa kanilang paligid at ang bawat pagtibok ng puso ng mga nilalang na hindi sang-ayon sa desisyon ni Almandro.

Muli ay idinilat niya ang kanyang mga mata kasabay ng pagbaling niya kay Ulriya na hindi pa rin binibitawan ng mga alagad. Hanggang sa hindi naglaon ay isang malalim na hininiga ang kanyang pinawalan at dali-daling ipinukol ang tingin kay Hulta na hanggang sa mga sandaling iyon ay naghihintay pa rin ng kanyang magiging sagot.

"Walang kasalanan ang kapatid ko sa nangyaring ito kaya wala kayong mapapala kung siya ang itatapon niyo sa Hulmaporo," aniya na muling ikinatawa ng ilang mga sirena.

Ngunit akmang magsasalita na sana si Almandro ay saka naman iyon naputol sa mga sumunod na sinabi ni Apo Hokaido.

"At kung ang sagot sa lahat ng ito ay ang pag-alis ko sa trono ay hindi ako magdadalawang-isip na ilipat ang aking posisyon sa kamay ni Zelpro," Matatag nitong anas na naging dahilan ng pagtitinginan ng ilang mga sirena at pabulong nilang pag-uusap.

Si Almandro ang nagsalita. "Ganoon mo ba talaga kamahal ang babaeng iyan para talikuran mo ang iyong mga kalahi?" Pagak itong natawa. "Hindi ko akalain na sa dami ng pwede mong makuha sa iyong Ama ay iyang ganyang klaseng kahinaan pa ang napunta sa iyo. Kung minamalas ka nga naman,"

Suddenly She's a Mermaid (COMPLETED) Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon