Chapter 30

16 10 0
                                    

"Ano ba kasing binabalak mo at bakit gusto mong makita si Apo Hokaido?" Iritadaong anas ni Huhu habang panay lang ang sunod kay Nicholas. "Wag mong sabihing ibabalik mo siya sa pagiging sirena niya at ihaharap mo siya kay Ulriya? At kung sakali man, paano mo gagawin iyon? May natatago ka bang kapangyarihan?"

Sa sunod-sunod na tanong na iyon ni Huhu ay hindi alam ni Nicholas kung ano ang dapat niyang isagot. Sa totoo lang ay wala siyang ideya kung ano ang gagawin niya sa oras na makaharap niyang muli si Apo Hokaido. Bagamat hindi niya alam kung may natatago siyang kapangyarihan pero gagawin niya ang lahat upang mawala ang galit sa puso ng pinakamamahal nito. Hindi siya papayag na mapunta sa wala ang lahat ng pinagpaguran ng Apo lalo na ang mundong binuo nito sa ngalan ng pagmamahal at kapayapaan. At hindi siya papayag na mabuhay siya at ang mga susunod na henerasyon sa ganitong klaseng mundo na tila ba wala ng pag-asang bumalik sa dati.

Minsan niya nang inisip na hindi matutupad ang kanyang pangarap na baguhin ang kanyang nakalakihang mundo. Sa ngayon ay siya na mismo ang gagawa ng paraan upang matupad ang pangarap na iyon.

"Teka lang," ani Huhu nang makarating na sila sa kweba kung saan nakatago ang mga bangkay. "Sigurado ka na ba talaga sa desisyon mo?"

Napatango siya. "Ngayon pa ba ako aatras lalo na't alam kong kailangang-kailangan siya ng angkan natin?" Sinsero niyang sambit. "Hindi natin maipapanalo ang labang ito kung wala siya sa ating tabi. At hindi tayo magtatagumpay laban kay Ulriya kung magpapadala tayo sa takot na baka hindi umepekto ang gagawin ko. Minsan kailangan nating sumugal, hindi ba iyan ang sinabi mo sa akin noon?"

Bahagyang napangiti ang huli. "Oo. Tandang-tanda ko pa,"

Sa sinabing iyon ni Huhu ay agad na napatango si Nicholas. Pero akmang papasok na siya sa loob ng kwebang iyon ay saka naman siya nahinto nang maramdaman niya ang mahigpit na paghawak nito sa kanyang palapulsuhan. Muli ay napabaling siya sa tsokoy at kasabay niyon ay ang kunot-noong pagsalubong nito ng kanyang mga mata.

"Bakit? May problema?" tanong niya.

Napailing ito. "Hindi ako sigurado pero parang may mali," anito at napalingon-lingon sa kanilang paligid. "Wala kayang nakasunod sa atin?"

"Hindi ako sigurado dahil wala naman akong naramdaman na sumusunod sa atin," aniya at pagkuwan ay napalingon din sa kanyang paligid. "At kung may nakasunod man sa atin ay tiyak na hindi niya na hihintayin pa na makarating tayo rito ng buhay. Hindi niya na hihintayin pa na..."

Natigil siya.

At kasabay niyon ay ang tinging ipinukol niya sa loob ng kwebang kamuntikanan niya ng pasukan kanina. Agad na nanlaki ang kanyang mga mata at pagkuwan ay walang isang salitang kinalabit si Huhu na hindi pa rin mapakali sa mga oras na iyon. Bagamat kita niya sa gilid ng kanyang mata ang pagtataka sa mukha ng huli ay nanatili lamang siyang tuod sa kanyang kinalulugaran.

"Anong meron?" Di nakatiis nitong tanong kasabay ng pagpukol din nito ng tingin sa loob ng kweba. Pagak itong natawa. "Wag mong sabihing sa ilang taon na hindi ka nakakapasok sa loob ng kweba ay bigla ka nalang nagkaroon ng takot diyan?"

Napailing siya. "Hindi ako-"

"Naku! Tigilan mo nga ako, Nicholas," anito sabay bitaw sa sireno. "Ang kapal ng mukha mong magtapang-tapangan kanina, ngayon naman ay parang biglang nabahag iyang buntot mo,"

"Hindi nabahag ang buntot ko," Pagdedepensa niya at muli ay napabaling sa loob ng kweba. "Pakiramdam ko ay meron akong nakita sa loob pero hindi ko alam kung ano. At hindi ako sigurado kung anong klaseng nilalang iyon,"

Napabuntung-hininga si Huhu. "Meron pa bang ibang nilalang na hindi natin alam na naninirahan dito sa ilalim ng karagatan?" Di pa rin makapaniwalang tanong nito. "Mas mabuti pa siguro ay doon nalang tayo dumaan sa kabilang yungib at para matapos na rin ang gulong ito. Tiyak na inaabangan na ng ilang mga nilalang ang pagbabalik ni Apo Hokaido. Ayaw mo naman siguro silang idismaya sa pangako mo sa kanila, hindi ba?"

Suddenly She's a Mermaid (COMPLETED) Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon