"Saan ho tayo pupunta, pinunong Almandro?" Maya-maya'y tanong ng isang bihag na siyang may hawak kay Zelpro. "Tutungo ho ba tayo sa Roroyu kung saan nakakulong si Hokaido? Naku, paniguradong matutuwa ang aking ina kapag nalaman niyang maipaghihiganti ko na siya sa sirenong iyon," Tila ba masaya nitong anas.
Napailing si Almandro. "Hindi tayo pupunta sa kinalulugaran ni Hokaido. At walang kahit na sino man ang gagalaw sa kanya kundi ako lamang," anito na tila ba agad na ikinadismaya ng huli. "Marami siyang naperwisyong mga nilalang ng karagatan at hindi ako papayag na mapunta ang paghihiganting iyon sa kahit na sino man sa inyo,"
"Sasama ba ako?" Sabat ni Hulta. "Kung tutuusin ay hindi lang naman ikaw ang naperwisyo niya o ang mga kalahi mo. Ginawan din niya ako ng kahayupan at kahit kailan ay hinding-hindi ko siya mapapatawad sa ginawa niyang pagtanggi sa akin,"
Napatango si Almandro. Ngunit akmang sasagot na ito sa sinabing iyon ni Hulta ay saka naman siya natigil nang marinig nito ang mga sumunod na sinabi ni Zelpro.
"Hindi na ako magtataka pa kung bakit hindi ka nagustuhan ni Apo Hokaido. Sa ugali mo palang ay hindi na maitatanggi na kabilang ka sa mga bihag ng Hulmaporo," Madiin nitong anas. "Siya pa nga ang dapat na pumatay sa iyo dahil sa katrayduran na ginawa mo sa kanya noon. Kung hindi dahil sa kanya, tiyak na hindi ka lumitaw sa mundong ito,"
Napangisi si Hulta kasabay ng pang-aagaw niya sa hawak na tupiyo ni Almandro. Kasabay niyon ay ang isang kisapmatang pagsakal niya kay Zelpro na hindi man lang naabutan ng kahit na sino.
Pagak itong natawa. "Wag kang magkakamaling gumawa ng katarantaduhan sa mga oras na ito dahil kung hindi ay-"
"Papatayin mo ako?" Pagpapatuloy niya sabay hawak sa kamay ni Hulta at pagkuwan ay idiniin pa ang pagkakasakal nito sa kanya. "Gawin mo dahil sa pagkakataong ito ay wala nang dahilan pa para mabuhay ako. Kinuha niyo na ang lahat sa akin. Bakit hindi niyo na rin kunin ang buhay ko?"
Matapos niyang sabihin iyon ay mas mabilis pa sa alas kuatrong natigil ang lahat sa kanilang paglangoy. Agad na napabaling sa kanya si Almandro ganon din ang ilang mga bihag. Habang si Hulta naman ay mabilis na inalis ang kanyang kamay sa leeg ni Zelpro. Napaatras siya at pagkuwan ay nag-iwas ng tingin.
Si Almandro ang nagsalita. "Hindi ka maaaring mamatay, Zelpro dahil tiyak na hindi ako mapapatawad ng iyong mga magulang sa oras na mangyari iyon,"
Napailing siya. "Matagal nang wala ang mga magulang namin. Kahit anong gawin mo sa akin ay sigurado naman ako na wala na rin silang magagawa,"
Sa mga sandaling iyon ay napatitig lang sa kanya si Almandro. Ngunit hindi rin naman nagtagal ay mabilis itong nag-iwas ng tingin sa kanya. Bagamat hindi siya sigurado pero tila ba pakiramdam niya ay may bumabagabag sa loob-loob nito.
Matapos ang ilang minutong katahimikan ay isang ingay ang siyang narinig nila mula sa sa di kalayuan. Halos lahat sa kanila ay napabaling doon hanggang sa mapangiti nalang ang ilang mga bihag dahil sa kanilang mga nakita.
Mula roon ay kitang-kita ni Zelpro ang halos lahat ng mga sireno at sirena na nakagapos sa mga sandaling iyon. At sa kanyang pagkakaalam ay hindi lamang iyon basta ordinaryong mga nilalang kundi ang halos lahat sa kanila ay panig kay Apo Hokaido. Nakagapos ang mga ito at kitang-kita sa mga mukha nila ang takot sa puntong iyon.
Pero akmang lalapitan sana ni Zelpro ang mga nilalang na iyon ay agad siyang natigil nang maramdaman niya ang kadena na nakasuot sa kanyang palapulsuhan sa mga sandaling iyon. Muntik niya nang makalimutan na isa na rin pala siya sa mga nilalang na natatanaw niya ngayon.
BINABASA MO ANG
Suddenly She's a Mermaid (COMPLETED)
RomansIsa si Nicholas sa mga sireno na ang tanging pag-asang mabuhay ay ang manilbihan bilang alipin at bihag ng Reyna ng karagatan. Kaya naman walang pagdadalawang-isip siyang nagdesisyon na lisanin ang lugar na iyon at magsimula na nang bagong buhay. H...