"Pero kung dito kayo nakatira, bakit parang ngayon lang namin kayo nakita?" Pahabol na tanong ng babae nang makatapat na ang dalawang binata sa pinto ng kanilang apartment.
Si Nicholas ang nagsalita. "Bagong salta lang kasi kami rito at kapapasok lang din namin sa coffeehouse noong nakaraang linggo," sagot nito agad na ikinabaling sa kanya ni Zelpro. "Kung tutuusin nga ay hindi sana kami lilipat dito kaya lang ay masyadong mahal do'n sa kabilang building. Hindi kaya ng budget namin lalo pa at pareho kaming maliit ang sinusweldo," Paliwanag niya.
"Let me guess, do'n ba kayo nanggaling sa apartment ni Manang Karing? Iyong tsismosang landlady?" Sunod-sunod na tanong ng isa.
Napatango si Zelpro. "Oo. Doon kami nanggaling," aniya at muling napabaling kay Nicholas. "Kulang na nga lang ay isubsob ko sa putikan ang babaeng 'yun dahil sa panay ang pakikipag-flirt dito sa kapatid ko. Kala mo naman ang ganda-ganda, wala namang binatbat sa ex-girlfriend ng lalaking 'to," Napapailing nitong sambit.
Nagkatinginan ang mga babae.
"Magkapatid kayo?" tanong ng isa at pagkuwan ay siniko ang katabi niya. "Di nga nagkamali si Ariella. Ang galing talagang manghula ng babaeng 'yun. At kung pwede ko lang talaga siyang biruin ay sasabihin ko sa kanya na pwede na siyang sumunod kay Madam Auring," Natawa ito.
"Epal lang kasi ang babaeng 'yun," Nakasimangot na anas ng ikatlong babae. "Kung bakit ba kasi ang aga-aga niyang umuwi. Diba ang sabi niya dito siya matutulog ngayong gabi? Bakit parang nagbago na naman ang isip niya?"
Napakibit-balikat ang isa. "Ewan. Pero sigurado ako na may pinuntahan lang siya. Mamayang kunti ay nandito na rin 'yun at wag kang mag-alala dahil bilang ganti ay paniguradong ililibre tayo no'n sa inuman," Kindat niya sa isa na bahagyang napangiti.
Sa kalagitnaan ng usapang iyon ay kapwa napahugot ng malalim na hininga sina Zelpro at Nicholas. Wala silang ideya kung bakit nandirito silang dalawa ngayon sa harapan ng tatlong kababaihan at nakikinig sa usapan ng mga ito na para bang isang telenobela. Kung tutuusin nga, dapat ay kanina pa sila nakapasok sa loob ng kanilang apartment at ngayon ay kumakain na, nagpapahinga o nag-uusap sa mas importanteng mga bagay.
Pero sa kasamaang palad ay tila ba mamaya pa iyon mangyayari. Akmang puputulin na sana ni Zelpro ang usapang iyon ay hindi iyon natuloy nang isang hagalpak ang pinawalan sa isa sa mga babaeng iyon. Bahagya silang napaatras sa kanilang kinatatayuan at pagkuwan ay lihim nalang na isinusumpa ang tatlong dalaga.
At dahil sa walang kasiguraduhang katapusan ng usapang iyon ay mabilis pa sa alas-kuatrong hinugot ni Nicholas ang susi ng apartment mula sa bulsa ni Zelpro. Mabilis niyang binuksan iyon ngunit hindi pa man niya masyadong naibubukas ang pinto ay muli na naman siyang nahinto nang isang boses babae ang marinig niya mula sa di kalayuan.
Pamilyar iyon at nakatitiyak siya na kilala niya ang may-ari ng boses na iyon. Pero kung gaano kasaya ang boses ng babaeng iyon nang una niya itong marinig, ngayon naman ay may halo itong lungkot at pighati. It looks like something happened terribly and at the same time, things became seriously complicated.
Sa paglingon niya sa kanilang likuran upang tingnan kung nandoon ang babaeng iyon ay agad siyang nabigo. Kaya naman sa mga sandaling iyon ay isang malalim na buntung-hininga ang pinawalan niya kasabay ng muli niyang pagbaling sa mga kababaihang nasa kanilang harapan.
Napatikhim siya. "Hindi niyo ba pupuntahan 'yung kaibigan niyo do'n sa ibaba?" aniya na mabilis nilang ikinahinto. "Parang kanina pa yata siya naghihintay sa inyo,"
Napatitig sila sa kanya kabilang na doon si Zelpro.
"Kaibigan? Sino?" tanong ng isa.
"Si Ariella," Mabilis niyang anas. "Nakita ko kasi siyang umakyat tapos wala pang ilang minuto ay nagmadali siyang bumaba, namumugto ang mga mata at halos pulang-pula ang mukha," Paliwanag niya.
BINABASA MO ANG
Suddenly She's a Mermaid (COMPLETED)
RomanceIsa si Nicholas sa mga sireno na ang tanging pag-asang mabuhay ay ang manilbihan bilang alipin at bihag ng Reyna ng karagatan. Kaya naman walang pagdadalawang-isip siyang nagdesisyon na lisanin ang lugar na iyon at magsimula na nang bagong buhay. H...