TWO

2.1K 123 70
                                    

Five years later.

"Congratulations, Florence!"

Nagulat pa ako pagpasok ko ng pantry namin para mag-kape lang sana. Sabay-sabay na binati ako ng mga kasama ko sa opisina. Dahil na-sorpresa ako, ang tagal kong naka-titig lang sa kanila, bago nag-sink-in sa akin kung ano ang nangyayari.

"Gulat si Mamsh, o!" Tawa nang tawa si Ate IC na ka-opisina ko. "Galaw galaw, 'oy, baka pumanaw."

"Sorry." Natawa na lang din ako. "Malay ko ba naman kasing may paandar pala kayo dito. Kaya pala parang mga aligaga kayo kanina pa."

"Bitaw ka naman ng isang pang-malakasang speech diyan, Miss Florence," pambubuyo sa akin ng isa ko pang officemate na si Gino. "Mga huling habilin mo sa 'min bago mo kami iwan."

Hinampas ko siya sa braso. "Gino naman! Buhay na buhay pa ako parang gusto mo na akong patayin."

Tawanan kaming lahat.

"Hindi. Mga habilin kasi siyempre, next week, sa ibang office ka na," palusot pa niya. "Mga words of wisdom mo diyan, baka gusto mo lang i-share sa amin."

Inakbayan naman ako ng isa ko pang ka-opisina na si Eya. "'Yaan mo 'yan si Gino. Basta, ah. 'Wag mo kami kakalimutan dito."

"Ang drama naman nito!" biro ko pero umakbay din ako sa kanya at humilig sa balikat niya. "Ano ba, sa 23rd floor lang naman ako lilipat."

"Mami-miss namin mga baked goodies mo, Mamsh," malungkot na sabi naman ni Alina. "Mga chikahan natin over coffee, ay, basta, mami-miss kita."

"Group hug!" Nag-open arms si Louie kaya tumakbo kaming lahat papunta sa kanya para yakapin ang bawat isa.

"Hoy, social distancing!" saway sa amin ni Ate Aira pero naki-yakap din naman siya.

Nalulungkot din naman ako, ayoko lang ipahalata. Baka kasi mapa-iyak pa ako sa harapan nila. Kahit naman nasa iisang kumpanya pa rin kami, talagang may mag-iiba na. Baka minsan, hindi ko na sila makakasabay sa coffee break o kaya sa lunch. Alam kong magiging mas busy na ako sa opisinang lilipatan ko.

Tatlong taon na rin ako sa Accounting Department bilang Accounting Clerk, kaya itong mga kasama ko, itinuring ko nang pamilya. Mababait silang lahat at magaan ka-trabaho. Kung hindi lang dahil sa career advancement at higher salary, mas gusto kong mag-stay sa Accounting.

Pero, noong nabalitaan ko iyong hiring sa Office of the Vice President for External Affairs, at nakita kong halos doble iyong suweldo sa kasalukuyan kong kinikita ay sinubukan kong mag-apply. Pinalad naman na ako ang natanggap bilang Executive Assistant o EA. Nag-resign na kasi iyong dating EA.

Kaso, iyong current Vice President o VP ay nag-retire na rin last week, at iyong anak niya ang papalit sa posisyon - si Sir Frank Ledesma, na first time ko ring makikita next week. Technically, sabay kaming magsisimula sa bago naming trabaho. Though, iyong mga staff naman doon ay mga datihan na.

"Florence, guwapo raw 'yon si Sir Frank, eh," sabi ni Ate IC sa akin.

"Eh, siguro. Mukhang guwapo rin naman si Sir Freddie noong kabataan," sagot ko na ang tinutukoy ay iyong tatay ni Sir Frank na dating VP. "Tapos, maganda rin si Madam Amanda, 'yong asawa niya. Kaya malamang, guwapo rin 'yong anak nila.

"Hindi mo pa ba nakita?" tanong ni Louie. "'Di ba dapat siya ang magfa-final interview sa 'yo?"

Umiling ako. "Si Sir Freddie pa rin ng nag-interview sa akin sa final. Expected ko nga rin sana na si Sir Frank, pero hindi, eh."

"Pero sana, mabait 'no?" hopeful na sabi ni Eya.

Nagsalita naman ng pabulong si Cheska, "At sana 'di kasing-suplado ni Sir Maui."

Here In My HeartTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon