THIRTEEN

1.1K 60 97
                                    

Maui Ledesma sent you a message request.

Ilang saglit akong napatitig sa screen ng cellphone ko, sabay napakurap nang ilang beses.

"Totoo ba 'to?" tinanong ko pa ang sarili ko. Binuksan ko ang PM niya sa akin sa Messenger at binasa ang nilalaman noon.

Hi Florence. Just wanna say thank you for taking good care of us in Siargao. See you soon in the office. Goodnight.

Nanlaki ang mga mata ko. Hindi ito wrong send. May Florence na nakalagay. Florence. Ako talaga ang mine-message niya.

Naitakip ko ang unan sa mukha ko at impit na napatili. Pigil na pigil at baka magulantang naman si mama sa kabilang kuwarto.

Medyo nanginginig pa ang mga kamay ko nang mag-type ako ng reply. Siguro dahil sa excitement. Good PM po Sir Maui. Wala po yon. See you po and goodnight din.

Napahugot pa ako ng malalim na paghinga nang maipadala ko ang sagot ko sa PM niya. Maka-ilang beses akong nag-type at erase mabuo ko lang ang mensahe ko. Para kasi akong name-mental block gawa ng hindi ako makapaniwala na magme-message pa nang ganoon si Sir Maui sa akin. Sulit na sulit na nga ako sa Siargao namin, at sa totoo lang, hanggang ngayon ay wari bang may hang-over pa ako.

Masarap ang naging tulog ko ng gabing iyon, at masaya din ang naging gising siyempre. Pakiramdam ko, mas inspired ako magtrabaho ngayong araw.

Nasa elevator na ako nang may mag-PM sa akin.

Are you free this lunch time?

Kay Sir Maui galing iyon. Maka-ilang beses akong napakurap, baka kasi hindi totoo. Bakit kaya niya tinatanong? Iimbitahan kaya niya ako?

Pero bago pa man ako umasa o mag-assume ng kung ano-ano, mainam nang magtanong muna. Good AM po sir. Free naman po. Bakit po?

Yeah, good morning too. Sorry, was too excited to ask you out. Forgot to greet you.

Tinitigan kong maigi ang screen kung saan naroon ang PM niya. Was too excited to ask you out. Iimbitahan niya nga talaga ako! Bumilis ang tibok ng puso ko. Totoo ba talagang nangyayari ito? Baka kaka-Wattpad ko lang ito.

Nag-tipa ako ng sagot, pero bago ko pa man matapos iyon ay tumawag siya!

Para akong engot na nakatitig lang sa tumutunog na cellphone. Huminga pa ako nang malalim bago pindutin ang answer button.

"Sir Maui..." iyon lang ang nasambit ko. Hindi ko na malaman kung anong idurugtong doon.

"Florence." Napalunok pa ako nang bigkasin niya ang pangalan ko. Lehitimong siya talaga. Boses niya talaga. Ang hirap talagang paniwalaan.

"Could I invite you out for lunch later?" Parang nakikinita ko pa sa diwa ko kung anong hitsura niya habang sinsabi iyon.

"A-ako po?" tanong kong hindi pa rin makapaniwala.

"No one else." Narinig ko ang bahagya niyang pagtawa. "Where are you, by the way? I'm here outside your office."

"Po?" Tumingala ako para tingnan kung nasaang floor na ako. Diyos ko po. Nasa 30th na ako. Lagpas-lagpas na ako ng 23rd!

Florence, okay lang kiligin pero huwag ding engot, paalala ko sa sarili ko.

Ni hindi ko nga maalala kung napindot ko nga ba iyong 23rd sa buttons. Engot talaga.

"Paakyat pa lang po, Sir," sabi ko na lang. Akin na lang iyong katangahan ko sa pag-akyat sa 30th floor.

"Alright, see you." Ang ganda ng boses niya sa phone. Iyon bang tipo na kahit hindi ko nakikita ay alam kong nakangiti habang nagsasalita.

Here In My HeartTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon