OUR ROAD

7 1 0
                                    


Mahigpit ang pagkakahawak ko sa payong habang nag-iisip nang malalim. Alam ko sa sariling pagod ako at kailangan ko na magpahinga.

Sumabay pa ang ulan sa lungkot na nararamdaman ko at ang mga taong mahahalata rin ang pagod sa kanilang mukha habang binabaybay ang kalsada.

Huminga ako nang malalim at tinitigan ang stop light na kayang-kaya baguhin ang sitwasyon ng daanan. Sana kagaya nito ay kaya ko rin baguhin ang buhay na meron ako.

Sana katulad nito ay kaya ko rin pahintuin ang mundo para mahabol ko ang sitwasyon kung saan napag-iwanan na ako.

Pero alam kong hindi mangyayari 'yun.

Huminga pa ako nang malalim at naisipang ibalik na lamang ang tingin sa kalsada upang maghanda na sa pagtawid.

Ramdam ko ang lungkot ng kapaligiran dahil sa bawat pagpatak ng ulan at yapak ng mga tao, napagmamasdan ko ang kakulangan at kawalan.

Pero sa hindi inaasahang pagkakataon ay nagtagpo ang ating mga mata. Nasa kabila ka habang ako'y nakatayo at katapat ka. Malayo man ang agwat ay batid kong nasa iisang daan tayong dalawa. Sa unang sulyap ay hindi ko aakalain na mararamdaman kong sa wakas ay meron na rin akong makakasama sa daan na tinatahak ko.

Napahinto lamang ako nang maramdaman kong oras na para tumawid. Oras na rin para magkalapit at magsalubong tayo.

At sa unti-onti nating paglalapit ay nakita kong malungkot ka rin. Pero ang mapupungay mong mga mata ay pinaresan ng makakapal na kilay at pilikmata kaya naman maamong-maamo pa rin ito para sa akin.

Pinilit mong ngumiti. At ang ngiti na 'yun ang naging mitsa para tahakin natin nang sabay ang iisang direksyon at daanan.

Sinamahan mo ako sa buhay ko. At sinamahan kita sa buhay mo. Naging iisa ang landas natin at sabay na pinaghilom ang sugat sa mga puso. Binigyan ako ng kasiyahan at pinaramdam ang kapayapan sa piling ng isa't isa.

Magkasabay nating tinahak ang lubak-lubak maging ang maayos na daan. Hawak natin ang kamay ng isa't-isa kahit pa bumabagyo o maaraw.  Kasama kitang tumawa habang tinatawid ang pagsubok ng buhay. Ikaw ang naging sandalan ko habang hinihintay kung kailan pwede umandar para ilaban ang pangarap at kung kailan hihinto para magpahinga.

Sa kalsada na 'yun tayo nagtagpo.

Ilang taon ang lumipas at muli na naman tayong narito. Ang kabaihan lang ay magkatabi na tayo. Sabay nating tinititigan ang stop light para ihanda ang mga sarili.

Ikaw para sa pagtawid mo. At ako naman para sa pag-alis mo.

Tinitigan mo ako at tipid na ngumiti.

"Salamat Nikko," bigkas mo.

Tumango lang ako habang sa isipan ay binibilang na lamang ang segundo na makakasama ka.

At nang dumating na ang tamang oras para tumawid ka ay naramdaman ko muli ang pakiramdam ko habang nakatayo ako rito noon bago tayo magtagpo.

Malungkot at kulang.

"Ingatan mo ang sarili mo," bulong ko pero ngumiti ka lang.

Unti-onti mong inihakbang ang iyong mga paa. Hindi na tayo magsasalubong dahil ako na mismo ang naghatid sa'yo rito para muling tumawid at mag-iba na ulit ng direksyon.  Malayo sa akin. Doon ka na sa daan na walang ako.

Hinintay kong makatawid ka at nakita ko rin ang sumalubong sa'yo. At 'yun ay walang iba kundi ang taong naging dahilan nang pagtawid mo sa kalsadang ito habang nalulungkot ka. Pero ngayon, nakangiti ka na. Masaya ka na dahil babalik ka na sa'kanya.

Ngayon ko napagtanto na hindi lahat ng makakatagpo mo sa kalsada o sa buhay ay mananatiling kasama mo sa daan na tinatahak mo. Dahil baka ang taong 'yan ay nakasalubong mo lang talaga at may direksyon siyang iba.

Ngayon ko lang napagtanto na baka naligaw lang siya. Kaya naman kung gano'n nga, mabuting ihatid ko na lang siya para sabay naming ipagpatuloy ang paglalakad sa magkaibang direksyon ng aming buhay. Dapat kong tanggapin na hindi na siya parte ng daanan na tatahakin ko. At mas lalong hindi na ako parte ng daanan na tatahakin niya.

____________________________

🦋

MGA MALAYANG SALITATahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon